[EULOGY] SI ANSELMO, EMONG, AT KONSEHAL

[TRANSCRIPT; EDITED FULL SPEECH] 

Hello. Ako si Ace, apo ni Anselmo. Nagsulat ako sa Quezon City bago umuwi dito kahit hindi ko sigurado kung may pagkakataon para magsalita o sabihin ang anomang masusulat ko. 

Nagsulat ako bilang paraan ng pagproseso sa nangyari. Kakabalik ko lang ng QC nung isang buwan matapos ang dalawang taon simula nung naglockdown.  

Ako ay nag-aaral ng pelikula at nagsusulat tungkol sa pelikula. Hayaan niyo kong magkwento gamit ang pormang pinagkakadalubhasaan ko. 

Sequence 1. Interior. Bedroom ng condo. Day.

Nagising ako nang walang alarm. Napagdesisyunan ko nung gabi na tanggalin,kasi ilang araw na akong banas sa tunog niya. Bumaba mula sa taas ng double deck, isang bedspace na aking inuupuhan. Tumingin sa celpon. Alas otso palang pala ng umaga. Maaga ito kesa sa alas diez na alarm at paggising ko kadalasan. Binuksan ko ang mobile data para maging online at nagsimulang tumunog at dumating ang mga mensahe.

Cut to:

Sequence 2. Interior. Kusina ng condo. Day.

Habang hinahayaan na magload ang mga mensahe sa celpon, sinuklay ko ang mahabang buhok bilang ritwal tuwing umaga. Nag-unat. Nag-mumog. Naghilamos. Umupo. Dinampot at binuksan ang celpon. 

“Wala na si lolo.” Nabasa kong mensahe mula kay Diane, pinsan ko. Agad kong binuksan para Mabasa nang buo ang mensahe. “Kuya ace, wala na si lolo.” Laman ng buong mensahe. 

Exit. Binuksan ko naman ang mensahe ni mommy. “Ace wala na si lolo mo... namaalam na...Sa heavens daw ibuburol”

Cut to:

Sequence 3. Interior. Sa kusina pa rin ng condo. Day.

Nilagyan ko ng mainit na tubig yung cup noodles na almusal ko. Patuloy pa rin ako sa pagbubukas at pagbabasa ng mga mensahe mula sa magdamag. Hanggang sa natingnan ko na lahat ng unread messages, binalikan ko ang aking pinsan at nanay. 

“Anong nangyari?” unang tanong ko. 

Natagpuang ng kanyang asawa, ni lola, isang umaga na nakahandusay pala ang matanda sa sahig, sa pagitan ng silya at sofa na tinutulugan nito. Tila nalaglag o bumagsak. Tumayo kaya siya tapos biglang nagcollapse? Walang saksi kundi ang naiwang bukas na telebisyon hanggang umaga kaya ang tanong, gaano kaya katagal o anong oras kaya nangyari?

Sequence 4. Exterior. Isang kainan sa labas ng condo. Night.

Dumaan ang maghapon na nagsunog lang ng kilay. Iskolar po ako ng bayan. Iskolar pa rin ng magulang. Sinabi ko na rin sa chat sa piling kaibigan ang nangyari kay lolo. 

“Close ba kayo?” tanong ng isa sa’kin. 

Sa maghapon na walang pakiramdam, tila may tinik na nakatusok at noon ko lang naramdaman ang pagkakabaon.  

Close ba kami ni lolo? 

Sabi nila, pag ikaw raw ay namatay – o bago ka tuluyang mamatay – your whole life will flash before your eyes o makikita mong nagpaplay yung buong buhay mo bago ka mawala sa material na mundo. Fast rewind at flashback kumbaga habang nawawalan ng buhay ang utak. Parang makinang paubos na ang gasolina at mabilisang ipipihit para makarating sa destinasyon o kandilang paubos na hanggang mawala ang pag-alab ng apoy.

Malay natin kung totoo, pero natitiyak ko na mas kapani-paniwala ito para sa mga naiwan ng yumao.  Pero ang kaibahan, hindi lang mabilisang flashback ang nagaganap sa mga naulila. Ang recall o rewind, o paggunita ay pwedeng tumagal ng ilang araw, linggo, buwan, o taon. O pwede ring walang hanggan. 

Dumating na yung pagkain ko sa mesa at ang reply ko sa kaibigan ko ay “noong bata ako, close kami”. 

Pero ano ba ang ibig sabihin ng pagiging close sa isang tao o kapamilya? 

Close ba kapag marami kang natutuhan sa kanya?

Sa kanya ako natutong gumamit ng bread knife. Top 1 ako sa klase pero hindi ko alam na may kutsilyo pala para sa tinapay at gumaan ung buhay ko sa tuwing gagamit ako nito. Ang daling maghiwa ng tinapay gamit ang kutsilyo para sa tinapay o bread knife o ung kutsilyong madaming maliliit na ngipin. 

Siya rin ang nagturo sa’kin ng pinagbabawal na Teknik sa pagsasaing. Nakikita ko ito sa tuwing wala siyang choice kundi magsaing dahil walang matanda sa bahay kundi siya o may sakit si lola, o magkaaway sila at walang pagkain. May paraan ng pagsukat ng tubig si lolo na hindi kinakailangang ilubog ang daliri bilang panukat. Simula non, ganoon na rin ako magsukat ng tubig pero ginagamitan ko pa rin ng kamay para tiyakin na tama nga – at laging tama naman. Magtataka siguro si mommy kasi ilang beses akong nagsaing tapos matigas o malambot ang kanin. Kulang sa tubig at sobra sa tubig.  Ang masasabi ko lang, hindi tubig ang may kasalanan, sadyang ibang bigas na naman ang nabili niya.

Close ba kayo kapag tukoy mo ang ayaw at gusto niya?

Ayaw niya ng walang placemat sa tuwing kumakain sa hapagkainan. At hindi lang para sa kanya, kundi patakaran niya para sa lahat. Ayaw niyang makakarinig ng salpukan ng lamesa at pinggan o baso. Kailangan mong maglagay ng placemat para tahimik at hindi raw mabasag. 

Sa tuwing may pizza, gusto niya laging may hot sauce. Paniguradong hahanap hanapin niya ito. Kaya kung mag-iiwan ka ng pitza-pie sa lamesa niya at natagpuang walang sauce, pupuntahan ka niya para tanungin kung meron bang hot sauce. 

Close ba kapag alam mo ang mga ritwal niya? 

Sa tuwing may malaki at malayong gala ang pamilya, may pagkakataon na hindi siya sumasuma o nakakasama. Marahil ay nagpapaiwan siya o dahil hindi siya pinapasama ni lola dahil walang magbabantay ng bahay. Pero ang pagkakatanda ko, may aso naman kami. Tatlo pa nga. Hindi ba’t kaya tayo nag-aalaga ng aso para magbantay ng bahay kapag aalis tayo. Kaya ba hindi siya makaalis ay dahil walang magbabantay ng bahay o walang magbabantay ng aso?

Speaking of aso, hindi ko sure kung mahal na mahal niya dahil pinagluluto niya ng pagkain ang mga ito. Pero ang niluluto niya ay napakabaho dahil pinapainit pa niya ang bulok na pagkain. Tapos pagkaluto, bubulukin pa nya ito ng ilang araw. Sa lahat siguro ng bagay, hindi ito ang mamimiss ng pamilya dahil napaka baho naman talaga at hindi namin maintindihan kung bakit lagi niyang ginagawa.

Pero teka, mabalik tayo sa galaan.  Sa tuwing makakasama naman siya, isa sa ritwal niya ay maligo ng pabango. As in literal na maligo sa pabango dahil sa halip na i-spray o kuskos sa balat, ginagawa niyang parang lotion ang perfume dahil pinapahid niya ito sa buong katawan. Sana hindi dahil bahong baho siya sa sarili niya matapos magluto ng pagkain ng aso. Pero naisip ko, mukang tama dahil effective ang ganung paraan kasi paglapit mo pa lang sa kanya – amoy mayaman na. 

-

Muli, sapat na ba ito para masabi kong close kami? Batid ko na iba ang pagkakakilanlan namin/natin kay lolo. Para sa iba, siya si Konsehal. Wala akong ideya sa kasaysayan niya sa politika; naririnig ko lang pero hindi yata ako kailanman nakapagtanong tungkol dito. Pero ngayon masasabi ko na ang kamulatan ko sa politika ay dahil sa kanya, dahil sa kanyang mga komento habang nanonood ng balita, dahil sa mga pag-uusap na naririnig ko sa mga kasamahan niya, at dahil sa pagtindig niya para sa tapat na gobyerno nitong eleksyon. Proud ako na parehas kami ng ibinoto. Hindi ko na babanggitin kung sino kasi sinabihan akong wag nang magsama ng politika sa talumpati ko. 

Blackout.

Sequence 5. Interior. Wake. Night

Nakatayo ako ngayon sa harap niyo. Gumugunita. Umaalala. Paano ko siya maaalala? Anong naaalala mo tungkol kay Lolo? Kay emong? Kay Konsehal?

Cut to flashback:

Noong bata ako, kapag nilabas ni lolo ang itim na salamin at dilaw na kahon alam ko na ang gagawin niya. Magbubunot siya ng buhok sa muka. Pwepwesto siya sa liwanag. Ako naman hahanap ako ng pwesto para panoorin ang ginagawa niya. Hindi ko alam kung bakit ko nahiligan panoorin ang pagbubunot niya ng bigote at balbas. Ngayon na Malaki na ako, sinubukan ko ang ginagawa niya. Pucha ang sakit. Bakit niya binubunot eh sobrang sakit pala? Kay naggugupit nalang ako. At least yon, hindi masakit. 

Noong teenager ako, binibili mo ko ng puto at maja sa tuwing napunta ka sa palengke ng bayan. Nagbabike ka lang kase mas malapit ito kesa sa palengke ng Batong Malake. Mamimiss ko ang bike mo na hindi ka nagsasawang gawin ang palaging nasisirang kadena at preno. Pero dahil makulit ako, kahit mahina ang preno, ginamit ko pa rin. Naaksidente ako at agad mong pinagawa. Kapag iba ang gumamit at nakalas ang kadena, nagagalit ka, pero kapag ako ang gumamit at kumalas ang kadena, hinding hindi ka nagagalit. 

Syempre hindi ka magagalit sa’kin kasi walang magsasave ng mga contact number mo sa celpon mo. Alam niyo si lolo, kahit maalam magtext, magload, at sumagot ng tawag – hindi siya maalam magsave ng number. Isinusulat niya sa papel ang numero at pangalan ng ipapasave. May pagkakataon na naiipon sila at hinihintay niya ako para maisave iyon. Ang pinagtataka ko, bakit hindi siya humingi ng tulong sa mga pinsan ko na kasama naman niya sa bahay. Bakit ako pa rin ang tinatawag niya at laging bungad sakin sa tuwing ako ay uuwi sa bahay? Ito kaya ang paraan niya para makausap ako? Kung tutuusin, iyon nalang ang naging interaksyon namin nang ako’y nag highschool. Ngayon narealize ko na maituturing na bonding moment namin iyon. Naguilty tuloy ako kung bakit di ko siya tinuruan. Pero tanda ko na sinubukan at pinakita ko kung paano magsave ng number sa celpon niya. Pero buti nalang hindi siya natuto. Kasi kung natuto siya, baka wala na siyang dahilan para kausapin ako. Buti nalang. 

Ngayon na hindi na akong teenager, mas naramdaman ko ang pagbabago. Kung noon ay ikaw ang nabili ng merienda sa kanto para sa’kin, ako na ang nabili ng merienda para sayo. Kung noon ay ikaw ang naghahanap ng gamot noong nagkasakit ako ng dengue dahil kailangan ko ng tawa-tawa, ngayon ay ako na nabili ng gamot mo. Doon ko rin nalaman na may parehas sa iniinom nating gamot. Kapwa tayong tinamaan sa baga nitong pandemya. Pero kinaya mo. Kinaya ko. Kinaya nating dalawa. 

Blackout. Back to the present.

Sequence 6. Interior. Wake. Night

Alam ko na may nagbabago sa paglipas ng panahon. Nagbago ako. Naging busy sa ekswela. Obvious naman dahil hindi na niya ako ibinibili ng mga laruan. May mga bagong apo na rin siya para bilhan ang mga ito. Pumunta ka pa nga sa palengke noong isang araw para bilhan ng pasalubong si Ahmad, ang pinakabata sa magpipinsan, ang bagong favorite. 

Kaya marahil magiging parehas ang sagot naming magpipinsan, “noong bata kami, close kami kay lolo” Eh mga bata pa naman kaming magpipinsan, wala pa ngang may asawa.. Malapit talaga siya sa mga apo niya; kita niyo rin naman sa mga slideshow.  

Sa aking paggunita sa alaala ko sa’yo, may isang nangibabaw. 10 years ago or so, may pinakita kang flyer sa’kin. Ang nakalagay CRYPTOCURRENCY. Tanda ko na sinabi kong baka hindi iyon totoo. Hindi ko na matandaan pero sobrang baba pa ng presyo niya. Para sa hindi pamilyar sa cryptocurrency, ito ay isang klase ng ecash, electronic or digital money, at isang sikat na halimbawa ay ang BITCOIN. Narinig niyo na ba ito? Alam niyo ba ang halaga niya sa kasalukuyan? Kung ang value ng 1 bitcoin noon around 2010-2012 ay 1 dollar or 40 pesos more or less, ngayon ang value ng 1 bitcoin ay 1,500,000 pesos. Nangingibabaw ito ngayon dahil kung naniwala ako sa’yo, mayaman na siguro tayo. Hindi na sana nangutang tong mga anak mo para sa lamay mo. Charot. Pero dahil sobrang bata ko pa noon at wala din namang kakayahan para bumili, likas na papalipasin iyon. 

Sequence 7. Interior. Wake. Night

Naiinip na siguro ang ibang tao sa lamay kasi ang daming ebas ng apo ni Anselmo. Hindi po talaga ako madaldal. Utal po ako, kung hindi niyo man po napansin. Gusto ko lang magkwento. Gusto ko lang ibahagi kung sino si Lolo para sa’kin dahil sobrang proud ako kung paano niya, kasama si lola, paano nila pinalaki at napag-aral ang mga anak nila kahit silang mag-asawa ay hindi nakapagtapos. At paano kami pinapalaki ng mga magulang namin. Salamat, Lo. Maraming salamat.

Paubos na ang gasolina mo. Pawala na ang usok ng katol sa ilalim ng silya. May kalawang na ang breadknife na gamit mo. Ubos na ang pagkain ng aso. Pero dahil marami kang itinanim, may tutubo at yayabong pagkatapos nito. Kami ay magpapatuloy. 

Fade to black

END

21 MAY 2022



Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

Analysis: Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa

Pelikula at Bansa: Ang Pagbuo ng National Cinema

Emerging Filipino Indie Genre in the Philippine National Cinema

Pelikula at Bansa: Mga Potensyal at Hadlang Para sa Kaunlaran

Pabula: Ang Dalawang Magkaibigang Daga

Pagpapayaman sa Kultura at Wikang Filipino

Breaking the Gold: The Golden Years of Philippine Cinema

Pagsulat sa Filipino - Lakbay-Sanaysay

Bar Boys (2017): A Movie Review

The Historical Origin and Cultural Implications of Bañamos Festival of Los Baños, Laguna