Pelikula at Bansa: Ang Pagbuo ng National Cinema
Panimula
Sa pagitan ng digmaang Kastila at
Amerikano sa bansa noong panahon ng kolonyalismo, ang pelikula ay naipakilala
sa mga katutubong mamamayan ng Pilipinas. Ito ay naging isang malaking
impluwensiya sa kultura, lipunan, at pati na rin sa politika kung susuriin ang
kasaysayan ng sinema sa bansa. Bagamat hindi katutubo ang pelikula, naging
behikulo ito upang mabuo ang pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Sa panahon kung
saan hindi pa ‘Pilipino’ ang mga Pilipino buhat ng kolonyal na pag-iisip at
ideolohiyang lakas ng mga dayuhan, ang pelikula ay isa sa mga nagsilbing midyum
o kasangkapan upang mabuo ang esensya ng pagiging Pilipino. Subalit ano ang
ibig sabihin ng pagiging “Pilipino”? Ano ang kinalaman ng pelikula sa
pagtaguyod ng sari-saring kaisipan mula sa loob at labas ng lupain na
nakatulong at nakasagabal sa pag-unlad ng isang makabansang katauhan?
[CONTINUE READING THIS @ Pelikula at Bansa: Ang Pagbuo ng National Cinema – SineSalita (wordpress.com)]
Isang siglo na ang nagdaan, ang
kasaysayan ng pelikula sa Pilipinas ay nagluwal ng mga pagbabago, suliranin, at
pag-unlad bilang isang pang-aliw, instrumento sa komunikasyon, propaganda sa
politika, representasyon ng kultura, at boses ng mamamayan. Tulad ng wika, ang
pelikula ay naghangad din ng isang pambansang katauhan. Ang itinuturing na “national cinema” noon ay hindi kumakatawan sa kasalukuyang pananaw ng
pagiging “national” dahil sa
introduksyon ng “digital” sa bagong
siglo na nakapagpabago ng pormat ng paggawa ng pelikula, pag-usbong ng mga
pelikulang panrehiyon o “regional cinema”
na kumakatawan sa iba’t ibang kapuloan ng Pilipinas, at dilema sa pagitan ng
iba’t ibang uri ng pelikula tulad ng mainstream
at indie na nagpalabo ng
pagkakakilanlan ng pelikulang Pilipino.
Bilang isa sa mga naging pangunahing
uri ng libangan, ang panonood ng pelikula ay kakikitaan ng makabuluhang epekto
sa mga manonood. Hinuhubog nito ang kaisipan ng madla sa iba’t ibang aspeto
tulad ng kaisipang makabansa o dayuhan. Ang papel na ito ay tatalakay sa nosyon
ng nasyonal sa larangan ng sinema at kung bakit hindi iisa o maaaring iisa lang
ang palagay sa kaisipang nasyonal. Dapat suriin ang kasaysayan hanggang
kasalukuyang kalagayan ng pelikula bilang isang industriya at siyasatin ang mga
kontekstong nakapaloob sa bawat panahon. Mahalaga ito upang makabuo ng mas
mahusay na paliwanag kung ano ang, paano naging, at bakit nasyonal ang
pelikulang Pilipino.
Mga Kaugnay na Literatura at Pag-aaral
Ang
kabanata na ito ay nahahati sa dalawa: ang pag-aaral ng kaugnay na literatura
at pag-aaral ng kaugnay na pananaliksik. Ang bahagi na ito ay kinakailangan
upang lalong maunawaan ang kaligiran at teksto ng pag-aaralan.
Mga Kaugnay na Literatura
Ang bahagi na ito ay nagbibigay ng
mahahalagang impormasyon at dagdag kaalaman ukol sa mga variables ng pananaliksik. Dito mabibigyang kahulugan ang mga
sumusunod: national cinema, nation, nationalism/nasyonalismo, at pelikulang
Pilipino.
Bago
siyasatin ang ‘national cinema’, nararapat munang suriin ang depenisyon ng
‘nation’. Hindi pare-pareho, likas, at nag-iisa ang kahulugan ng nasyon o
bansa. Napagkakasunduan lamang ang isang ideya ng nasyon batay sa kultura ng
isang bansang may iba’t iba at nagbabanggaang katayuan tulad ng wika, lahi, etniko,
relihiyon, katayuan sa lipunan, kasarian at sekswalidad. Binigay ng mga iskolar
ang kani-kanilang depenisyon ng isang bansa o nasyon. Tulad ng teorya ni
Benedict Anderson, ang mga nasyon ay "imagined communities” raw na
nakabase sa nalalathalang kasulatan at teksto na bumubuo sa pambansang
kamalayan ng magkakatipon na tao. Iniangkop nina Ella Shohat at Robert Stam ang
ganitong palagay ni Anderson nang ipinahiwatig nila na ang manonood ng pelikula
ay isang ‘pansamantalang nasyon’ na nagbuklod bilang tagapanood. Kung nakabase
sa ‘literacy’ o karunungang bumasa’t sumulat ang palagay ni Anderson, para kina
Shohat at Stam, may mas kakahayan ang pelikula sa gampanin na mapagyaman ang
iba’t ibang sektor ng lipunan dahil hindi tulad ng mga libro na nakabatay sa karunungang
bumasa’t sumulat, ang pelikula ay tinatangkilik sa isang pampublikong espasyo
ng isang grupo ng tagapanood. (Schirmer Encyclopedia of Film)
Ayon
kay Virgilio Almario, “ang nasyónalismo ay isang sistema ng paniniwala o
ideolohiyang politikal ng pagiging makabansa, ng katapatan sa interes ng bansa,
ng identipikasyon nang may pagmamalaki sa kultura at tradisyon ng bansa, at ng
paglulunggating matamo ang pambansang pagsulong. Pinaniniwalaang ang
nasyonalismo ay isang pangyayaring kamakailan lamang naganap at nangangailangan
ng mga kondisyong estruktural ng mga modernong lipunan. Ang mga pambansang
watawat, pambansang awit, at iba pang simbolo ng mga pagkakakilanlang pambansa
ay itinuturing na mahalagang sagisag ng pagkakabuklod-buklod.”
Ang nasyonalismo ay kaisipiang
kanluranin na dala ng mga sumakop sa ating bansa sa mga nakaraang siglo. “Sa
pangkat ng mga creoles nagsimula ang binhi ng kamalayang pambansa na pagkaraan
ay pauunlarin at paiigtingin ng mga ilustrado at isasakatuparan naman ng mga
Indio.” Ang mga makasaysayang kaganapan sa kanluran, ang pagbubukas ng mga
lagusan pangkalakalan, at ang pag-aaral ng mga Filipino sa Europa ay nagdulot
para sa mga kaisipan tulad ng ‘nasyonalismo’ na umusbong at maging mahalagang
puwersang politikal at sosyal ng isang bansa o estado. “Ang pag-unlad [ng
kaisipang nasyonalismo] ay mahigpit na kaugnay ng modernisasyon ng estado at ng
pagtangkilik sa soberanyang popular.” (Almario)
Mga Kaugnay na Pag-aaral
Nailalahad ng bahaging ito ang
pagsusuri ng mananaliksik sa tatlong kaugnay na pag-aaral na may mga pamagat
na: Contesting a National Cinema in
Becoming: The Cinemalaya Philippine Independent Film Festival (2005-2014)
ni Emerald O. Flaviano, The Other "
Other " Cinema: National and Cultural Identity in Filipino Alternative
Films ni Elvin Amerigo De Guzman Valerio at Philippine Contemporary Regional Cinema: A Narrative Analysis of
Regional Filmmakers‟ Accounts on the Re-emergence of Regional Films in the 21st
Century ni Mary Kareen L. Gancio
Contesting a National Cinema in Becoming:
The Cinemalaya Philippine Independent Film Festival (2005-2014)
Tinalakay ni Flaviano ang
pinagtatalunang proseso ng pagbuo ng isang malinaw na katangian ng nasyonal
sinema. Para sa kanya, hindi magkakaroon ng isang paniniwala kung ang mekanismo
ng pelikula ay napakalawak na nagiging transnasyonal na ito o lumalampas sa
depenisyong idinidikit sa kaisipang nasyonal. Ang ganitong kalikasan ng
pelikula ay halata sa operasyon ng paggawa na nagmula pa at patuloy na
isinasagawa sa ibang bansa. Ginamit ni Flaviona ang Cinemalaya, isang independent film festival sa Pilipinas na naitatag noong 2005, bilang pokus ng
kanyang paksa kung saan niya iginuhit ang kanyang mga argumento. Ang pag-aaral
na ito ay may kaugnayan sa pananaliksik dahil kapwa nitong sinisiyasat ang
kaisipang nasyonal at kapasidad ng sinema o pelikula na katawanin ito.
The Other "Other" Cinema:
National and Cultural Identity in Filipino Alternative Films
Sa
pag-aaral naman ni Valerio, nag-pokus ito sa kapangyarihan ng independent
cinema bilang alternatibo sa Hollywood. Ang kakayahan ng pelikula na maglangkap
ng mga katauhan, kultura, at kaisipan ay dapat daw mapagtanto upang magamit
laban sa kolonyal na pag-iisip. Kinuwestyon din ni Valerio ang kasanayan ng mga
indie films na madalas ipadala at ipalabas sa ibang bansa. Aniya, para lang sa
mga dayuhan ang mga ginagawang pelikula ng mga Pilipino. Nagbigay rin siya ng
suhestiyon na sa halip na magpasasa sa paggawa ng pelikula na patuloy na
pinagbibigyan ang panlasa ng internasyonal na patimpalak at pagtatabing,
gamitin daw ang mga kumbensyon ng pelikula para paunlarin ang mga makabansang
kaisipan na lalaban sa mga ideyang kolonyal na madalas na nakapaloob sa mga
pelikulang Pilipino. Ang pag-aaral na ito ay mahalaga sa pananaliksik dahil
sinusubukan nitong bumuo ng isang mekanismong sasalungat sa naghaharing
ideolohiyang kolonyal sa sistema ng sinema.
Philippine Contemporary Regional Cinema: A
Narrative Analysis of Regional Filmmakers’ Accounts on the Re-emergence of
Regional Films in the 21st Century
Sinaliksik
ni Gancio ang mga pangunahing kadahilanan ng pag-usbong ng sinema sa mga
rehiyon gamit ang mga salaysay ng mga ‘regional
filmmakers’. Ang mga problema at motibasyon sa pagsulong ng pagsasapelikula
sa rehiyon ay kaniyang binigyang halaga rin. Naghain si Gancio ng mga salik
kung paano matutukoy ang mga pelikula bilang pelikulang rehiyonal at naniniwala
siya na patuloy itong magbabago sa paglipas ng panahon.
Daloy ng Pag-aaral
Ang unang bahagi (PANIMULA) ng papel
ay ang panimula kung saan ilalahad ang kaligiran ng pananaliksik, mga
mahahalagang konsepto, at konseptwal na balangkas. Ang ikalawang bahagi o
katawan (TALAKAYAN) ng papel ay maglalaman ng diskusyon at analisis ng mga
konsepto at paksa na sasagot o sasalamin sa suliranin at layunin ng pag-aaral.
Ang ikatlo at huling bahagi (WAKAS) ay ang konklusyon ng pag-aaral at mga
mungkahi ukol sa paksang tinalakay.
Talakayan
Kasaysayan
Taong
1897 nang dinala ng magkapatid na Lumiere ang pelikula sa Manila. Ang mga
pelikula ay pawang maiikli at walang buong kwento na karaniwang tumatagal nang
45 segundo lamang (short films). Nang
lumusob ang mga kano sa bansa noong 1898, ang pelikula ay naging newsreel documentaries, anyo ng
pagsasapelikula kung saan dinudokumentaryo ang mga kaganapan noon panahon ng
digmaan. Taong 1912 lamang nagawa ang pinakaunang full-length film o pelikula na higit na mas mahaba at istandard ng
kasalukuyang kalakaran ng sinema; dalawa ang naprodyus na pelikula na parehong
isinabuhay ang pagbitay kay Jose P. Rizal. Subalit, mga dayuhan lang ang may
kakayahan at kapital para magkaroon ng mga kagamitang pampelikula at gumawa ng
pelikula noong mga panahon na iyon. Di naglaon, itinatag ni Jose Nepumeceno at
ng kanyang kapatid na si Jesus ang Malayan
Movies, ang kauna-unahang lokal na produksyon ng pelikula (film company), noong 1917 na siya ring
gumawa at nagprodyus ng kauna-unahang pelikulang Pilipino na pinamagatang Dalagang Bukid, 1919. Sinundan ito ni
Vicente Salumbides noong 1925 nang itinatag niya ang Salumbides Film at ginawa ang Miracles
of Love, na siyang nagsulat, nagdirek, nag-edit, at nagprodyus (Deocampo) .
Ayon sa kasaysayan, dalawang dekada
ang binilang bago nagkaroon ng sariling kamay ang Pilipino sa midyum ng
pelikula. Bagamat may ilang Pilipino na galing sa teatro ang tumampok at
tumulong sa mga pelikula noong 1912 na gawa ng mga Amerikano, si Nepomuceno ang
nanguna sa paggawa ng pelikulang Pilipino na naging pangunahing dahilan sa
pagtawag sa kanya bilang ‘Ama ng Pelikulang Pilipino’. Mahihinuha natin na sa
panahon niya nagsimula ang pag-indigenize
ng pelikula na isang di-katutubong materyal.
Dahil nasa ilalim pa rin ang
Pilipinas sa panuntunan ng mga Amerikano, patuloy ang ‘Hollywood’, ang sinema ng Amerika, sa pagpapalabas ng kanilang
pelikula sa bansa. Sa sumunod na dekada pa, 1930s, nakapagtatag ang mga may
kapital na Pilipino ng kani-kanilang mga film
studios tulad ng Sampaguita Pictures, LVN, Filippine Films, Excelsior atbp.
(Sentrong Pangkultura ng Pilipinas) . Sa simula, ang
sarsuwela, komedya, at sinakulo ay mga naging tularan ng mga nilalaman ng
pelikulang Pilipino. Ang pelikula at teatro ay hindi naglalayo dahil ginagamit
ng una ang mga kumbensyon ng huli.
Ang potensyal ng pelikulang Pilipino
ay naantala dahil sa ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1940s. Natigil ang
lokal na produksyon ng pelikula, at materyal na propaganda lang ng mga Hapon
ang nailathala at naipapalabas. Nanumbalik ang lakas ng industriya matapos ang
giyera; may mga panibagong film companies ang naitatag at may ilan ring
nakaligtas mula noong panahon na wala pang gera at namalagi. Umusbong ang
pelikulang Pilipino sa dekada 1950 at tinagurian itong “Gintong Panahon” ng
industriya. Bagama’t malaki ang impluwensiya ng Amerika, partikular ang
Hollywood, sa sinema ng bansa, ang mga Pilipinong filmmakers ang sumagisag sa pagka-Pilipino ng mga Pelikula. Ilan sa
mga tanyag noong panahon na ito ay sina Manuel Conde, Lamberto Avellana, at
Gerardo de Leon na pawang mga naging National
Artists ng bansa.
Ang mga pelikula na naprodyus noong
mga panahon na ito ay mabigat na nakaugat sa studio system, o ang sistema ng pagsasapelikula ng Hollywood na
binibigyang tuon ang bawat espesyal na kasanayan mula sa teknikal hangang sa
panlikha; kung saan ginagawang mga tanyag o star
ang mga artista o aktor ng pelikula at kung saan lubos na gamitin ang mga sikat
na dyanra upang siguraduhin na ang pelikula ay papatok sa takilya (Torre) . Karamihan sa mga
pelikulang Pilipino ay nagtatampok ng mga mapanlikhang kaisipan na nagdulot ng
dyanrang pantasiya (Fantasy genre). Mga kwento ng kathang-isip at kabayanihan,
mga karakter galing sa komiks, at mga tema na popular sa madla ang naging
palasak sa mga sinehan (Garcia) .
Sa kabilang dako, ang mga malalaking
produkisyon ng pelikula ay gumawa ng mga “prestige
films” o mga artistikong pelikula na masining ang pagkakagawa, taliwas sa
karaniwan na produksyong komersyal. Isang artistikong pelikula bawat taon ang
naging target ng mga film studios na isinasali nila sa mga pampelikulang
patimpalak o film festivals. Subalit,
ang masasayang araw ng mga film studios ay naglaho nang bumagsak ang kanilang
industriya dahil sa palala nang palalang isyu sa paggawa ng mga kanilang mga
tauhan at manggagawa.
Sa
pagbagsak ng mga pelikulang mainstream
ay ang pagkabuhay ng independent cinema. Kasabay nito, humalili ang mga mahalay
na bomba films bilang bagong
mainstream sa sumunod na dekada. Naging isang penomenon ang kalaswaan sa
sinehan; punong puno ng kalibugan at kababalaghan ang mga kaganapan sa paggawa
ng pelikula. Ang bulgar at tahasang kalaswaang hatid ng nasabing dyanra ay
natuldukan sa panahon ng Batas Militar ng dating diktador-pangulong Marcos noon
1972.
Ang
dekadang ito ay kakikitaan ng panibagong sinema. Kasabay ng pagtatalaga ng
sensura sa pelikulang Pilipino, sinubukang gamitin ng rehimeng Marcos ang
pelikula bilang instrumento sa isinusulong na Bagong Lipunan (New Society). Naglaan ng malaking pondo
para sa industriyang ito. Maraming natatag na institusyon: mula sa pagpapatuloy
ng taunang Manila Film Festival noong 1966 na naging Metro Manila Film Festival
noong 1975, hanggang sa Experimental Cinema of the Philippines at Board of
Censors for Motion Picture. Lahat ay pawang may layuning suportahan ang
industriya ng pelikula subalit lumabas ang totoong motibo ng nasa kapangyarihan
– ang gamitin ang pelikula sa kanilang pasistang interes.
Gayunpaman,
kakikitaan ang panahon na ito ng mga mahuhusay at makabuluhang pelikula mula sa
mga ‘independent filmmakers’ na
naging militante ang lapit. Ang mga pelikula nina Lino Brocka, Ishmael Bernal,
Mike de Leon, Marilou-Diaz Abaya, Laurice Guillen atbp. ay nagsilbing patunay
ng kanilang kontradiksyon sa estado ng bansa noon. Mga temang may kinalaman sa
kahirapan, paniniil, pulitika, relihiyon, sekswalidad, krimen, at karahasan ang
ilan lamang sa pangunahing laman ng naratibo ng mga pelikula ng mga nabanggit
na direktor. Ang ‘independent cinema’
ay ang naging panibagong mainstream kasabay ng mga bagong film studios na
natatag. Para sa ilan, ang panahon na ito ay maituturing ding ‘Ginto’ dahil sa
uri ng pelikulang nagawa.
Sa
wakas, nabago ang pamumuno noong 1986 at naisulong ang demokrasya sa bansa.
Subalit, kalakip ng pagbabago ay ang kawalan ng interes ng pamahalaan para
lalong paangatin ang industriya ng pelikula. Ang sinema ay tila naging puwang
lamang sa paligid. Di nagtagal, sa paparating na bagong siglo, nagkaroon ng
malaking inobasyon sa teknolohiyang pampelikula. Napakilala ang digital na papalit sa tradisyunal at
makalumang seluloid. Dahil dito, bumaba ang produksiyon ng pelikula sa bansa
dahil sa pagbabagong-kalagayan ng midyum, kung saan nahirapan ang mga
pangunahing manlalaro ng industriya.
Sa
pagdating ng bagong siglo ay nagbukas ng panibagong pagkakataon para sa
pelikulang Pilipino. Ang ‘independent
filmmaking’ ang nanguna sa pagsusulong muli ng industriya. Ang pagkakatatag
ng CineManila noong 1999 at Cinemalaya noong 2005 ay naging tulay para sa mga ‘indie filmmaker’ para maipakita ang
kani-kanilang galing at husay sa bagong pormat ng pelikula. Sumibol sa dekada 1980, ang mga batikan na
filmmakers tulad nina Raymond Red at Kidlat Tahimik, kasama sina Lav Diaz at
Brillante Mendoza sa sumunod na dekada, sila ay nagbigay ng panibagong mukha ng
pelikula. Ang bakas ng mahuhusay na pelikula noong rehimeng Marcos ay
nagkakaroon ng panibagong bersyon sa kontemporaryong panahon.
Dahil kakaunti pa lamang ang
naisusulat para sa kasaysayan ng bagong siglo, ang maikling pagbubuod ng
kasaysayan ng pelikula sa bansa ay maging sapat sana para kilatisin ang paksa
ng papel. Bibigyang tuon ang akda ni Rolando Tolentino, Contestable Nation-space: Cinema, Cultural Politics, and
Transnationalism in the Marcos-Brocka Philippines na naglalaman ng mga
konsepto ng estado, pelikula, at ang gampanin ng mga ito sa pagbuo at
pagtuligsa sa kaisipang nasyonalismo. Kasabay nito ay ilalapat ang mga kaugnay
na pag-aaral nina Emerald O. Flaviano at Elvin Amerigo De Guzman Valerio.
Nasyon, Nasyonalismo, at Sinema
Pinahalagahan
ni Tolentino ang aspeto ng lipunan, pamilya, katawan at sekswalidad sa
pagbibigay linaw sa ideyang nasyonal. Ayon sa kanya, ang esensya ng mga ito ay
kinatawan ng at inilarawan sa pelikula. Masasalamin sa mga gawa ni Lino Brocka
ang mga kaisipang magbibigay palagay tungkol sa estado ng bansa noong panahong
ginawa niya ang kaniyang mga pelikula. Aniya, ang kultura at politika ay hindi
nagkakalayo dahil sa mga implikasyong hatid ng daluyan nito – ang pelikula.
May
kulturang binibagayan ang pelikula; may politika ring kasama ang
pagsasapelikula ng nasulat na iskrip. May kulturang nakapaloob sa gumagalaw na
imahe, na kahit pagganap lamang ito sa mga karakter na nilikha ng manunulat ng
pelikula o pagsagisag lamang sa mga ideya ng direktor, kakikitaan ito ng mga
kaugalian, kasanayan, at paniniwala batay sa aksiyon at salita. May kakayanan
din ang pelikula na magtanim ng mensahe sa mise-en-scene
o pagkakaayos ng anyong ginagalawan ng pelikula. Dahil dito, nagkakaroon ng
ideyang politikal ang pagkakagawa ng pelikula. Ano ang nais nitong sabihin?
Bakit ganito ang pagkakatanghal ng lipunan sa pelikula? Paano sumunod o
sumalungat ang tauhan sa likas na katangian ng tao? Ano ang ibigsabihin ng mga
simbolong nakapaloob sa gumagalaw na imahe?
Kahirapan sa lipunan ang madalas na tema sa
pelikula ni Brocka, miski na rin sa mga kapanabay niyang mga militanteng
director. Pinalagay ni Tolentino na ito ang paraan ni Brocka para kontrahin ang
Bagong Lipunan ni Marcos na pilit iwinawaksi ang totoong kalagayan at mukha ng
lipunan – ang mahihirap, at sa halip magtakda ng kahambugan sa pagpapanggap.
Ang represantasyon ng isang pamilyang Pilipino sa pelikula ay malaking bagay
rin hindi lang sa naratibo pati na rin sa mas malaking larawan ng realidad.
Dagdag ni Tolentino, isang alegorya ito sa Estado. Ang lugar at panahon ng
ginagalawan ng mga karakter sa kwento ni Brocka ay may kalakip na kahulugan –
kultural at pulitikal na kahulugan. Ang katawan at sekswalidad ay naging
kasangkapan para magpahiwatig at magpahayag ng mensahe. Ang mga ito ay mainam
sa pagbabasa ng pelikula ni Brocka. Ang pag-uuri ni Tolentino sa mga naturang
aspeto ay mahalaga para maunawaan ang konteksto ng pagiging Pilipino at ng
pamumuhay sa Pilipinas.
Sa
ganitong pagsasapelikula ni Brocka ng lipunan, pamilya, katawan, at sekswalidad
ng tao sa Pilipinas, tila iginuhit niya ang kanyang larawan ng kanyang nasyon.
“Ang karalitaan ang naging tagpo ng pelikula; ang pakiramdam at proseso ng
pag-iisip ng tao, maging mabuti o masama, ang magtatakda ng balangkas ng
panlipunang problema” (p.26). Binigyang diin ni Tolentino na ang pagiging Third
World ng ating bansa ay siyang dahilan kung bakit nakatuon sa kahirapan ang mga
tema ng pelikula –ipinapamuka na ito ang normal na kalagayan ng bansa.
Bukod
dito, isinaalang-alang ni Tolentino ang pagiging arkipelago ng bansa. Ang
pagkakahati-hati ng mga kapuluan ay sumasalamin sa pagkakawatak-watak ng mga
tao sa bansa na siyang dahilan kung bakit nahirapan at patuloy na nahihirapan
ang mga mamamayan at industriya para mapunan ang puwang bilang isang
nagkakaisang nasyon. Ang heograpikal na anyo ng ating bansa ay naging isang
balakid para mapadali at mapabilis ang proseso ng pagbuo ng isang magiting na
estado.
Ang
temang kahirapan ay namana ng mga sumunod na henerasyon ng independent cinema. Poverty-porn kung ito ay bansagan. Dito
rin naging tanyag ang pelikulang Pilipino sa ibang bansa, sa buong mundo kung
itatala. Kung ang mainstream na pelikula ay halos laging nakadepende sa
komersyal na konsiderasyon, ang indie naman ay halos laging nakatuon sa
pagpinta ng masalimuot na realidad. Hindi ito tatangkain ng komersyal na
pelikula sa kadahilanang baka lumayo ang loob at damdamin ng masang tagapanood.
Sa katanuyan, may “escapist” na
kalikasan ang mga patok na pelikula at ito ang habol ng nakakarami – ang hindi
humarap sa katotohanan at libangin lamang ang sarili para sandaling kalimutan
ang kani-kanilang realidad. Malinaw na hindi ganito ang indie.
Dahil
sa kakayanang sumuway sa kumbensyonal na pagsasapelikula ang indie sinema, may
mas kapasidad ito para magpakita at magpahiwatig ng mga mensaheng hindi madalas
pinag-uusapan ng marami tulad ng sekswalidad, sariling kasarinlan, at dumi ng
lipunan. Kung nagawa man ito ng komersyal sinema, higit na mas malalim, mas
matapang, at mas awtentik ang indie dahil walang bahid ito ng pagpapanggap. Ito
ang pangunahing rason kung bakit matinding purihin at bigyang halaga ang mga
pelikula na ginawa sa labas ng mainstream. Tila naging mga sisidllan ito ng mga
pahayag ng pagbabago at makabuluhang damdamin. Subalit hindi natin maiwawaksi
na ganito rin ang kalikasan ng ibang pelikula, maging komersyal man o hindi,
dahil pawang magkatulad ang midyum; parehas gumagamit ng lengguwahe ng pelikula
at parehas nagpapakita at nagbibigay ng karanasan gamit ang gumagalaw na imahe.
Ang pelikula ay isang kultural na
institusyon. Dala ng pelikula ang kultura ng tao dahil sa tao at sa mga
karanasan nito kinukuha ang kwento. Sa pelikula rin maaaring magmula ang bagong
kultura. Mayroon nang kultura sa panonood ng sinema: ang pagpili o di pagpili,
ang pagtangkilik ng ganito kaysa sa ganoon, at patuloy na pagpraktis sa
ganitong kasanayan. Saan makikita ang nasyonalismo? Hindi literal na makikita
kundi nauunawaan at nahihinuha mula sa mga pahiwatig at mungkahi ng gumagalaw
na imahe. Kakikitaan ito sa indie sinema. Dahil nakatutok sa aliwan ang
mainstream, hindi nito binibigyang halaga ang implikasyon ng pagpapalabas ng
mga pelikula na halaw sa subok na pormula gaano man kaluma; ang mahalaga ay
kumita.
Kaya sa indie sinema nakita ni
Valerio ang potensyal nito na maging panlaban sa nangingibaw na lakas-global ng
sinema ng Kanluran, ang Hollywood. Bilang alternatibo, ang mga pelikulang
Pilipino ay may kapasidad para baguhin at bahagyang wasakin, kung hindi man
buo, ang nakagawian. Baguhin ang diskurso ng industriya; ilihis mula sa
mala-kolonyal papunta sa pagiging makabansa. Wasakin ang interes na hindi
makakatulong sa pagbuo ng diwang maka-Filipino. Sa pamamagitan ng nakasanayan
dyanra at kumbensyon, mungkahi ni Valerio, ang pelikulang Pilipino ay
makakapagpatibay ng isang alternatibong sinema at makakapagtaguyod ng sariling
makabansang kaisipan.
Sa kabilang dako, layunin ni
Flaviano na punan ang puwang sa diskurso ng Cinemalaya patungkol sa posisyon
nito sa kultura, industriya, at lalo na sa pambansang sinema. Aniya, kailangang
linawin ang paksang “independence”
dahil nakapagtatakda ito kung ano ang itatanghal at paano isasapelikula ang
bawat layunin ng filmmaker. Malaya man sa mata ng komersyal, tila may mga lakas
pa rin sa loob at labas ng industriya ang nakakaapekto sa produksiyon,
distribusyon, at eksibisyon ng mga pelikula. Bukod rito, ang pagsali ng mga
nasabing pelikula sa mga internasyunal na patimpalak at programa ay lalong
sumasalamin sa katangian nito na pagiging transnasyonal. Hindi lang sa sariling
pinilakang-tabing naitatanghal ang pelikulang Pilipino. Ang ganitong kalikasan
ng pelikula ay dapat pagkaisipin dahil nahuhulma rin mula rito ang ideyang
nasyonal ng bansa, lalo na kung ikukumpara sa sinema ng iba’t ibang bansa.
Ayon kay Tolentino, may tatlong
mahahalagang konteksto ng sinema noong panahon ng rehimeng Marcos: pelikula bilang
pambansang libangan, pelikula bilang aparato, at pelikula bilang pagtutol. Ang
pelikula ay naging pinakapopular na uri ng aliwan. Tulad ng nabanggit,
nagkaroon ng kultura sa panonood ng sinema. Sa dami ng tagatangkilik ay ang
pagrurok din ng produksiyon ng pelikula. Sa katunayan, isa ang Pilipinas sa
apat na bansang nasa labas ng Hollywood ang may malago at tuloy-tuloy na
industriya ng pelikula. Subalit sa panahong ito, ang pelikula ay naging sangkap
para sa hegemonyang layunin. Nais ng pamahalaan na gamitin ang pelikula sa
paglikha ng estado. Isang halimbawa lang si Marcos sa mga sumubok na gamitin
ang midyum na ito bilang instrumento sa pagtaguyod ng bansa. Naitatag ang mga
institusyong pampelikula para suportahan ang industriya. Kapalit nito ay ang pagprodyus
ng mga pelikulang magpapalakas ng diwang Pilipino at sasalamin sa slogan ng
asawa ni Ferdinand Marcos na si Imelda na “true,
good, and beautiful” na naglalarawan din sa kanyang balak na New Society. Gayunpaman, ang pelikula ay
naging sandata ng iba upang labanan ang diktadura. Nakagawa ng mga pelikulang
taliwas sa pulitika ng naghahari. Naging mga militante ang ilan sa mga
filmmaker, at ang iba ang nababansagan pang subersibo. Naipahahayag ang
pagsalungat sa estado gamit ang pelikula.
Ang bawat konteksto sa nasabing
panahon ay nagpapaliwanag sa relasyon ng pelikula at lipunan. Hinggil dito,
nagbigay si Bienvenido Lumbera ng “tatlong masaklaw na puwersang nagtatatak sa
ating mga pelikula ng mga espesipikong bakas ng lipunang Filipino. Ang tatlong
puwersang iyan ay ang Estado, and Simbahan, at ang Akademya. Ang tatlong
puwersang ito ay nakabantay sa mga produkto ng industriya ng pelikula upang
tiyakin na hindi lumilihis ang mga ito sa pamantayang magpapatibay sa mga
interes na kinakatawan ng bawat puwersa. Maraming pagkakataon na
nagsasalungatan ang mga kahingian ng tatlong puwersa, at sa ganiyang mga
salungatan nagkakaroon ng puwang ang manlilikha ng pelikula
(prodyuser/director/iskriprayter) upang igiit ang gusto niyang sabihin o
ilarawan, na maaaring ipagbawal ng alinman sa tatlong puwera.”
Una, ang Estado, tulad ng nabanggit
kanina, ay nagtangka para gawing isa sa mga aparato ang pelikula sa pagbuo ng
bansa. Nagtalaga ng mga buwis, naglapat ng sensura, at nagpataw ng regulasyon
sa pamamagitan ng pag-aproba muna ng mga iskrip bago simulan ang anumang
produksiyon. Layunin ng Estado na
paunlarin ang industriya at kung susuriin ang kasaysayan, may malaking ambag
ang patakaran at mga institusyong itinatag nito. Ikalawa, ang Simbahan ay may
papel rin na ginampan sa industriya ng pelikula. Binantayan nito ang mga
pelikulang nakakapinsala sa moralidad ng tao. Mula sa pagiging mapanupil ng
Simbahan sa pagtatakda kung ano ang panonoorin, di naglaon ay naitatag ang
Catholic Mass Media Awards noong 1978 ng Archdiocese ng Maynila. Sa halip na
tuligsain ang pelikulang Pilipino, binibigyang pansin nito ngayon ang mga
natatanging likha na nagtatampok ng aral ng relihiyong Katolisismo. Ikatlo at
huli, ang Akademya ay nanguna sa pagtuturo ng kadalubhasaan sa produksyon.
Naituturo nito ang lengguwahe at teknolohiya ng pagsasapelikula. Napapaangat
nito ang paggawa ng pelikula at pagsusuri nito. Higit sa lahat, napapaunlad
nito ang industriya.
Sa
kasalukuyang panahaon, may bakas pa rin ang nasabing tatlong puwersa. Nanatili
ang mga regulasyon at buwis ng Pamahalaan. Ang Movie and Television Review and
Classification Board (MTRCB), Film Development Council of the Philippines
(FDCP), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at Cultural Center
of the Philippines (CCP) ang nangunguna sa pangangasiwa ng industriya ng
pelikula at pagsusulong ng kultura gamit ang sinema. Ang Simbahan ay naglagda
ng mga paniniwala sa mamamayan. Nasasalamin ang pagiging Kataliko ng mga
prodyuser dahil sa kanilang panlasa kung ano ang nais nilang isapelikula. Ang
akademya, kung saan naging mukha ang Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP), ay
nagbibigay parangal. “Ang Gawad Urian
ay pagsukat ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino sa kasiningan at kasanayan ng
ating manlilikha sa pelikula. Ang gawad ay sagisag ng pagkilala sa kakayahang
ito, ngunit, higit sa lahat, ito ay sagisag ng pagpapahalaga sa tungkulin ng
manlilikha sa kanyang medyum at sa kanyang manonood” (The Manunuri) .
Sa kabilang dako, nalitaw ang ‘regional cinema’ o pelikulang
rehiyonal. Sa pag-aaral ni Gancio, ang teknolohiya, ang interes ng mga
filmmakers, at ang mga institusyong panlipunan ay mga nag-udyok sa penomenong
ito. Ang abot-kaya at madaling pagkamit ng mga kagamitang pampelikula ay
nakatulong para sa mga nagnanais gumawa ng kanilang sariling pelikula. Gamit
ang makabagong teknolohiya, mas napapadali ang produkisyon, promosyon, at
distribusyon ng mga pelikula galing sa rehiyon. Bagamat malaking tulong, ang
teknolohiya ay isang sangkap lamang para matugunan ang matinding hangarin ng
filmmaker na magkwento gamit ang gumagalaw na imahe. Mas nangingibabaw ang interes ng manggagawa,
maging personal o panlipunan man, sa pagtaguyod at pagpatuloy ng pelikulang
rehiyonal. At ang huli, ang mga institusyon tulad ng pamahaalan, midya, paaaralan,
mga film festivals, maging ang pamilya’t kaibigan ay nagbibigay ng tulong,
moral at pinansyal na suporta, nagpasimula ng mga programa, at nagtataguyod sa
pagkabuhay muli ng industriya.
Subalit paano nauuri ang regional
cinema at regional films? Binigyang pakahulugan ni Gancio na ito ay mga
pelikulang naprodyus sa mga rehiyon na nasa labas ng National Captial Region
(NCR), kung saan ito ang sentro ng pambansang industriya ng pelikula. Ito ay
masyadong payak na depenisyon, kaya nagbigay ng apat na salik si Gancio para sa
matamang pagtukoy sa mga ito. Kailangang isaalang-alang (1) ang tagpo ng
pelikula o lugar kung saan ito ginanap, (2) ang kultural na pinagmulan ng
filmmaker, (3) ang wikang ginamit sa pelikula, at (4) punto de bista ng
filmmaker na mababasa mula sa pelikula.
Kung
gayon, ano ang papel ng pelikulang rehiyonal sa konteksto ng pambansang sinema?
Bukod sa pagkakaroon ng midyum ang mga itinuturing na nasa laylayan ng
istrukturang panlipunan at politikal, “hinahangad nito ang isang desentralisadong
industriyang pampelikula na bukas sa iba’t ibang pelikula ng kapuluan ng bansa
– na nagpapakita ng respeto sa pagkakaiba-iba, katapatan sa kultura at sa
personal at lokal na karanasan at pagsuporta ng pambansang pamahalaan sa
pag-unlad at pagsulong nito.” Mahalaga ang mga inisyatibo ng mga lokal na
pamahalaan subalit malaki pa ang maitutulong ng pambansang pamahalaan sa
pagkilala sa rehiyonal na sinema. Ito ay magdudulot ng kaisahan sa bawat
kapuluan, magbibigay kamalayan sa mga Pilipino na hindi lang Tagalog ang sinema
ng bansa, at magtataguyod ng panibagong mukha ng pelikulang Pilipino.
Hindi
maaaring balewalain ang mga pelikulang rehiyonal dahil nagbibigay ito ng bago,
kakaiba, at mas malawak na mukha ng lipunan kung saan kakikitaan ng iba’t ibang
kultura ng Pilipino. Ang pagtanggap sa regional cinema ay malaking bagay sa
pagbuo ng hindi lang katauhan ng pelikulang Pilipino kundi na rin sa katauhan
bilang isang Pilipino. Ang pangingibabaw ng mga pelikulang Tagalog bilang
nasyonal sinema ay kulang at hindi progresibo. Nararapat lamang na palawakin
ang saklaw at isama ang bawat sektor ng estado sa pagbuo ng tunay na
pagkakakilanlan ng pelikulang Pilipino at ng bansang Pilipinas.
Wakas
Ang mga suliranin na hatid ng
Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hatid ng estado tulad noong panahon ni Pangulong
Marcos, at hatid ng pagbabago ng panahon nang naipakilala ang digital ay naibaling o napihit ng
industriya para lalong maging matatag. Kahit sinubok ng mga nasabing suliranin
ang katatagan nito, ang industriya ay patuloy na bumabangon. Ang proseso na
tinahak ng industriya ay hindi madali at laging nakaagapay sa mga elementong
nakakaapekto rito. Pawang nagkaroon ng kani-kanilang papel ang estado, simbahan
at akademya sa proseso ng pagbabago at pagsulong ng industriya. Nagkaroon ng
pakikiaalam ang mga ito. Sa halip na hangaring makatulong, naapektuhan nito ang
malikhaing sining. Ang sining ay makabansa at mapagpalaya. Kaya dapat muna
itong lumaya sa mapanupil na gapos bago ito makapagpalaya ng kaisipan at
katauhan, at makakamit ng kasarinlan.
“Para
kanino nga ba ang sinema? Paano mapaglilingkuran ng pelikulang Pilipino ang
mamamayang Pilipino?” mga tanong ni Valerio. Makikita ang nasyonalismo sa pagsubok
ng mga filmmaker na ilarawan ang lipunan gamit ang midyum na gumalaw na imahe.
Kung paano mag-isip ang karakter at paano niya harapin ang mga pagsubok ay
kumakatawan sa katauhan ng mga Pilipino. Ang pelikula bilang isang
makapangyarihang midyum na daluyan ng kaisipan, kultura, at katauhan ay naging
pangunahing instrumento sa pagbuo ng Estado at salamin sa pagiging makabansa.
Ang gumagalaw na imahe sa tabing ay hindi pala para lamang sa aliwan ng madla,
kundi para na rin sa pagpapamulat ng kaisipan sa iba’t ibang aspeto ng realidad
na may makabuluhan at kapangyarihang makapagpabago.
Lehitimo ang nasyonal sinema ng
bansa; ito ay buhay at umiiral, subalit kinakailangan pa rin ito ng masuring
pagsisiyasat upang malinaw ang konsepto ng nasyon. Ang mga krisis at
mala-gintuang panahon sa kasaysayan ng pelikula ay naglatag ng pagkakaroon ng
pambansang sinema, at sa kasalukuyan ang muka ng independent film at regional
film ang nangunguna sa patuloy na pagbuo rito. Mahihinuha sa kasaysayan na ang
mahuhusay na produkto ng industriya ay halos laging nagaganap at nasusupil gawa
ng isang hindi kanais-nais na pangyayari (Pandaigdigan Digmaan, panahon ng
kahalayan/Bomba films, pagbabago ng politika/Marcos-Aquino) at sa bawat rurok
ng panahon ay nasasalamin ang masining na paglalarawan sa lipunan, sa
karanasan, at kultura ng tao.
Pawang
mayabong at masalimuot ang kasaysayan ng industriya. Ang progreso ay
nakaantabay sa panahon. Mabigat ang papel ng politika sa pagsulong ng isang
industriya tulad ng pelikula. Bago pa man naging sining, ang sinema ay isang
komersyal na produkto. Kailangan muna ng kapital bago magkamit ng personal na
adhikain – at saka palang papasok ang layunin para sa lipunan at bayan. Kailangang
tanungin kung ang konsepto ba ng lipunan bilang karalitaan ay sapat para
katawanin ang pagiging maka-bansa? Ang diwang makabansa ng Pilipino ay nag-ugat
sa pananakop ng mga dayuhan. Ang kolonyal na pag-iisip ay naging batayan ng
nakaraan at kasalukuyang kalagayan ng bansa. Mainam ang pelikula sa pagiging
behikulo ng pagsuporta o pagsalungat sa anomang pananaw ng tao. Kaya naman
nararapat na mapagtanto ang tunay na kapangyarihan ng pelikula para magdulot ng
mabuting pagbabago na laging progresibo at maka-Pilipino.
Bibliograpiya
Almario, Virgilio.
"Nasyonalismo." Arts, National Commission for Culture and the. Sagisag
Kultura. Vol. 1. Manila, 2015.
<https://philippineculturaleducation.com.ph/nasyonalismo/>.
Deocampo,
Nick. Short Film: Emergence of a New Philippine Cinema. Manila: Communication
Foundation for Asia, 1985.
Flaviano,
Emerald O. "Contesting a National Cinema in Becoming: The Cinemalaya
Philippine Independent Film Festival (2005-2014)." Humanities Diliman
July-December 2017.
Gancio,
Mary Kareen L. "Philippine Contemporary Regional Cinema: A Narrative
Analysis of Regional Filmmakers’ Accounts on the Re-emergence of Regional
Films in the 21st Century." International Conference on Arts, Social
Sciences, Humanities and Interdisciplinary Studies September 2017.
Garcia,
Jessie B. "The Golden Decade of Filipino Movies." Guerrero, Rafael
Ma. Readings in Philippine Cinema. Manila: Experimental Cinema of the
Philippines, 1983.
Lumbera,
Bienvenido. "Ang Pelikula sa Lipunang Filipino, Ang Lipunang Filipino sa
Pelikula." Lumbera, Bienvenido. Re-Viewing Filipino Cinema. Anvil
Publishing, Inc., 2011.
Schirmer
Encyclopedia of Film. National Cinema. n.d. 11 May 2019.
<https://www.encyclopedia.com/arts/encyclopedias-almanacs-transcripts-and-maps/national-cinema>.
Sentrong
Pangkultura ng Pilipinas. Tuklas sining : essays on the Philippine arts.
Ed. Nicanor G. Tiongson. Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1991.
The Manunuri. n.d. 10 May 2019.
<https://www.manunuri.com/the_manunuri>.
Tolentino,
Rolando B. Contestable Nation-Space: Cinema, Cultural Politics, and
Transnationalism in the Marcos-Brocka Philippines. Quezon City:
Univeristy of the Philippines Press, 2014.
Torre,
Nestor U. "An Essay on Philippine Film: Touchstones of Excellence."
Tuklas sining : essays on the Philippine arts. Ed. Nicanor G.
Tiongson. Manila : Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1991.
Valerio,
Elvin Amerigo D.G. "The Other "Other" Cinema: National and
Cultural Identity in Filipino Alternative Films." 2008.
FIL 40 (Wika, Kultura, at Lipunan)
14 Mayo 2019
Comments
Post a Comment