Ikalawang Taon sa UP

Naging professor ko yung nagdisenyo ng UP Sablay, nagkaroon ng orgmate na math instructor (buddy ko nung applicant palang ako kaya special mention), tapos naging orgmate yung professor sa isang film class eventually.

Big deal sa’kin ang mga ito noong panahon na nararanasan ko sila. Manghang-mangha ba. What are the odds? Sa sobrang lawak ng UP, ang liit pa rin ng mundo sa loob. Kaya naging maingat na sa paghook-up. Chz.

Nakakita, nakausap ng mga artista’t aktor. Nakapanood ng shoot, naging bahagi, gumawa ng sarili. Sa sobrang daming opportunities, wala ka nang mapili at pinapalipas nalang sila; umaasang marami pa namang dadating.

Nagkaroon na ng beep card. Nadelay sa MRT at inakalang sobrang tagal. 2 minutes lang pala. Narealize na malaking bagay pala yung nawala sa dalwang minutong delay ng tren – o siguro ganun lang sa metro manila. Iba ang takbo ng oras at tao sa terminal sa Centris tuwing tanghali at gabi. Sobrang daming ruta ng jeep at kapag mali ang sinakyan mo, paniguradong maglalakad at tatawid ka pa ng footbridge kasi hindi pala iikot sa kabila yung jeep. Masasaulo pero patuloy na malilito.

Film student ako. Second Year. Mas may confidence nang maglakad sa Palma Hall. Nawawalan na ng paki sa mga “unusual” na nakikita kasi normal pala ito kaya mabilis na ang lakad. Hindi na para tumingin pa sa kulay violet yung buhok o lumingon muli kasi may nakasalubong kang machong lalaki na nakapalda. Marami akong natututunan, mga ina-unlearn.

Mas matindi ang mga film classes. Mas mahirap. Mas demanding. Mas kakaiba ang mga propesor. Mas malaya. Mas masaya. Mas nakakapagod.

Maraming realizations at bagong karanasan. May dalawang organization akong sinalihan: UP Cinema at UP BadAss. May propesor na nagbigay ng 1,000 pesos bilang pamasko. May propesor na mahilig magpakain. May propesor na nagyoyosi at nagiinom bago o habang nagkaklase. May propesor na bagong graduate (instructor). May propesor na bading, tibo, tibak, kalbo, kapitalista, komunista, sexist, matanda, bata, atbp. Big deal sa’kin ito noong una. Pero narealize ko at humiling na sana lahat ng paaralan ganito. Hindi dahil sa perpekto ito, kundi dahil sa komunidad na mayroon ang UP, sa kalidad ng edukasyon, sa standards nito, sa pagbibigay tuon kung ano ang mahalaga, at sa mga pinaglalaban nito.

Antagonized pa rin ang UP sa karamihan, kahit ang mga pinaglalaban nito at patuloy na tinutulungan ay yung masang bumabatikos sa kanila. Edukasyon bilang Karapatan at hindi pribilehiyo – na hindi lang dapat UP ang may ganitong kalidad ng edukasyon o funding (kahit kulang, lamang pa rin ito sa iba). Karapatan ng mga manggagawa. Kalayaan sa pamamahayag. Hustisya para sa mga hindi makatarungan polisiya at hatol. Konsiderasyon para sa walang resources. Hindi ko naiintidihan kung bakit ang sama ng tingin ng tao sa mga taong ganito yung pinaglalaban? May mali. May hindi tugma. Bakit? Trapik lang daw ang dulot ng pagra-rally; hindi makita na para sa mga anak nila yung pinaglalaban ng mga nagpoprotesta. Bakit ganoon?

Tapos narealize at patuloy na uunawain kung bakit. Bakit hindi pa rin nag-aaklas? Bakit hindi pa nasama sa mga kilusan? Hindi pa hinog siguro at ayun ang nakakalungkot. Ang bilis makalimot. Mapagpatawad. Mapagparaya ang Filipino. Maalam makuntento. Di mareklamo pero mareklamo – depende nga lang kung ano yung irereklamo. Sa gobyerno, tiklop; sa kapwa, higit pa sa demonyo. 



Nakasama ako sa rally sa labas ng UP. Unang beses ko. Ramdam ko ang masa. Ramdam ko ang mithiin para sa mas mabuting lipunan. Pero hindi lahat naniniwala rito. Dito ako nagsimulang magputol ng mga relasyon sa tao. May kaibigan-guro ako mula sa aking high school na hindi ko na kinakausap kasi idolo niya si Marcos. May tita akong naging sanhi ng paglayo ko sa pamilya dahil bilib na bilib siya kay Isko Moreno at Duterte. May kaklase ako noong high school na kinakausap at tinatanong ko kapag may hindi tugma sa mga shinashare niyang post dahil may hindi tugma sa kanyang paniniwala base rito.

Gusto kong makipag-usap. Makipag-dialogue. Lagi kung may pagkakataon. Tireless persuasion, ika nga. Pero dahil sa simula palang ng usapan ay wala nang balak mabago ang isipan, mapapagod at sumusuko talaga ako. Kapag nagamit na yung UP card, Age card, at Experience card, natutunan kong bitawan nalang. Hayaan yung mga mahal ko sa buhay o mga taong pinapahalagahan ko na maging ganun ang paniniwala. Patuloy na umaasa na sana balang araw, makita rin nila yung nakikita ko – lalo na kasi kung nakita ko na yung nakita nila kaya naiintidihan ko yung paniniwala nila. Ang iniisip ko noon, kung nagawa kong magbago ng pananaw, kaya rin nila. Ngayon, hindi ko na alam.

Sasabihin ko sanang ayos lang iyon. Dahil sa UP, ganun rin naman ang turo. Hindi diktador ang UP, pero hiniling ko na sana naging diktador nalang siya sa pagtuturo – para iisa at malinaw yung hulma ng mag-aaral at gagraduate mula rito. Para hindi nagkaroon ng Marcos o Cynthia Villar. Masyado kasing malaya sa UP. Kaya kahit anong isipin at ideology ay welcome. Kaya ko hiniling na sana may malinaw na ideology ang UP para hindi magamit ang katalinuhan sa pansariling interes at hindi magamit ang kahusayan sa pagkuha ng kapangyarihan. Ito yung naisip kong solusyon. Nakakabaliw kasi na galing UP yung dalawa. Paano nangyari iyon? Kaya UP sinisi ko. Sa sobrang laya mo kasi, ayan tuloy, sari-sari ang nanggagaling sayo!

Hanggang sa narealize ko, ganoon ang ibang paaralan. Diktador. Iisa at malinaw ang pakay at hulma ng mga estudyante at graduates. Limitado ang kalayaan. Hindi welcome ang ibang ideology. May malinaw kasi na paniniwala na ang mga mag-aaral ay para maging masunurin sa gobyerno. Wala namang masama, basta ituturo rin na walang masama sa pagpuna sa gobyerno. Kaso puno ng binary at dichotomies ang mga aralin. Malinaw sa mga paaralan na para sa sariling interes ang pag-aaral at pagta-trabaho. Individualistic tuloy ang pananaw na hindi tugma sa collective sensibility ng pamilyang Filipino – kung totoo man ito. Toxic pala yung collective sensibility ng pamilya, ng utang na loob, at respeto. Malinaw sa mga paaralan na ang kahusayan ay science at hindi art. Ang laki tuloy ng prejudice ng mga bagong henerasyon na pag-asa sana ng bayan. Ang laki ng bias sa science sa pag-aaral pero hindi tugma sa bias ng gobyerno dahil hindi nila pinapahalagan ang agham. Sobrang daming hindi tugma sa paaralan ng pamahalaan at ng pamahalaan mismo.

Ayan, analysis na pala ng lipunan ang sinusulat ko. Balik tayo sa buhay ko sa UP. Analysis pa rin naman ng lipunan ang masasabi ko. Balik nalang tayo sa pag-aaral ko ng pelikula.

Second year. Maraming nag-shift sa iba - kasi pwede na - 'di na freshman standing eh. Hindi raw para sa kanila ang pelikula. Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ko naitanong 'yun sa sarili. Dami ko kasing hindi alam. Kailangan pala may favorite director ka. favorite film. Sinagot ko Fight Club. Kaso ang nasabi kong director ay David Lynch-er - eh David Fincher pala ang tama. Ano ba naman! 
Syempre pre-film school yung sagot ko. Yung film school din yung nagturo sa'kin na manood ng mga "canon" films pero kwestyunin kung bakit sila naging classic o tanyag. Tinuro yung auteur theory, pero pwede palang hindi magsubscribe sa ganoon kasi may people's cinema pala, hindi lang Hollywood. 

Walang ethics. Sining eh. Pero may puso. Malaya. Kaya ayun, nagagamit ang pelikula bilang propaganda o aparato ng estado, tulad nina Brillante at Bernal. Kasaysayan daw ang huhusga. Hindi raw sila pag-aaralan bukas, pero sa katunayan kailangan silang pag-aralan ngayon para hindi maulit at matulad sa kanila. Pasista. Pero mahalaga sila. Players sila ng Philippine cinema eh, players sa state ng bansa. Sa maling panig nga lang. 

cinematography lesson


Pagdating naman sa mga teknikal, mahirap matutunan ang isang bagay kung hindi mo nararanasan. Kahit saulo ko pa ang shutter at ISO at ang magiging epekto nito sa itsura ng subject sa camera, hindi ako makakapag-experimento kung wala akong gamit. Kung may gamit man, limitado. Limitado tapos 'di pa akma para sa proyekto. Komplikado pala ang cinematography. Hindi ko pa nababanggit ang pag-iilaw.  Wala naman akong masabi rito - bukod sa teknikal, natutuhan ko rin naman ang rason sa bawat shot. Bakit close up at hindi wide shot ang kuha? Bakit nagalaw o hindi nagalaw yung camera? Mga ganoong bagay na may kahulugan pala (kung bibigyang pansin, kung hindi - may epekto pa rin sa manonood, may malay man o wala). 

Wika ng pelikula. Mas natutuhan ko ito sa ikalawang taon.
Sining ng pelikula. Mas na-appreciate ko ang paggawa. 
Pagsusulat tungkol sa/ng pelikula. Mas naging dilemma. Nasanay kasi ako sa binaries. Pero possible naman "daw". Maging filmmaker at film critic. Bukod dito, iba ang anxiety kapag may nagtatanong sayo kung anong field mo - mapa-prof o kaklase - sa pelikula. Director? Writer? Editor? Cinematographer? Designer? Saan ba ako magaling? Ano ba ang gusto kong maging? Pwede bang pass muna? 
Nahihirapan sumagot hindi dahil sa wala kang vision para sa sarili. Ang totoo nyan, bago ako pumasok sa film school alam ko kung anong gusto ko kaya ayun 'yun sinasagot ko. Hindi ko lang masabi agad kasi masarap matutuhan ang ibang mukha ng pagpepelikula at gusto kong isipin - o malay ko ba - na baka doon pala ako. Marami kasing pwedeng maging. 

2020. Yung nagsisimulang quarter life crisis noong second semester ay napaaga gawa ng COVID. Nahinto ang klase noon Marso. Tumigil ang mundo...nang sandali. Ilusyon lang pala dahil nagpatuloy ito at hindi pa nagunaw. Malala ang naging epekto sa'kin ng mga nangyari sa bansa at sa mundo. Totoong sira ang plano. Sira ang visions at mga pangarap sa sarili. Wala. All is ruined kumbaga at hindi mo alam kung paano magpapatuloy. Ibang usapan na ito at hindi nalang sa UP kaya hanggang dito nalang muna. 

Third year na pala ako ngayon. Ngayon ko lang nasundan ang UP blog series ko. Naging totoo naman ako sa sinabi ko noon. Matapos ang isang taon - saka ko susundan. Daan ang readers nung mga nakaraan eh, baka may interesado pang magbasa ng aking sunod na tinahak sa buhay ko sa UP. 

Salamat! 

Kung nabitin ka at nais alamin ang kuda ko noong naglockdown, Para Sayo: 100 Araw

Para balikan ang mga entries ko sa UP series, bisitahin ang listahan: 
6. Ikalawang Taon sa UP (2nd Year)
5. One Year At Film School (1st Year)
4. Back to Square One (1st Semester)
3. One Month at UP (1st Month)
2. Welcome to UP [original title: UP Will Destroy Me, my blog was reported.] (1st Week)
1. UP or NOTHING (UPCAT story)

My usual random pictures over the year:

cinematography exercise

org mate's prod

narrative exercise

head band from a demonstration

assembly at Palma Hall

an exhibit in Art Fair PH


music jamming in a film class

Actor JC Santos, Dir. Irene Villamor, Actor Bela Padilla - On Vodka, Beers, and Regrets

Kingmaker's postscreening - capturing orgmate's duty

Japanese dormmate - one of my actors in my film exercises

Cinalab Workshop - Cine Critico Filipino Members

One of Khavn Dela Cruz's Experimental Event

My work station in my room

dressed as V (Vendetta) at my org's apps night

batch production as an applicant

buddy family 



oble (I don't know the person)

my mom and sib as actors in my film exercise

cinematography workshop

cinematography workshop


roommates and dormmates - international students

Qcircle


my department's lobby - UPFI




October 18/23, 2020 

Comments

Popular posts from this blog

Analysis: Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa

Pelikula at Bansa: Ang Pagbuo ng National Cinema

Emerging Filipino Indie Genre in the Philippine National Cinema

Pelikula at Bansa: Mga Potensyal at Hadlang Para sa Kaunlaran

Pabula: Ang Dalawang Magkaibigang Daga

Pagpapayaman sa Kultura at Wikang Filipino

Breaking the Gold: The Golden Years of Philippine Cinema

Pagsulat sa Filipino - Lakbay-Sanaysay

Bar Boys (2017): A Movie Review

The Historical Origin and Cultural Implications of Bañamos Festival of Los Baños, Laguna