Para Sayo: 100 Araw

Mahigit isang daang araw na ang lumipas nang kailanganin natin maghigpit. Tanda ko pa noon na nagdalawang isip ako kung uuwi ako sa’min. Dormer ako at may nabalitaang may dalawa o tatlong posibleng kaso sa campus. Naka-quarantine na naman daw. Propesor daw na galing sa ibang bansa tapos nagturo agad. Agad din naman tinunton ang mga lugar at tao na pinuntahan at nakasalamuha. Nagpadala ng mga pribadong mensahe at pinagquarantine din ang mga estudyante at kapwa-guro. Nalaman ko ang balita mula sa naging kaklase ko sa isang GE na nakatanggap mismo ng liham at hiling na magself-quarantine muna. “Ibang kolehiyo naman,” naisip ko. Sapat ang distansya ng magkakalayong gusali; sobrang lawak naman ng unibersidad. Ako nga na sopomor, hindi ko pa rin nalilibot ang sangkalupaan ng eskwelehan ko.

Walang dapat ikabahala. Kaso ang distansya o layo ay hindi nakatulong kung ang isip mo ay ilang araw na ring hindi pirmi. Matapos ba naman ang mga sari-saring nangyari nang pumasok ang bagong taon, sino ang hindi mag-aalala? Pagputok ng bulkan, pagkasunog ng gubat, pagkamatay ng isang tanyag na atleta, pagsilakbo ng gyera at sakit, at iba pang pandaigdigan at lokal na trahedya. Bukod sa mga ito, hindi ka pa rin ligtas sa pansariling lagay. Pabalik-balik ang sakit ng ulo mo at pagkatamlay. Inisip mo nalang na naging normal na ito dahil nag-aaral at nagpupuyat ka.  Buhay estudyante. Magkakasakit talaga lalo na kung nagsusunog ng kilay.

Marso. Kalagitnaan ng semestre. Mag-aanunsyo raw ang pangulo. May apatnapu’t walong oras na puwang bago tuluyang magsagawa ng lockdown ang kalakhang Maynila. Kausap ko na naman ang tatay ko. Ako ay uuwi. Mabigat ang salitang “lockdown”, kahit na pangulo ay ayaw gamitin ito, pero ito ang nagpauwi sa’kin. Limited lockdown ng tatlumpung araw; panahon na may paki pa ang tao sa oras. Naisip ko na rin ang madadala kong peligro kaya pinaalam ko sa aking pamilya ang dapat gawin. Magse-self-quarantine ako.

Sa wakas, nayakap ko na rin ang kapatid at lola ko matapos ang pananatili sa bahay nang hindi masyadong naaarawan. Labing-apat na araw rin yun. Alam ko, pwede naman akong lumabas sa aming bakuran; sadyang wala rin akong lakas at gana dahil nalunod na rin ako sa selpon at laptop ko. Nalugmok din ako sa pagbabahagi ng mga posts sa social media, pakikipag-usap at sagutan sa di-kakilala at kapamilya. Maingay sa Facebook. Mainit lagi ang mga pahiwatig at laman ng balita. Magiging rurok na yata ito ng polariseysyon (kung hindi pa), hula ko.


SOCIAL MEDIA ATBP.

Nagkaroon ng dalawang klaseng tao: pro at anti. Laganap na naman ito bago pa ang Internet, bago pa ang kasalukuyang administrasyon, bago pa ang community quarantine, at bago naging pandemya ang epidemya. Politikal na naman ang lipunan sa simula palang kahit ano pang istruktura nito. Ang paraan ng pamumuhay at paniniwala ng tao ay nagbunga ng maraming teorya at diskurso

Nakaabot ka kaya rito sa pagbabasa? Balak mo pa kayang magpatuloy?

Dahil nabanggit ko na ang mga salitang nagpapatahimik sa karamihan sa’tin (kung hindi katahimikan e kawalan naman ng interes). Pulitika at lipunan. Istruktura, teorya, at diskurso. Mga terminong malawak ang saklaw pero posible pa ring maunawaan at pakialaman. Subalit hindi lahat ay may pag-intindi o paki. May mga apolitical o walang interes at malay, o kaya mga sentrista na hindi masyadong radikal at matimpi lamang ang pananaw. Hindi ito mga pangkaraniwan na salita, kumbaga hindi mauunawan ng masa o pangkaraniwang tao. Pero sino ba ang masa? Ikaw? Ako? Lahat tayo? Kung kaibigan kita at hindi mo naiintidihan ang talatang ito, maliwanag na magkaiba tayo ng kaisipan. Kaisipan na nahubog ng karanasan at edukasyon. Edukasyon na hindi pantay. Hindi pantay dahil hindi patas ang lipunan. Hindi patas ang lipunan dahil sadyang ganoon – daw. Ayos ka lang ba sa ganoon? Na sadyang ganito kaya wala tayong magagawa?

Mahirap kalabanin ang isang ideolohiyang namamayani sa isang lipunang may malalim at malawak na kultura at kasaysayan. Kaso anong alam mo sa ideolohiya? Anong alam ng kaibigan ko? Anong alam ng magulang mo? Anong alam ng mga FB friends ko na hindi nakapagkolehiyo? Anong alam ng mga matatandang alipin ng trabaho nila? Anong alam ng manggagawa sa ideolohiya? Anong alam ng magsasaka? Anong alam ng high school student sa ideology?

Kung pilot section o sa private school ka nag-aaral, maaari.

Kung nakapag-college ka, sana alam mo.

Kung nagta-trabaho, siguro may ideya ka kahit papaano.

Ito na ang naging problema at kabiguan ng mga intelektuwal, edukado o nakapag-aral. Nasusuri ang ‘public sphere’ na ngayon ay birtwal (virtual). Online na ang kwentuhan, relasyon, at away. Tulad ko, nag-aaral sa kolehiyo at siguradong hindi kabilang sa datos na kabilang sa ‘poverty’ o naghihirap, may malaki na inklinasyon o tendency na gumamit ng mga salitang ginamit ko. Ngayon mo lang ba narinig ang public sphere? Kung hindi, alam mo kaya kung ano ang tinutukoy at layunin nito? Pwede kong ipaliwanag, kaso hindi lahat may gana o interes, may oras o malay sa mga ganitong usapan. At ayun ang dapat maintindihan ng mga intelektuwal. Pwede kong ipaliwanag dito, kaso saan ko ba ihahayag ang mga saloobin kong ito? Dito sa Facebook – kung saan lahat ng klase ng tao na may kaniya-kaniyang politika ay user


MASS COMMUNICATION

Bilang mag-aaral ng pangmadlang komunikasyon o sa larangan ng midya at komunikasyon, ang pangunahing pakay ay magpabatid – magsabi, magbalita, magsulat, at maghatid. Ang tungkulin na ito ay hindi natatangi para sa’min o sa mga iskolar ng bayan, tungkulin ito ng bawat isa sa atin! Subalit sa panahon ng teknolohiya o digital age, ang tungkulin ay hindi nalang isang tungkulin; ito ay isa na ring malaki at mabigat na hamon. Kung saan ang balita ay pwede palang hindi maging totoo, kung kailan ang tao ay pwedeng maniwala nalang nang ‘basta’, kung gaano kabilis kumalat ang impormasyon ay ganoon kabagal umunawa at tumalima ang may access sa mga ito – mukhang kailangan suriin at baguhin ang lapit o approach ng pakikipagtalastasan.

Kung umabot ka rito, nakuha ko siguro ang interes mo sa simulang anekdota o maikling insidente; o interesado ka lang sa pwede kong sabihin bilang ako; o bored ka sa kaka-scroll sa newsfeed mo; o dahil ba hindi ako madalas mag-post ng ganito (kung anoman ito) kaya nakuha nito ang pansin mo. Sana iba ang paniniwala mo kaysa sa’kin, ayun kasi ang nais kong target– kung pwede. Yung nasa kabilang panig – kung posible. Sana apolitical ka o kaya centrist. Sana supporter ka ng pangulo tulad ko noon. Sana umabot ka sa bahaging ito. Kung wala ka sa mga nabanggit kong target audience, malaya ka pa rin para ituloy ang pagbabasa – ano man ang edad at koneksyon mo sa’kin. Kung kaibigan kita o kakilala at parehas tayo ng politika, wala akong sasabihin dito na hindi mo pa siguro alam (kung may makukuha kang bago, tuwa ko nalang). Siguro parehas tayong iskolar ng bayan o iskolar ng magulang kaya malaki ang pagkakataon na halos parehas tayo ng pananaw sa lipunan. Kung kaibigan kita o kakilala at magkaiba tayo ng politika, mas mabuti. Kahit papaano, kahit isa, may nakabasa na nais kong makabasa. 


KONTEKSTO

Konteksto ang madalas na kulang sa usapan, sa balita, o sa biro. Ang konteksto kung bakit supporter ako ng pangulo “noon” ay mahalaga. Pangmasa. Populist ang pangulo noong kampanya. Totoo ito. Kung nakita mo man na noon kung anong klase pinuno siya, mabuti. Ang nakita ko lang ay iba siya. Pangmasa – na naging simbolo ng pag-asa. Kung sisisihin o sinisisi mo ang mga tao na tulad ko, na sinuportahan siya, gusto mo ba talaga ng pagbabago?

Taksil ang pangulo, este ang pangako. Taksil ang pangako. Kahit hindi pa ako botante noong siya ay naluklok, uulitin ko – pinaniwalaan ko siya (kung hindi taksil ang aking alaala). Mabuti yung malinaw kasi mahihirapan akong ipaintindi kung bakit hindi na ako naniniwala. Naintindihan ko kung bakit siya nanalo. Hindi ko lang sigurado kung ganun din ang mga ‘woke’ o gising noon pa mang Day 1. Antagonista ang intelektuwal. Hindi man nila gustuhin, ganoon ang naging kanilang imahe. Hindi dahil sa kritikal sila, kundi dahil hindi nila sinasalita ang wika ng masa – na nais nilang baguhin. Bakit ang taas ng approval rate ng pangulo? Sa kabila ng libo-libong kamatayan at pagiging mamamatay tao, gusto siya ng mga tao. May pag-asa pa ba ang mga Filipino, tanong mo.

Bobo. Pamilyar na tawag para sa mga taong taga-suporta at taga-kontra. Sige, hayaan natin dahil maliwanag na hindi na nila mababago ang isa’t isa. Bobo sila para sa isa’t isa. Bobo raw ang mga nagprotesta sa gitna ng sakuna, pero naisip ba ng kabila kung bakit kailangan magprotesta sa gitna pa talaga ng sakuna? Bobo kasi ‘blind follower’ daw ng pangulo – na kahit malinaw na may double standard ang pamahalaan sa mga polisiya na dapat maka-Pilipino, magtiwala at sumunod nalang daw. Ganito ang demokrasya – malayang mag-isip ng kahit anong gusto nating isipin. Mabuti ba ang demokrasya? Magandang usapan yan. Mabuti ba ang Kalayaan? Kailangan pa bang pag-usapan yan?

Paano ako magpapatuloy nang hindi magiging tunog arogante? Ito yung hamon para sa mga binansagang kritikal. May imahe na agad na kung sino ang may alam, siya ang magiging tama. Kaya ang mga may kulang sa karunungan ay nawawalan ng pagkakataon para maunawaan at umunawa. Tandaan, walang sinuman ang may monopolyo sa kaalaman. Hindi hawak ng U.P., o ng anumang institusyon ang ‘pinaka’ tama – dahil walang pinaka-tama – pero siguradong may “tama”. Pero hindi ito tungkol sa isang state university na naging saligan ng bansa o sa moralidad na dapat isalin; ito ay tungkol sa realidad ng mundo ngayon. Ito ay tungkol sa katotohanan, kahit magkakaiba, na hawak ng bawat Filipino.

Pero ano nga bang paki mo sa realidad ng mundo natin ngayon? Condescending. Magaspang at mayabang ang ganitong tanong. Alam mo ang balita pero hindi ka nalang nakikisali sa usapan. Hindi mo sinasabi ang iyong isipan. Masyadong negatibo na ang mundo, at ayaw mo pang makadagdag. Ayaw mo sa politika dahil magulo at masakit sa ulo. Kaya hindi ka nalang magsasalita.

Maaaring centrist ka. Ito ang tawag sa may ganyan na pananaw. Alam mo ang nangyayari pero hindi ka nagpapadala. Almost neutral. Pero sa totoo lang, ang pagiging neutral o apolitical ay politikal. Narinig mo na siguro ito: “Having no political stand is a political stand.” E ito kaya: “We must always take sides. Neutrality helps the oppressor, never the victim. Silence encourages the tormentor, never the tormented.” Madalas itong ginagamit sa mga usapang political at karapatan. “You are either on the side of the oppressed or on the side of the oppressor. You can’t be neutral.” At dahil hindi ka naman politikal na tao, baka ngayon mo lang narinig ito. Kung pamilyar man, siguro hindi natin pinansin dahil hindi natin alam ang ibigsabihin. Oppressor? Tormented? Na-intimidate din ako sa mga salitang oppressed at neutrality. Mas madaling mabuhay kasi kung walang halong politika – walang kaaway, walang gulo at di-pagkakaintidihan dahil sa pagkakaiba ng paniniwala.

Ito ay isang ilusyon. Ang less politics, less stress ay isang ilusyon. Dahil noong magkaiba kayo ng pagkakaintindi ng mga kaibigan mo sa panuntunan ng laro, ipinaglaban mo yung sa tingin mo ay tamang interpretasyon ng patakaran. Dahil noong kinampihan ng magulang mo yung ibang tao kaysa sayo, sumama ang loob mo. Dahil noong nasaksihan mo na mas madaming pagkain o bagong damit at laruan ang kapatid mo, nakaramdam ka ng lungkot at inggit. Pero syempre hindi mo iisipan ng politika ang mga bagay na ito. Pero hindi mo ba tinanong kung bakit yung kalaro mong mas malaki sayo ang nasunod kahit alam mong tama ang pagkakaintindi mo, kung bakit hindi ikaw na anak ang kinampihan ng magulang mo, at kung bakit mas maunti ang pagkain, damit, at laruan mo bilang bata?

O bakit kaya ikaw yung nasunod sa gusto mong mekaniks ng laro, kung bakit ikaw pa rin ang kinampihan ng iyong magulang kahit alam mo sa sarili mo na ikaw ang totoong may kasalanan, at kung bakit mas madami ang pagkain, damit, at laruan mo kaysa sa iba? 


POLITIKA AT KATOTOHANAN

Hindi ko mababago ang isip mo sa politika. Hindi ko nga layunin ‘yon. Dahil ikaw lang ang makakagawa, makakapagbago, at makakaintindi ng iyong sariling pananaw. Pero sige, tinatanggap ko naman ang hamon ng komunikasyon at tinanggap mo itong basahin. Sa kasong ito, para makatulong makapagbukas ng isipan (hindi dahil bukas na ang aking kaisipan sa lahat ng bagay, kundi dahil natutuhan ko at patuloy na matututuhan ang konsepto ng empathy o pakikiramay sa kapwa, ng honor o dangal, at ng humanity o kabutihan at pagiging makatao). Alam ko, hindi mo pa alam ang aking layunin nang sinimulan mo itong basahin.

Anong kinalaman ng mekaniks, tampo, at pagkain sa politika? Tulad ng nabanggit, konteksto ang madalas na kulang sa biro, usapan, at balita. Baguhin natin ang lente ng sitwasyon o paaano at anong anggulo natin tinitingnan ang isang bagay o isyu; isipin natin ang konstitusyon, pribilehiyo, at hustisya. Sandali! Masyadong mabigat. Teka. Unti-untiin natin.

Isipin natin ang rules sa eskwelehan. Bawal ma-leyt. Bawal magselpon. Pwedeng gumamit ng calculator kung pahihintulutan lamang. Bawal kulayan ang buhok. Bawal ganito at bawal ganyan.

Isipin mo na gumamit ng selpon ang iyong paboritong guro matapos niyang ipagbawal. Madalas leyt ang titser  mo sa next period. Mahalaga ang calculator para sa tamang grade computation. Hindi ka nagkaroon ng gurong kakaiba ang kulay ng buhok.

Isipin mo yung kaklase mong sinita ang gurong gumamit ng selpon. Wala kang lakas ng loob para punahin yung guro, lalo na kasi paborito mo siya. Pero may iba na pumuna para sayo. Dapat walang exemption sa batas, ito ang tingin mo.  

Isipin mo yung magulang ng kaklase mo na inireklamo yung titser  na laging leyt. Nalaman niya ito matapos kumustahin ang anak tungkol sa mga aralin. Buti nalang! Kaso hindi mo sigurado kung dapat magpasalamat o matuwa kasi ayos lang sayo na nale-leyt yung titser . May oras tuloy para makipaglaro at makipagkwentuhan ka sa katabi mo. Kaso naalala mo rin na lagi kang nagising nang maaga para hindi mapagsaraduhan ng geyt; narinig mo yung sinabi ng kaklase mo na sayang daw yung tuition niyo (kung mayroon man) kung hindi nasusulit sa pagtuturo; at naalala mo yung turo sa inyo na hindi dapat maging leyt ang titser  o sinoman sa trabaho.

Isipin mo na malayang gumamit ang mga guro ng calculator samantalang ikaw, by default, ay bawal. Ayos lang ito para sayo at sadyang ganoon naman para hindi magkamali sa grado. Titser  sila. Student ka. Malinaw ang limitasyon at kung sino ang awtoridad at may mas kakayahan.

Isipin mo kung nagkaroon ka na ba ng gurong may kakaibang kulay ang buhok. Siguro hanggang earth tones lang, yung mga dark and light brown na pumapasang kulay blonde na sa’ting bansa. Hindi ito kapuna-puna. Basta mukhang natural, tinatanggap nalang natin.

Balikan natin ang konstitusyon, hustisya, at pribilehiyo. Hinuhubog mula sa konstitusyon ang mga batas ng isang bansa. Ang mga batas ay siyang dapat nagbibigay hustisya at kaparusahan sa pagkakataon na ito ay hindi nasunod. At ang paglabag o hindi paglabag sa batas at pagdinggin sa akmang kaparusahan ay maaaring tanda ng pribilehiyo. Oo, hindi pa rin madali makita ang malaking larawan at koneksyon kung ganito pa rin ang mga salita na ginagamit ko. Subalit ganito ko naunawaan ang politika; kung nakuha mo na ang koneksyon o lohika, isipin mo nalang ang galak nating dalawa, at kung hindi pa, sana magpatuloy ka sa pagbabasa.

Ilapit pa natin sa realidad ng mundo at sa katotohanan ng Filipino. 


REALIDAD SA PILIPINAS

Isipin natin ang anti-terrorism bill na naghihintay nalang ng pag-aproba ng pangulo. Kung hindi ka pamilyar, pakay nitong sugpuin ang terorismo (mabuti ang ganitong layunin). Bagaman sinubukan ng panukalang batas na malinaw na tukuyin kung ano at sino ang terorismo at terorista, may peligro itong abusuhin at pangamba sa mga ordinaryong mamamayan na mapagkamalang terorista (na magiging taliwas sa layunin ng batas na protektahan ang mamamayan). Lalo na kung madaling nababansagan ngayon ang mga nagpoprotesta bilang terorista at sila ay inaresto bilang paglabag sa Bayanihan Act na nagbabawal ng mass gathering. Subalit hindi naaresto ang mga tagapagpatupad ng batas (mga police officers) na nagdiwang at lumabag din sa parehong batas. Ngayon, lumipas na ang nasabing special law. Nakalaya ang mga nagprotesta. Hindi nakulong ang mga nagmañanita. At nakaabang ang #TerrorBill sa palasyo.

Isipin natin ang mga mag-aaral na walang access sa internet o gadget. Pinipilit ang online learning sa isang sektor ng lipunan na hindi nilalaanan ng sapat na pondo kahit bago pa ang pandemya. Elitista ang pananaw ng sistema at tunay na para lang sa may pribilehiyo ang edukasyon. Dagdag dito, patuloy na binobomba, sinisira, at pinapasara ang mga eskwelehan ng mga Lumad sa Mindanao. Tunay na baluktot ang sistema ng edukasyon sa bansa kung nakatuon lang at lagi sa mga pili at middle class ng lipunan.

Isipin natin ang bawat jeepney driver na nawalan ng hanapbuhay gawa ng kasalukuyang krisis at napipintong pag-phase-out sa mga ito. Mga drayber na nauwi sa pamamalimos sa kalsada. “Mga drayber na pinapara natin noon, sila na ang pumapara sa’tin ngayon.” Mga drayber na hindi pa rin pinahihintulutan mamasada sa kabila ng pagkakaroon ng sapat na kondisyon para maging ligtas ang mga ito. Hindi tutol ang mga Filipino sa modernisasyon. Maganda ito. Maganda ang modernisasyon kung ito ay makatao, kung ito ay hindi lang magsisilbi sa iilang interes.

Kaso ano nga naman ang kinalaman nito sa klasrum, sa pagiging leyt, sa kaklase mo at magulang na nagreklamo? Anong kinalaman ng #StandWithThePoor o #Equality sa damit o paglalaro mo?

Mahirap nga naman maintindihan ang isang bagay kung hindi pa nararanasan. Kaso kailangan pa ba natin hintayin maranasan ang isang bagay para magkaroon tayo ng pakialam? Tumawa ka rin ba noong may nagsabing, “sa klasrum, may batas”? Hindi ba ‘to totoo? Sa bansa, may batas. Sa bahay natin, mayroon din. Kung wala man dahil maluwag sa inyo, hindi lahat ng kaibigan mo ay may magulang na katulad sayo. Hinayaan mo yung kalaro mong mas malaki ang masunod kasi natatakot ka sa kanya. Anong laban mo kung ipagpapatuloy mo pang sabihin kung ano ang sa tingin mo ay tama? Bigla mong naalala yung kaklase mong tinanong yung titser kung bakit ginagamit niya ang kanyang selpon kung kailan ipinagbawal niya ito; hindi mo matanggap yung sagot ng paborito mong guro na, “e titser ako, estudyante ka lang.” Naalala mo tuloy yung isang senador at yung apo ng pangulo. Sila ay senador at kapangalan lang ng kapangyarihan, ikaw ay isang mamamayan lang. Kaya siguro pwedeng hindi sumunod sa quarantine o hindi maghintay sa pila, kasi sila ay sila at ikaw ay ikaw…pero maraming nagalit. Kaya naalala mo yung magulang ng kaklase mo na inireport yung laging leyt na titser . Napansin mo sa mga sumunod na araw ay on-time na siya pumasok. Nabawasan man ang oras mo sa pakikipaglaro, natapos niyo naman ang lesson para sa araw. Napagtanto mo na pwede palang hindi ma-leyt. Dito mo naalala yung mga kailangan magtrabaho kahit may lockdown. Paano sila pupunta o uuwi? Hindi man ito usapan ng pagiging leyt pero usapan ng pagpunta sa trabaho. Maraming nagsabi ng pagkabahala at pagkadismaya – pati yung mga hindi naman apektado at di-kailangan umalis ng bahay para sa trabaho. Naglunsad ng serbisyong transportasyon ang pamahalaan. Napagtanto mo na pwede palang gawan ng aksyon at mabago o mapabuti ang sitwasyon. Pero napatanong ka – nagbago kasi may nagreklamo?

Hindi ko sa’yo ibebenta ang pagrereklamo – o ang aktibismo. Hindi sa magkatulad o magkasingkahalugan na salita sila ha, pero pwedeng isang klase o anyo ang unang nabanggit gayunpaman.  Lalo na kung hindi ka politikal, baka negatibo ang perspektibo mo sa mga aktibista. Kung oo, baka rin limitado ang pag-unawa natin sa aktibismo. Alam mo ba ang pagboto sa eleksyon ay isang anyo ng aktibismo? Hindi ko rin ito alam noon pero nang nagkaroon ako ng mas malawak na pag-unawa sa salita at layunin nito, dapat pala ako ay magpasalamat sa nagawa ng aktibismo sa kasaysayan ng bansa at ng buong mundo. Subalit muli, ulitin ko, hindi ko ibinibenta ang aktibismo rito. 


HUSTISYA O PRIBILEHIYO

Balik tayo sa punto. Nasaan ang hustisya nang ikaw ay kinampihan ng magulang mo noong isinumbong ka ng pinsan mo? Mabuti nalang na hindi ka napagalitan, hindi ba? Pero naibigay ba ng magulang mo ang hustisya sayo o sa pinsan mong nasaktan? Malalaman mo kaya na mali ang ginawa mo? Mararamdaman kaya ng pinsan mo na hindi siya nararapat na saktan – ano pa man ang dahilan? Naalala mo yung hepe ng isang polisya; natandaan mo rin yung mga kabataan na nahuli sa curfew. Buti nalang nahuli yung mga lumabag sa curfew. May hustisya sa batas – tiwala ka – kaya dapat manalig nalang tayo. Pero sana hindi natin kalimutan yung isa, o kung paano ginamit ang kulungan ng aso para sa mga bata. Sana nga may hustisya.

Teka, huwag pala natin kalimutan ang konteksto. Ipaalala ko ulit. Pag-usapan na natin ang pribilehiyo. Mabuti nalang may calculator; mapapadali tuloy ang trabaho ng mga guro natin. Naiintidihan din naman natin kung kailan lang tayo, bilang mga estudyante, pwedeng gumamit nito. Ganito ang sistema at gumagana o functional ito. Tulad ng sistema ng barangay, kapitan ang namamahala (mayor naman kung lunsod), at pwede silang gumamit ng mga kagamitan – sasakyan, pondo, atbp. – na magagamit para magampanang mabuti ang trabaho. Bilang residente, pwede mong mahiram ang ambulansya at lumapit sa pinuno niyo para humingi ng tulong pampinansyal kung kinakailangan (kung hindi mo pa ito alam dahil saka ko rin ito nalaman noong kami ang nangailangan). Ganito ang sistema at gumagana o functional ito. Naalala mo yung panahon na naiinggit ka sa dami ng laruan ng kapatid mo at sa mga bago niyang damit. Pasado pala kasi siya sa exam; gantimpala niya lang ito para sa pinaghirapan niya at wala siyang kasalanan. Wala ka ring kasalanan kung bakit maunti ang laruan mo at wala kang bagong damit, pero hindi mo makukuha ang pribilehiyo ng pagtanggap ng gantimpala kung hindi mo rin ipapasa ang exam. Tapos naalala mo ngayon yung kaklase mong absent sa Zoom trial niyo para sa posibleng online class. Wala pala itong internet sa bahay, pero alam mong may selpon at pang-load naman. Hindi mo kasalanan na may laptop at Fibr pa ang koneksyon niyo; hindi niya rin kasalanan kung bakit wala silang internet sa bahay. Hanggang sa sinabi nalang ng guro niyo yung natanggap niyang rason mula sa kanya: nawalan ng trabaho raw yung ama at tinulungan niya raw ang ina sa pagdedeliver ng mga lutong ulam noong oras ng video conference. Mas mahalaga pala ito sa kanya, naisip mo. Naisip mo rin ba ang pribilehiyo mo? Hindi mo kailangan maghanapbuhay o magbenta ng ulam; madami ngang laman ang ref niyo kasi napapadalas ang paggo-grocery ng magulang mo gawa ng mga nag-panic-buying. Wala siyang pribilehiyo na tulad nang sayo, pero hindi mo ‘yan kasalanan. Sa totoo lang, wala kang kasalanan. Ganito ang sistema, pero gumagana o functional ba? 


HULING HILING

Konteksto. Ito ang mga binigay ko. Pwede mong isipin na imbento ko lang ang mga sitwasyon; pwede ring totoo para sayo kasi naintindihan mo yung mga nabanggit kong isyu at balita kanina, nangyari at nakita mo ‘to sa newsfeed mo. Gawa-gawa man ang mga halimbawa, alam mong nangyayari at pwedeng mangyari ang mga ito (kung hindi ka man naka-relate sa kahit isang senaryong ibinigay ko). Posible naman, hindi ba? Pero, ito lang ba ang punto? Muli, hindi ko mababago ang pulitika mo. Mahalaga na malaman mo na wala sa mga ito ang makakapagbago ng pag-iisip mo, kasi naniniwala ako na sa sariling kagustuhan lang pwedeng mangyari iyon. Tatapusin mo nang basahin ito, mahaba at matagal na rin ang ginugol mo rito, alam ko. Salamat sa pagbabasa hanggang dito.

Sana hindi nga natin kailangan pang maranasan ang isang bagay para lang magkaroon tayo ng malasakit. Sana hindi mangyari sa kamag-anak natin ang mga hindi magagandang nangyayari sa mga nababalita. Sana makita natin yung punto ng ibang tao at ‘wag balewalain nang hindi naiintidihan ang konteksto - pero bukod sa konteksto, mahalagang malaman ang dahilan…kung bakit. Bakit sang-ayon sila sa anti-terror bill? Bakit may namatay na tao habang siya ay inaaresto ng mga pulis? Bakit kailangan mag-mask? Bakit hindi siya hinuli? Bakit nagbukas na ang mga paaralan sa ibang bansa? Bakit hindi umaga ang lingguhang report ng pangulo? Bakit bilib na bilib sila sa isang mayor? Bakit may namatay habang naghihintay ng masasakyan pauwi? Bakit sa mahihirap lang napapatupad ang batas? (Hindi natin masasagot lahat pero mahalaga ang magtanong. Huwag na huwag natin kalimutan ang ating karapatan para iparating ang mga hinaing – pansarili man o ng iba – sa lipunan at gobyerno. Kung ang pagtatanong ay idinaan ng ibang tao sa pagprotesta sa kalsada, ito ay sakop ng karapatan na tinatamasa rin natin.) #DissentIsNotACrime.

Lamang ang mga negatibong balita at pinipili mo nalang na huwag pansinin. Pero alam mo na hindi maganda ang nangyayari sa mundo. Naaawa tayo madalas sa mga nakikita natin. Natatawa tayo sa mga memes na patama sa mga pulitiko. Hindi mo naman kailangan maging aktibista tulad ng mga napapanood mo o maging katulad ng mga kakilala mong laging nagsasalita tungkol sa lipunan. Wala akong sasabihin na dapat mong gawin matapos nito.

Basta ang pakay ko – magpabatid, magsabi, magbalita, magsulat, at maghatid. Hindi ko nga lang malalaman kung natupad ang bawat layunin; ikaw lang siguro ang makakapagsabi. Kung naging antagonista man ako sa mga paniniwala mo, hindi ko rin malalaman. Hindi ko naman sinabing ako ay isang intelektwal o kritikal, pero alam kong hindi lang ang mga edukado ang pwedeng maging kontra-bida. Kung sasadyain kong maging isa, nasabi ko nang, “kahit hindi kritikal, madami akong kilalang antagonista sa paniniwala ng iba”. Kung sasabihin ko ang totoo, kaya kong maging antagonista – lalo na sa panahong nawawalan ka ng pag-asa, sa panahong sinusubukan mong maintindihan ang mga desisyon ng pamahalaan, sa panahong alam mong may ikakaunlad pa ang kinabibilangan mong lipunan, at sa panahong may mga taong may sariling katotohanan na ibang-iba sa katotohanan mo. Pero hindi ito ang aking punto.

Kung hindi mo man napulot yung nais kong makuha mo mula rito, hindi mo kasalanan – o hindi ganap na ikaw ang may sala. At tsaka, hindi ko rin naman malalaman kung ano ang nakamtam mo rito. Mahihiling ko lang na kahit papaano, naisalin ko yung mga konsepto ng empathy, honor, at humanity.

Hindi ko rin pala sasabihin na kailangan mo nang pumili ng panig. Wala akong iuutos na ‘dapat’ dahil pagmamayabang ito na alam ko ang ‘mas’ tama kaysa sayo. Magtitiwala nalang ako. Kahit maging liberal o konserbatibo ka, intelektwal o progresibo, o kaya militaristiko o pasipista, may malay ka man o wala sa mga salitang ito – o kaya kalahati ng bawat isa – ang paniniwala mo ay huhubog sa katauhan mo. (Mabuti nalang pwede itong mabago!)

Pasensya pala ha! Pinabasa kita nang mahaba. Laking tuwa ko nalang kung may isa na pumansin at nagbasa hanggang dito.


24 Hunyo 2020



[Kung hinahanap mo pala yung koneksyon ng titser na may kulay ang buhok (kasi ito lang ang hindi muling nabanggit at hindi nabigyang-paliwanag), aaralin ko pa ang kasaysayan ng mga pangulo ng ating bansa. Wala namang kapuna-puna, hindi ba? Mukhang natural lang sila sa simula kaya tinanggap ng masa. Mabuti nalang talaga pwede palitan ang kulay ng buhok kung ito ay masagwa - tulad ng mga pinuno kung sila ay sobrang na! #OustDuterte]



Comments

Popular posts from this blog

Breaking the Gold: The Golden Years of Philippine Cinema

The Historical Origin and Cultural Implications of Bañamos Festival of Los Baños, Laguna

Pabula: Ang Dalawang Magkaibigang Daga

Buhay Estudyante

FILM ANALYSIS: The Founder (2016)

Tiwala

Analysis: Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa

Emerging Filipino Indie Genre in the Philippine National Cinema

Bar Boys (2017): A Movie Review

Pagsulat sa Filipino - Lakbay-Sanaysay