Pelikula at Bansa: Mga Potensyal at Hadlang Para sa Kaunlaran

“Because more important than the award itself is the initiative to help the country realize the significance of cinema as a political tool and as a sign that reforms can be made and achieved” (Bolisay 189). 
Ano nga ba ang saysay ng karangalan at pagkilala sa mga natatanging pelikula kung mananatili itong dekorasyon sa pangalan ng indibidwal na lumikha? Anong silbi ng parangal mula sa ibang bansa kung ang pelikula ay mula sa eksploytasyon ng danas ng kapwang Filipino na kinasangkapan bilang naratibo at laman ng pelikula? Maging mahusay at tanyag man ang likha, marapat na iakibat ang mga tanong na: (a) para kanino? (b) paano mapagsisilbihan ng pelikulang Filipino ang mamamayang Filipino? (Valerio 1).

[FULL CONTENT REPOSTED @ Pelikula at Bansa: Mga Potensyal at Hadlang Para sa Kaunlaran – SineSalita (wordpress.com)

Ang pelikula ay hindi katutubong midyum. Mula ito sa Kanluran at isa sa mga mahahalagang impluwensiya na dala ng kolonyal na kasaysayan. Naitala ang unang pagpapalabas ng pelikula sa Pilipinas sa gitna ng pagbabagong-kalagayan noon 1897 (Bautista). Bago pa man maging isang ganap na sining, nakitaan na ng komersyal na potensyal ang pelikula bilang libangan at napatunayan ito sa landas na tinahak ng cinema hindi lang sa bansa pati na rin sa buong mundo. Sa mahigit isang daang taon na pag-iral ay tiyak na maraming ebolusyon ang dinanas ng midyum: silent hanggang maging talkies, black and white hanggang maging colored, panonood sa pinilakang tabing hanggang maging pinakamaliit na screen sa kasalukuyan. Maraming nagbago sa moda ng panonood at paggawa pero isa lang ang nanatili – ang paggalaw ng imahe at kapangyarihan nitong “magpakilos” din ng manonood.


Suliranin sa Kasaysayan

Sine ang naging pangunahing libangan ng mamamayan noong ika-20 dantaon. Nakaapekto man ang paglaganap ng telebisyon sa industriya at hinaharap ng pelikula, nanatiling pundasyon ng produksyon ang mekanismo ng sine. Maraming institusyon ang natatag: mga movie houses simula noong 1900s, pag-usbong ng mga local at pribadong film studios noong 1930s tulad ng Del Monte Pictures, Sampaguita Pictures, Parlatone, Filippine Films, Salumbides Brothers, X’Otic, Excelsior, at LVN (Torre); pagtatag ng mga lupon tulad ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Awards (FAMAS) noong 1950s, Cultural Center of the Philippines (CCP) noong 1960s, Experimental Cinema of the Philippines (ECP), Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), Film Academy of the Philippines (FAP) at kauna-unahang akademikong kurso para sa pelikula sa bansa na inilunsad sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1980s, at Film Development Council of the Philippines (FDCP) noong 2000s. Ito ang mga pruweba ng pagkilala ng estado’t mamamayan sa midyum at papel nito sa lipunan – kultural, ekonomikal, at politikal na papel.

Bahagi ng popular na kultura ang sine. Ang mga sinehan sa loob ng mga mall ay isang paraan para paigtingin ang konsumerismo. Hindi lang tiket ang bibilhin ng manonood kundi pagkain at iba pang produkto mula sa sari-saring establisyemento na makikita sa loob. Malaki na nga ang kita ng mga mall owners, malaking porsiyento pa rin ang napupunta sa kanila sa paggbibigay ng espasyo para maitanghal ang mga pelikula. Ambag din ang amusement tax na kinokolekta ng gobyerno mula sa mga pelikulang may malawak at komersyal na eksibisyon o pagpapalabas na sasailalim sa paggrado ng FDCP (IRR Of R.A. No. 9167). Ang teknikal na paglikha naman ng mga pelikula ay nagbibigay ng libo-libong trabaho para sa mamamayan. Studio system ang sinusunod na pangunahing moda ng paggawa kung saan specialized o dalubhasa ang mga tauhan sa bawat aspetong teknikal. Dito rin nakaugat ang star system na nagtuturing sa mga artista bilang mga bituin o idolo na nagiging bahagi ng kolektibong kamalayan ng madla kaya tiyak na epektibo sa mga commercial advertisement. Ang genre system naman ay nakabubuo ng mga subkultura na nagsisigurado ng tiyak na tatanggkilik sa mga genre films na nagsasalin sa siguradong kita sa takilya.

Hindi maiwawaglit sa magkayap na kultural at ekonomikal na papel ng pelikula ang politikal na papel nito. Ang bagong siglo ay nagsilang ng malaking transpormasyon sa midyum; tinuring ito na digital revolution na nakapagpabago ng takbo ng lipunan dahil sa magandang epekto nito sa pangkalahatang lagay ng buhay. Ang lumang negatibo ng film ay naging bidyo. Ang malalaki at mabibigat na kamera ay naging magaan at maliliit. Ang mahal ay naging mura na nagbukas sa demokratisasyon ng pagpepelikula. Gayunpaman, kailangan pa rin ng kapital – materyal, intelektwal, sosyal, atbp. na kapital. Pili pa rin ang nakakalikha at nakakapanood ng sine kahapon at ngayon. Malinaw pa rin ang manipestasyon ng antas ng mamamayan sa lipunan na hanggang ngayon ay malaki pa rin ang agwat. Ang hindi pagkakapantay-pantay ay nagdidikta kung sino lang ang may akses sa “kultura” at kontrol sa “kaalaman.” Politikal ito sa kadahilanang ang kawalan o di-kawalan ng kamay ng gobyerno sa industriya ng pelikula ang magtataguyod sa anumang kakahinatnan ng sine at papel nito sa bansa.

Ang pagkakatatag ng mga institusyon pangkultura noong panahon ni Pangulong Marcos na isang diktador ay nagbigay tuon sa pagpapaunlad ng sining sa kapuluan. Subalit kaanlinsabay nito ang matinding sensura sa mga likha na kritikal sa estado ng lipunan noong panahon na iyon. Ang mga matatapang na pelikula noong 1970s at 1980s na nilagdaan pa rin ng ECP ay isang paraan ng kooptasyon ng pamahalaan sa makapangyarihang midyum. Gayunpaman, may mga pelikulang hindi pinahintulan na ipalabas kung hindi isasaayos ayon sa kompromisong nais ng pamahalaan tulad ng Manila By Night (1980) ni Ishmael Bernal na pinalitan ang pamagat at naging City After Dark bago pahintulutan ipalabas sa ibang kapuluan (Sallan). Sinapit din ng pelikulang Orapronobis (1989) ni Lino Brocka ang dahas ng sensura nang ipagbawal ni Pangulong Corazon Aquino, na nagtatag ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang pagpapalabas nito dahil sa temang tumutuligsa sa paraan ng militar na pamamahala noong panahon na iyon (Kabristante). Tila huwad ang bawat rehimen sa kanilang tangkang bigyang halaga ang kultura at sining kung ang kalayaan sa paglikha ay mariing sinusupil.

May politikal na papel ang pelikula dahil alam ng estado ang kakayahan ng midyum, tulad ng iba pang midya, na magpabatid ng kamalayan sa mamamayan. Malalim ang naging silbi at epekto ng pelikula bilang propaganda ng estado. Sa kasalukuyan, ang mga pelikulang Bato: The Gen. Ronald Dela Rosa Story, Alpha: The Right to Kill, KontrAdiksyon – lahat ay lumabas noong 2019 – ay pawang mga likha ng mga direktor na tahasang sumusuporta kay Pangulong Duterte at sa kanyang war on drugs o ‘di kaya’y mga nananatiling kimi at pilit na hinihiwalay ang personal sa politikal at ang sining sa politika. Patuloy ang kooptasyon nang kunin ng pamahalaan ang dalawang malaking direktor sa industriya para sa direksyon ng taunang Talumpati sa Kalagayan ng Bansa o SONA (Rocamora). Ang pangunahing ahensya para sa pelikula sa bansa, ang FDCP, ay pinamumunuan din ng isang tagasuporta ng estado na pana-panahon inuulan ng mga isyu dahil sa mga polisiya at kalakaran na hindi lubos sumasalamin sa pangangailangan ng industriya. (Tingnan: FDCP vs film producers et al: Whose safety guidelines on the set will movie workers follow? (ANCX)).


Solusyon sa Kinabukasan

Ganito maipipinta ang makulay at madilim na kasaysayan ng pelikula. Ang kanyang potensyal ay matagal nang napagtanto at patuloy na ginagamit sa interes ng kapital, kultura, at kasaysayan. Nagpapatuloy rin ang diskuro ng pagbuo ng national cinema ng bansa. Ang paghahanap sa identidad ay hatid ng mahaba at malalim na kolonyal na kasaysayan na nanggahasa sa kaluluwa at diwa ng “Filipino”. Mahusay na halimbawa ang Ganito kami noon... Paano kayo ngayon? (1976) ni Eddie Romero sa pagsalamin sa kolonyal na kasaysayan at dala nitong kaisipan, kaugalian, at kinabukasan ng lipunan. Hitik din ang puna ng pelikula sa mga aparato na sinimbulo ng pamahalaan at relihiyon at mga gampanin nito sa takbo ng komunidad at mamamayang bumubuo rito. Nagluwal naman ang kontemporaryong panahon ng mga pelikulang sumasalamin sa hamon ng modernong pang-aalipin: The Flor Contemplacion Story (1995). Anak (2000), Milan (2004), Caregiver (2008), Sunday Beauty Queen (2016), Hello, Love, Goodbye (2019), at marami pang iba. Naisasabuhay ng pelikula ang mga kwentong OFW na maaaring hindi kailanman natin maririnig, mababasa, matutunghayan, o mauunawaan kung hindi dahil sa sining ng sine. Ang midya ay nakakapagpamulat ng kaisipan, at bilang isa sa mga midyang pangmadla mahalaga ang pelikula sa pagpapaunlad ng kamalayan ng mamamayan sa lagay ng hindi lang ng sariling lipunan kundi pati ng mundong ginagalawan.

Nakatali sa pagkamit ng totoong kasarinlan ng bansa ang pagbuo ng “national cinema” nito. Ang paglitaw ng alternative o independent cinema noong 1970s na tataliwas sa komersyal na kumbensyon ng Hollywood studio system na pinakananaig simula 1950s ay nagsilbing malaking potensyal sa pagtukoy o paghubong sa maaaring hakbangin palayo sa kolonyal at kapitalistang moda (Valerio 24-28). Subalit sa kasalukuyan, ang independent cinema ay ang bagong mainstream cinema. Hindi na pinansyal na kapital, porma (estilo at teknik), o laman (paksa o tema ng kwento) ang tumutukoy sa uri o modang kinabibilangan kundi ang posisyon at hangarin ng pelikula sa kalagayan ng paggawa ang naging batayan ng pag-uuri. Ang alternatibo ay politikal dahil winawaksi nito ang malupit at di-makataong kaparaanan ng paglikha na nakaugat sa exploytasyon at malabnaw na tindig sa usaping lipunan ng commercial cinema. Interesante ang ideyang Third Cinema sa isang third world na bansa tulad ng Pilipinas na nagsusumikap para sa isang nasyonal na identidad – sa diwa at gawa, sa wika at kultura, sa sining at paglikha. Sinuri sa diskusyon nina Solanas at Getino sa Toward a Third Cinema ang mga hadlang, suliranin, at kondisyon sa pagkamit ng totoong mapagpalayang sining ng pelikula kung saan kakalas sa mga dominanteng ideolohiya at istruktura ng mga imperyalistang estado ang moda ng pagpepelikula (2). Radikal ang tindig at kapaaranan para makamtam ang nasabing mithiin dahil nakaayon sa danas ng proletaryat ang paggawa; gamitin ang pelikula para kilalanin ang realidad ng masa at itakwil ang burgesya (8).

“Decolonization must begin with de-Americanization. It must go on to evolve a nationalist consciousness; that is, a counter-consciousness to combat colonial consciousness… Only the decolonized Filipino is a real Filipino” (Constantino 120) (qtd. in Valerio 1). 

 Ang ganitong layunin ay tumatawid sa pangkalahatan kamalayan sa umiiral na sistema kabilang ang sistema ng pagpepelikula. Kolonyal ang midyum, ang moda, at ang mekanismo kaya ang estetika, porma, at pamantayan ng kalidad ay nakabatay pa rin sa itinakda ng midyum, moda at mekanismo na mula sa Kanluran. Ang “nativization” ng sine ay nagiging ganap sa pag-angkop ng mga Filipino sa midyum gamit ang mga katutubong kayamanan – mga kwento, karanasanan, at kaalaman na likas sa mga Filipino (Deocampo). Subalit ano ang “likas” kung ang danas ng Filipino ay nabuo mula sa isang kolonyal na kasaysayan? Paaano kakalas sa impluwensya kung ang tinuturing na “natural” ay hindi pa rin pala katutubo? Ang ganitong mga katwiran ay masyadong pundamentalista dahil hindi na natin mababago ang kasaysayan (bahagi na ng identidad ng Pilipinas na naging kolonya ito) – maaari lang tayong magpatuloy sa ibang direksyon para mag-iba ang maisusulat ng kasaysayan bukas.


Tagpo ng Kasaysayan at Kinabukasan

Ang pelikula, bilang sining at midyang pangmasa, ay may mahalagang gampanin sa indibidwal at kolektibong kamalayan ng mamamayan. Ang pelikula ay isang kultural na artifact na nagpapaalala ng panahon sa bawat bahagi ng kasaysayan. Ang pelikula ay kasaysayan dahil ito ay produkto ng panahon! Repleksyon ito ng bawat hamon at tagumpay ng lipunan. Sinasalamin ng bawat likha ang kwento ng Filipino – mabuti man o masama, masaya man o malungkot, mahirap man o maginhawa. Bahagi ng kulturang Filipino ang panonood ng sine. May ginagampanang papel sa ekonomiya ng bansa ang pagprodyus ng pelikula. Hindi mahihiwalay ang kahalagahan ng pelikula bilang midya sa paghubog ng politikal na kamalayan ng madla.

Ang mga artista ng bayan at alagad ng midya ang magtataguyod sa pagbuo ng mas matibay, mas makabayan, at mas mapagpalayang sining ng sine kasama ang isang estadong may pagkilala sa malayang paglikha at mga manonood na may kakayahang maging kritikal nang hindi nawawala ang pagmamahal sa sinasagisag ng mga imaheng gumagalaw. Hindi dapat maging balakid ang malupit na kasaysayan sa pagpapabago at pagpapaunlad ng instrumento tulad ng pelikula dahil may kapangyarihan itong makapagpalaya lalo na sa isang kupuluan na kinulong ng kasaysayan. Mananatiling hiling ang kapital sa paggawa; mahihirapan kumawala sa kapitalismong ideolohika at istruktura; magpapatuloy ang tunggalian batay sa interes. Hindi magiging madali ang pagresolba sa mga nailarawan na hadlang pero hindi ito imposible.

Nakilala ang husay ng Filipino sa loob at labas ng bansa at patuloy na makikilala kung papaigtingin ang lehitimong suporta ng estado at mamamayan. Ang mga natatanging likha ay nag-ugat sa masalimuot na lagay ng lipunan kaya layunin dapat na hindi na maging makabuluhan ang mga pelikulang nasilang buhat ng panahon na puno ng karimlan. Ang kahalagahan ng mga mapagpalayang pelikula ay mananatili kung magpapatuloy ang isang estadong mapaniil. Ang tunguhin para sa isang buo at totoong national cinema ay hindi matatanaw kung hindi susubukang kumawala sa ideolohikang lakas ng imperyalismo na patuloy na bumabalot sa kaluluwa ng bansa.

Ang mga parangal ay mananatiling dekorasyon kung walang layunin na palayain sa bisig ng mapagsamantalang sistema ang paglikha. Hindi mahihiwalay at hindi dapat ihiwalay ang politikal sa personal at ang politika sa sining dahil ang bawat paggawa, pagkonsumo, at pag-ikot ng mundo ay nakaugat sa politikal na katayuan ng bawat isa. Subalit tandaan na hindi sining ang tanging solusyon; hindi malulutas ng musika, tula, o pelikula ang problemang panlipunan pero mahalagang sangkap ito sa walang hanggang pakikibaka!

--

Mga Sanggunian:

ANCX. FDCP vs film producers et al: Whose safety guidelines on the set will movie workers follow? 23 May 2020. <https://news.abs-cbn.com/ancx/culture/movies/05/23/20/fdcp-vs-film-producers-et-al-whose-safety-guidelines-on-the-set-will-movie-workers-follow>.

Bautista, Arsenio “Boots”. History of Philippine Cinema. n.d. <https://ncca.gov.ph/about-ncca-3/subcommissions/subcommission-on-the-arts-sca/cinema/history-of-philippine-cinema/>.

Bolisay, Richard. BREAK IT TO ME GENTLY ESSAYS ON FILIPINO FILM. Everything's Fine, 2019.

Constantino, Renato. Insight and Foresight. Quezon City: Foundation for Nationalist Studies, 1977.

Deocampo, Nick. Cine: Spanish Influences on Early Cinema in the Philippines. Quezon City, 2003.

IMPLEMENTING RULES AND REGULATIONS OF R.A. No. 9167. 2003. Arellano Law Foundation. 8 May 2021. <https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2002/ra_9167irr_2002.html#:~:text=(g)%20AMUSEMENT%20TAX%20%2D%20Tax,gross%20receipts%20from%20admission%20fees.>.

Kabristante, George Vail. Director Lino Brocka’s last words. 29 August 2020. <https://www.manilatimes.net/2020/08/29/lifestyle-entertainment/show-times/columnists-show-times/director-lino-brockas-last-words/760687/>.

Rocamora, Joyce Ann L. Duterte chooses Bernal as 3rd SONA director: PCOO chief. 11 July 2018. <https://www.pna.gov.ph/articles/1041161>.

Sallan, Edwin P. Ishmael Bernal’s ‘lost’ Marcos-era docu evokes nostalgia. 8 July 2018. <https://tribune.net.ph/index.php/2018/07/08/ishmael-bernals-lost-marcos-era-docu-evokes-nostalgia/>.

Torre, Nestor U. "An Essay on Philippine Film: Touchstones of Excellence." Tuklas sining: essays on the Philippine arts. Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1991.

Valerio, Elvin Amerigo D.G. "The Other “Other” Cinema: National and Cultural Identity in Filipino Alternative Films." 2008.


--

Mga Tinukoy na Pelikula:

Alpha: The Right to Kill. Dir. Brillante Mendoza. Perf. Baron Geisler Allen Dizon. 2019.

Anak. Dir. Rory Quintos. Perf. Vilma Santos. 2000.

Bato: The Gen. Ronald Dela Rosa Story. Dir. Adolfo Alix Jr. Perf. Robin Padilla. 2019.

Caregiver. Dir. Chito S. Roño. Perf. Sharon Cuneta. 2008.

Ganito kami noon... Paano kayo ngayon?. Dir. Eddie Romero. 1976

Hello, Love, Goodbye. Dir. Cathy Garcia-Molina. Perf. Alden Richards Kathryn Bernardo. 2019.

KontrAdiksyon. Dir. Njel de Mesa. Perf. Kris Bernal Jake Cuenca. 2019.

Manila By Night (City After Dark). Dir. Ishmael Bernal. Perf. Charito Solis. 1980.

Milan. Dir. Olivia Lamasan. Perf. Piolo Pascual Claudine Barreto. 2004.

Orapronobis. Dir. Lino Brocka. Perf. Phillip Salvador. 1989.

Sunday Beauty Queen. Dir. Baby Ruth Villarama. 2016.

The Flor Contemplacion Story. Dir. Joel Lamangan. Perf. Nora Aunor. 1995.

--
Pampanahunang papel
PI 100
09 May 2021

Comments

Popular posts from this blog

The Historical Origin and Cultural Implications of Bañamos Festival of Los Baños, Laguna

Pagkain ng Pinoy Pagyamanin, Malnutrisyon Ating Sugpuin, Kalamidad Sama-samang Harapin

Breaking the Gold: The Golden Years of Philippine Cinema

Pabula: Ang Dalawang Magkaibigang Daga

Analysis: Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa

Pagsulat sa Filipino - Lakbay-Sanaysay

Emerging Filipino Indie Genre in the Philippine National Cinema

Pagpapayaman sa Kultura at Wikang Filipino

Pagsulat sa Filipino - Repleksibong Sanaysay

Direk!