Pabula: Ang Dalawang Magkaibigang Daga

Sa Kaharian ng Dagatanra ay may dalawang magkaibigan. Umusbong ang pagkakaibigan nila noong maliliit pa sila. Magkaibigan din ang mga magulang nila. Palagi rin silang nagkakasundo sa mga kalokohan ng bawat isa.

Isang araw, pumasok sa isip ni Bugoy na pumunta sa kweba ng isang higanteng ahas habang nakikinig sa kwento ng isang matandang daga. Ang higanteng ahas ay ang nakaalitan noon ng kanilang pinuno. Ipinagtanggol ni Haring Mapatangra pati ng mga mandirigmang daga ang kanilang mamamayan dahil nanggugulo ang mga higanteng ahas sa palasyo subalit maraming nasawi sa sagupaan na iyon.



Alam ng magkaibigan ang nangyari noon sa palasyo pero hindi nagdalawang isip si Bugoy.

“Buboy, pumunta tayo sa kweba ng higanteng ahas?” hiling niya sa kaibigan.

“Bakit? anong gagawin natin doon?” patanong na sabi ni Buboy.

“Gusto ko kasing makita ang itsura ng ahas.”
“Ha? Ano ka ba? Alam natin na mapanganib sa kweba?”

“Eh ano naman! Basta, sumama ka nalang kasi!” malinaw na sinabi niya sa kaibigan.

“Sige, pero kakausapin ko muna si Ina para magpaalam,” nagdadalawang isip na sinabi nito.

Umuwi na ang dalawa sa kanilang mga tahanan.

“Bakit ngayon ka lang Buboy? Saan ka galing?” tanong ni Elma sa anak.

“Sinamahan ko lang po ang aking kaibigan, Ina,” mahinang sagot nito. “Aking Ina, pwede po ba kaming pumunta ng aking kaibigan sa kwebang Has-has?”

“Ano! Hindi pwede! Mapanganib doon, di nyo ba alam na lungga iyon ng mga higanteng ahas. Gusto nyo bang magaya sa tatay mo na namatay sa sagupaan noon sa ating kaharian!”

Nagtatakbong pumunta sa silid si Buboy at doon nagmukmok hanggang siya’y nakatulog.

Kinaumagahan, pinuntahan ni Bugoy si Buboy sa kanilang tahanan.

“Buboy! Buboy! Buboy!” tawag niya sa kaibigan.

Sinabi ni Buboy na hindi siya pinayagan ng kanyang Ina pero pinilit parin ni Bugoy ang kanyang kaibigan na sumama sa kweba. Hinila ni Bugoy si Buboy mula sa bintana. Wala nang nagawa si Buboy kundi sumama.

“Papasok ba talaga tayo dyan?” tanong niya sa kaibigan pagkadating nila sa bunganga ng kweba.

“Oo naman, papasok tayo diyan, dapat natin makita kung ano ang itsura ng higanteng ahas,” walang kaba na sinabi ni Bugoy.

Takot na takot si Buboy pero pinilit parin siya ni Bugoy na sumama sa loob ng kweba.

Makalipas ang ilang minuto, nakarating na sila sa gitnang bahagi ng kweba at laking gulat nila nang makita ang isang nakakatakot na higanteng ahas habang nilalapa ang isang batang koneho.

“Umalis na tayo!” takot na takot na sinabi ni Buboy habang nangangatog ang dalawang tuhod.

“Mamaya na, panoorin muna natin kung paano kumain ang isang higanteng ahas,” walang katakot takot na binanggit ni Bugoy.

Matigas talaga ang ulo ni Bugoy. Pinilit siyang hilahin ni Buboy subalit nakita sila ng higanteng ahas. Dali dali silang tumakbo palabas pero naabutan si Bugoy ng higanteng ahas.

“Bugoy! Bugoy! Bugoy!” pasigaw na sabi ni Buboy habang umiiyak. Sinubukan niyang batuhin ang ahas pero wala na siyang nagawa kundi lisanin ito at umuwi.

Sa pangyayari na iyon, natuto na si Buboy. Makinig palagi sa magulang. Huwag magdesisyon agad dahil maaari natin itong ikapahamak. Matuto tayong sumunod sa ating mga magulang dahil alam nila ang ikakabuti para sa kanilang mga anak.

~Wakas~



-TBWS
2010
Takdang aralin ko sa Filipino noong ika-apat na baitang (2009-2010)

Comments

Popular posts from this blog

The Historical Origin and Cultural Implications of Bañamos Festival of Los Baños, Laguna

Emerging Filipino Indie Genre in the Philippine National Cinema

Analysis: Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa

Breaking the Gold: The Golden Years of Philippine Cinema

FILM ANALYSIS: The Founder (2016)

Tiwala

Bar Boys (2017): A Movie Review

Patay na si Hesus (2016): A Review

Buhay Estudyante