Wala ka pa sa realidad #01
PART 1: Kasalanan ang gumising nang maaga
Lunes. Nag-alarm ako ng 5:30am. Ngayon ang araw ng onboarding ko sa trabaho. Naligo ako agad dahil pakay kong pumunta ng campus para magpa-scan at print ng mga job requirements. Hindi ko nagawa noong weekend dahil umuwi ako ng Laguna para makipagkita sa mga dating kaibigan at para damayan ang isa sa amin na kakabreak lang sa nobya. Hindi ko rin nagawa noong nakaraang linggo dahil nais kong pagsabayin sila kapag kumpleto na lahat ang dokumento.
Sumakay na ako ng jeep at tiniis ang halos isang oras na traffic sa Katipunan Avenue. Pambihira ito sa 10-15 minutes na normal na byahe pero dahil morning rush, alam kong male-late ako sa trabaho. 7am na ako nakarating sa loob ng campus at nalamang sarado (malamang) pa ang pakay kong computer shop. Buti nalang may isang bukas sa Area 2. Hindi nga lang nakatulong na ilang beses inulit yung scan dahil sira yung gamit nilang machine.
Kahit alam kong suntok sa buwan ang makabook sa ganoong oras, sinubukan kong mag-Angkas at Joyride. Alam ko rin na hindi na ako makakapag-almusal kahit binalak kong kumain sa Area 2. Naglakad ako palabas ng campus para maabutan yung yellow bus na target kong sakyan. Ang ruta ng dilaw na bus ay SM North-Taguig via C5 na hinuha kong dadaan naman sa pagtatrabahuhan ko sa Pasig; kung tama ako, parehong bus ang sasakyan kong pauwi. Dumadaan din naman yung bus malapit sa unit ko sa Katipunan pero dahil kailangan kong magpaprint, nangyaring sasalubungin ko nalang ito mula sa campus. Cinancel ko na yung pag-search ng Joyride nang makalabas ako ng campus para maghintay ng bus.
Sumakay agad ako sa unang yellow bus na dumaan. 7:20am. Sabi sa Google Maps, 36 minutes ang byahe. Traffic pa rin sa Katipunan. Naging 44 minutes ang ETA. Tiyak na malalate ako. As expected, nagtext na ang HR. Sinabi ko na agad na malalate ako kahit nagsabi siya kahapon na bawal malate sa orientation. Nagdahilan nalang ako na matindi ang bagal ng traffic kahit 6:30am ako nakaalis ng bahay. Hindi naman ako masyadong nagsinungaling, hindi ba? Kasalanan ko at kasalanan din ng traffic jam. Kasalanan ko dahil sinalubong ko ang bus kaya lalo akong napalayo at dahil ngayong lang ako nagpaprint ng mga requirements kaya napatagal ako.
Naningil na ang kundoktor at sinabi kong sa Pasig ako. Expectedly, tinanong niya kung saan [sa Pasig]. “Sa Hyundai at malapit sa footbridge” lang ang tangi kong nasabi na binase ko sa Google Maps. “Sa Bagong Ilog yan,” sabat nung isang matandang lalaki sa pag-uusap namin ng kundoktor. Tumango nalang ako at inabot ang bayad.
Kahit morning rush, hindi masyadong siksik ang bus dahil sabay-sabay din nagsisibabaan ang mga pasahero pagkaraan ng Eastwood. Nakaupo ako sa kalagitnaan ng byahe. 8:13am. Nag-text muli ang HR at nagtatanong kung anong ETA ko. 8:30am, reply ko. Subalit yung 17 minutes away ay naging 21 minutes pagkarating ng bus sa Ortigas. “Dito na yung Bagong Ilog,” kulbit ng parehong matanda sa likod ko. Bumaba ako at agad na tumakbo sa footbridge. Naglakad hanggang makarating sa building ng aking pagtatrabahuhan.
PART 2: Company handbook bilang almusal sa kumakalam na sikmura
8:47am. Ka-text ko ang HR na siyang bumungad paglabas ko ng elevator sa 9th floor. Nag-sorry agad ako dahil 47 minutes late pero wala namang matinding reaksyon akong nakita sa kausap ko. May inabot agad siyang mga papel. Hiningi rin niya ang mga job requirements ko. Nanghiram ako ng ballpen sa kanya dahil hindi ko mahagilap sa maliit kong tote bag yung baon ko para masagutan yung form para sa paycard. Bumalik siya nang may bitbit na upuan na agad kong kinuha para tulungang buhatin. Napagtanto ko na para sa’kin yun dahil late ako at mukhang wala nang mauupuan.
Binuksan niya ang conference room para makapasok ako na may bitbit na upuan. Expectedly, ongoing na ang orientation. Pumwesto ako sa likuran at inabutan ng isa pang form at attendance sheet. Malabo ang tinta ng ballpen na pinahiram sa’kin pero pwede na.
Patuloy lamang yung babae na nasa harap sa pagpapaliwanag kung ano yung nasa slides. May biruan na nangyayari sa pagitan ng tagapagsalita at mga tagapakinig. Magkakakilala kaya sila? Nasaan yung dalawa kong kasabay sa talent exam at final interview noon para sa posisyon ng Assistant Editor? Habang nakikinig sa kantyawan sa pagitan ng speaker (na siguradong mula sa HR) at mga kapwa magsisimulang trabahante, nalaman ko na para/mula sa iba’t ibang department pala ang mga kasabayan ko.
Ako lang ang nag-iisang bagong employee sa department ko na kabilang sa silid. Ang iba ay mga promodiser, consignor, repacker, at driver dahil retail and trade pala ang industry ng kompanyang papasukan ko (Oo, ngayong lang din luminaw sa’kin). Nahati ang mga attendees sa dalawa: Sales at Admin. Ang mga sales ay magtatrabaho sa iba’t ibang shop na maaaring nasa loob ng mall samantalang ang admin ay mga empleyado sa Head Office kung saan ako kabilang.
Pinapaliwanag ng speaker ang mga uri ng leave bilang benefits ng mga probationary at regular employees. Kinagiliwan ito ng kapwa babae at lalake na nagpatuloy sa kantyawan patungkol sa Solo Parent Leave at Funeral Benefit. Unang beses ko itong maririnig dahil ito ang unang pormal na trabaho ko matapos makapagtapos noong Hulyo. “Sobrang baba” bulong ng katabi ko pero narinig sa buong silid. Humingi naman agad ng pasensya ang speaker at dinaan sa birong mas mabuti ang magtrabaho kaysa mamatay [“diba”].
Magaan ang mga paliwanag dahil parehong lenggwahe ang winiwika ng HR at mga trabahente. Patunay ang kanilang komportableng mga palitan at biruan tungkol sa working experiences. Naging inside joke na rin ang pagkaantok ng ilan na marahil dahil sa lamig ng silid o sa paggising nang maaga kanina. Tila tanggap naman ng speaker ang pagiging “boring” ng nilalaman ng orientation. Aminado siya na kailangan lang talaga iyon bilang bahagi ng employment namin kaya magtiyaga nalang daw kami. Unexpectedly, hindi boring ang dating sa’kin dahil masasabi kong excited pa nga ako. Napagtanto ko na mas matanda ang karamihan sa kasamahan ko. ‘Di tulad ko, hindi nila unang trabaho ang kanilang papasukan base sa mga maiikling kwento nila sa mga naunang karanasan.
Nagpatuloy sa usaping rules and regulation at iba pang mga company policies. Kahit nais kong basahin nang maigi at buo ang nasa slides, hindi ko magawa dahil sa liit o bilis ng speaker. Highlights lang ang ibinabahagi at mga common scenario o cases ang ginawang halimbawa. Hindi naman ako clueless sa mga ito. Bibigyan naman kami siguro ng kopya ng handbook kapag naglaon, o ‘di kaya ay hingin ko nalang, sa isip-isip ko, para basahin at unawain ang mga di nababanggit.
Habang nilalamig, naramdaman kong ang pagkalam ng aking sikmura. Dinampot ko ang aking tote bag para kunin ang baong bottled water. Sa aking pagkapa, naramdaman ko sa wakas ang aking ballpen. Nakapa ko rin yung baon kong tinapay pero hindi ko iyon kinuha. Nakapag-Energen naman ako sa bahay at habang nasa byahe, kinain ko yung isang pirasong crinkles na binili ko sa sakayan ng bus sa Laguna kahapon. Hanggang ngayong, hindi ko ugaling kumain sa harap ng ibang tao kung hindi oras ng pagkain o walang pahintulot. Nalaman ko rin naman na ipinagbabawal nang kumain sa loob ng mga silid dahil sa mga “peste”: ipis, daga, at mga langgam, na miski pag-inom ay limitado lang sa mga di-bote at may mga takip ayon sa hiling ng mga boss na panatalihing malinis ang mga offices.
Sila at Ako
Mas naging malinaw sa’kin ang posisyon ko o kaibahan ko sa ibang empleyado nang magpakilala ang sumunod na speaker na supervisor ng nauna – parehong HR department. Bukod sa magkakaibang trabaho, naintindihan ko na mula rin kami sa ibang antas ng lipunan. Iba ang aming lenggwahe, or at least, alam kong iba ang “level” ko sa kanila tulad ng iba ang lebel ng lenggwahe ng supervisor na magtuturo ng company website sa’min. Tinuro naman ng ikatlong speaker ang tungkol sa payroll at paano ang computation ng late at overtime, government deductions, at commission per quota if applicable. “Enlightening” ito para sa’kin na kabilang sa petiburgersya pero aminado ako na “alienating” din sa pakiramdam.
Nagtanong ang aking katabi kung saan ako kakain ng tanghalian. “Sa 4th floor,” sagot ko base sa canteen na mayroon sa building. “Sa labas ako, mas mura doon e,” balik nito sa’kin na suggestion din naman ng HR bilang kami ay may kalayaan saanmang gamitin ang 30 minute lunch break – isang company policy din. Bumaba ako at nakasalubong ang isang kasamahan sa orientation na naunang magcheck ng pagkain sa canteen. Hanggang sa natapos ako sa pagpila at pagkain, wala akong nakitang kasabayan kundi mga present employees ng building. Mukhang sa labas kumain lahat ng kasamahan ko kanina.
Bumalik kami sa conference room. Mahahati nang tuwiran ang grupo. Pinapapunta sa HR ang mga “Sales” at magco-company tour ang mga “Admin” o “Head Office”. Dinala kami sa iba't ibang floors at bawat department ng bawat isa. Nagtungo na rin kami sa studio para makuhanan ng litrato (marahil para sa ID, kung hindi record). Dahil hindi itim ang suot ko na strictly required pala para sa pictorial, pinahiram sa’kin ng isang supervisor ang kanyang black jacket. Kulay grey ang suot ko at wala rin naman talaga akong magagamit dahil nasa laundry pa yung mga itim kong damit. Natapos ang tour sa pagsusubmit namin ng paycard application form sa Accounting department. Bumalik kami sa 9th floor at nagkita-kita muli. May mga hawak nang uniform yung mga mula sa Sales. Binigyan na rin ng mga kontrata na pipirmahan ang ilan sa amin. Batid kong after orientation ko pa matatanggap yung akin.
Habang naghihintay ng susunod na ganap, napakwento ang aking bagong katabi sa likod. Aniya, kakakuha niya lang ng kanyang diploma noong Friday matapos ang dalawang taon. First job niya rin ang pagiging repacker. Taga-Antipolo pa siya at gumising siya ng alas-tres ng umaga. Mabuting may motor siya kaya nakarating siya isang oras bago mag-alas-otso.
Inilabas din ng isang babae ang libreng uniform na ibinigay sa kanila. Agad na kinatyawan ito ng kapwa babae na muka raw uniporme ng isang sikat na motel at restaurant. Nakamasid lang ako sa kanilang palitan at paano nila ipaparepair ang nag-iisang libreng damit. Pwede namang dagdagan subalit salary deduction na raw ito sa kanila.
3pm. Pumasok ang ika-apat na speaker para sa Occupational Health and Safety (OSH) na mandatory part din ng onboarding ng mga trabahante. Mas may buhay ang tagapagsalita. Mas kalog o impormal na todo pa kung makipagkantyawan. Akma rin naman ang kanyang energy sa oras ng siesta at pinaghandaan niya ang presentation dahil pinasayaw niya kami sa upuan bilang ice breaker. Tulad ng speaker kaninang umaga, minadali na rin ang mga paliwanag nang umabot ng 4:30pm dahil may isa pang speaker para ituro ang huling topic.
4:50pm dumating ang ika-limang speaker na magtuturo ng Data Privacy Act (DPA) na inaming pang isang oras ang normal orientation pero ipapaliwanag niya lang sa loob ng limang minuto para makauwi na kaming lahat. Nasayangan ako dahil interesante na batas ang pinag-uusapan. Tulad ng ibang speaker na tinuturo ang aming mga karapatan bilang mga empleyado, tila pinahapyawan lang lahat ang mga ito dahil sa oras.
Fixed Term Contract
Inabisuhan ako ng HR ko tungkol sa contract signing after the orientation. Sa wakas, nakita ko na rin ang job description ng pagiging assistant editor. Tugma rin ang ibang detalye tungkol sa sahod at kawalang benepisyo na kanyang sinabi sa tawag noong nakaraan. Ngayon ko lang din nalaman kung ano ang fixed term contract. 10 months ang nakasaad sa kontrata ko. Nabasa ko rin ang patakaran sa pagterminate o pagreresign kung sakali man – isa sa mga matagal ko nang nais alamin bago pa magsimula.
Pinirmahan ko ang dalwang kopya ng kontrata. Tinanong ko rin kung nasaan yung dalawa kong kasama sa job interview noon. Ako lang pala ang napili at tinanggap kahit kailangan pa nila ng karagdagang editors. “Good luck po,” ang tangi kong sinabi bukod sa pasasalamat. Aniya, first day ko bukas. 9am to 6pm ang pasok. Nagpromise ako na hindi na ako male-late.
Sumakay ako ng elevator at nakasabay ang isang lalaki na kasamahan ko sa onboarding. “Hindi pa ako makakastart bukas. Tang-inang HR yan!” usal niya. Dahil kami lang naman ang dalawa sa elevator, napatanong ako ng bakit. “Hindi pa raw kumpleto picture, kahit binibigay ko naman ngayon” habang kumpas sa kanyang bulsa’t damit. “Di tinanggap? E pauwi na rin siguro, tinamad na” paliwanag ko na alam kong hindi rin naman makakatulong. “Byahe na naman bukas” buntong hininga niya sa sarili.
Kagalakan at Kalungkutan
Saktong may yellow bus na dumaan. Tumakbo ako sa bus stop na malapit sa kanto mula sa pinanggalingan kong building. Hinanda ko na ang aking sarili sa rush hour at uwian pero maluwag ang nasakyan kong bus. Maaga pa kaya? Nakaupo ako at agad na kinuha ang natirang tinapay sa bag. Tinanong ko kung magkano hanggang Katipunan. 30 pesos. Expectedly, mas mura ito sa pamasahe ko kaninang umaga na 35 pesos dahil nagmula nga ako sa campus na mas malayo.
Habang nasa byahe ay sinimulan ko ang pagsusulat nito. Tulad ng nabanggit kanina, enlightening at alienating para sa akin ang mga kaganapang ngayong araw. Nakasalamuha ako ng iba’t ibang uri ng tao, iba’t ibang ugali na galing sa iba’t ibang lugar: Antipolo, Parañaque, Las Piñas, at ako Quezon City. Siguradong mula sa ibang bahagi ng NCR yung ibang hindi ko narinig kung saan sila nakatira. May Zoom meeting din kanina sa onboarding na para naman sa mga taga-Mindanao o Visayas.
Habang nagtatype sa notes ng phone, naalala ko ang mga katagang, “wala ka pa sa realidad” na malimit sabihin ng mga matatandang arogante na tila ang turing sa buhay ng mga mag-aaral o mas bata ay hindi totoong realidad. Ngayo’y hindi na ako estudyante at magiging isang trabahante na, sa tingin ko ay naiintindihan ko ang ibig sabihin ng mga mas nauna. Wari ko ang kanilang kayabangan ay mula sa kalungkutan ng pagiging manggagawa.
Kung tulad nila ako o tulad ko sila, parehas siguro ang danas ng pagsasakripisyo ng pangarap. Sa kaso ko, desperado kasi akong magkatrabaho agad dahil dalawang buwan na akong nabubuhay mag-isa. Hindi na tulad noon ang natatanggap kong suporta mula sa mga magulang. Hindi naman sa hindi ko gusto yung trabaho na papasukin. Excited nga ako diba. May mga bagay lang akong hiniling nung umpisa na hindi natupad ng sarili pagkatapos ng kolehiyo. Hindi pa naman ako tapos dahil nagsisimula palang ako.
02 October 2023
Comments
Post a Comment