DULA: Batang Bata Ka Pa

BATANG BATA KA PA
Dulang may isang yugto
Akda ni Ace Meelan M. Balbarez

(Pebrero 15, 2017)
TAUHAN
  • ANNE       – 19, panganay sa magkakapatid, matalino, conservative
  • LYKA        – 18, pangalwa sa magkakapatid, matalino, insecure
  • HAZZEL – 17, ikalto sa magkakapatid, maarte, spoiled brat
  • DANIEL   – 16, bunso sa magkakapatid, masunurin,
  • RONALD        – 55, ama ng pamilya Reyes, matutukso ng temptasyon
  • ELENA     – 54, ina ng pamilya Reyes, may sakit sa bato
  • ERIKA      – 54, kambal ni Elena,
  • GILLIAN   – 50, kapatid nina Elena at Erika,
  • CEDRICK– 50, asawa ni Gillian
  • IZA            – 19, kaibigan ni Anne
  • MADEL    – 18, kaibigan ni Lyka        
  • WALTER – 18, kasintahan ni Hazzel
  • LEVI         – 16, kaibigan ni Daniel
  • VINCE      – 16, kaibigan ni Daniel
  • JAKE        – 56, katrabaho ni Ronald
  • BETH       – 30, katrabaho ni Ronald
  • JONA       – kasambahay ng pamilyang Reyes 


TAGPUAN
            Tatakbo ang kwento sa tahanan ng Pamilya Reyes; kasalukuyan

            Sa eskwelahan na pinapasukan nina Daniel, Hazzel, at Lyka; kasalukuyan
            Hospital; kasalukuyan

UNANG EKSENA
(Sa tahanan ng pamilya Reyes, mag-uusap ang mag-asawa sa hapagkainan)

RONALD
(balisa, tatayo mula sa pagkakaupo)
‘Wag ka nalang munang magtrabaho…diba ayun ang payo ng doctor, hindi ka rin makakapagtrabaho nang ayos.

ELENA
(Nakaupo, kapwa balisa)
Hindi pwede. Kailangan kong magtrabaho. Magkokolehiyo na si Hazzel, naggagawa na ng tesis si Anne. Paano ang gastusin sa bahay?

RONALD
(lalapit sa asawa)
May trabaho naman ako diba. Ako na ang bahala sa pera, tsaka kailangan ka ng mga bata.

ELENA
(aalisin ang tingin sa asawa)
Hindi sasapat ang sweldo mo buwan-buwan. Kailangan natin dalawang magtrabaho para sa apat nating mga anak –

RONALD
(puputulin ang pagsasalita ng asawa, bahagyang tataas ang boses)
Elena! Hindi mo ba naiintindihan? May sakit ka. Bawal ka nang magtrabaho.

ELENA
(tatayo mula sa pagkakaupo)
At sa tingin mo, kapag ba nanatili ako sa bahay hindi rin ako magtatrabaho. Sino ang gagawa ng gawaing bahay? Si Jona? Eh sa sitwasyon natin ngayon, kakailanganin natin siyang tanggalan ng trabaho dahil wala na tayong maipapasweldo sa kanya!

RONALD
(maiinis, iikot sa kabilang upuan at haharapin si Elena)
Anong gusto mong sabihin? Huh?! Hindi ko kayang buhayin ang pamilyang ‘to?
(susubukang huminahon)
Ang mga anak natin ang tutulong sayo, malalaki na sila. Basta…basta huwag ka na munang magtrabaho.

ELENA
(tataas ang boses, bahagyang lalayo sa asawa)
Hindi! Sa ayaw at sa gusto mo, magtatrabaho ako para sa pamilyang ‘to! Ikaw ang hindi nakakaintindi Ronaldo!

RONALD
(Tataas din ang boses)
Ano ba naman, Elena! May sakit ka! MAY SAKIT KA! (Beat) Sige magtrabaho ka! Magtrabaho ka para makaipon ka ng maraming pera at ano? Kapag lumala ‘yang sakit mo, hindi ba doon din naman mapupunta lahat ng perang pinaghirapan mo?!

(Papasok sa eksena ang magkapatid na si HAZZEL at DANIEL na kakagaling lang mula sa eskwelahan; hindi na sasagot si ELENA nang makita ang mga anak; mapapansin ni RONALD)

DANIEL
(lalapit sa magulang at magmamano)
(kay RONALD) Magandang hapon po Pa …(kay ELENA) Ma.

(Lalabas sa eksena, samantalang si HAZZEL ay nakakunot ang noo, lalapit at lalampasan ang magulang – akmang lalabas din sa eksena)

RONALD
(sisitahin ang anak)
Hazzel! Pumarito ka at magmano ka sa’min ng Mama mo.

(Babalik si HAZZEL at magmamano nang hindi titingin sa mga magulang; lalabas sa eksena pagkatapos; lalabas din sa eksena ang mag-asawang ELENA at RONALD)

IKALAWANG EKSENA

(Uupo sa sofa set si ANNE na may hawak na reviewer; dadating si LYKA na kakauwi lamang)
ANNE
(sisitahin ang kapatid)
Gabi ka na naman! Saan ka galing?

LYKA
(pabalang na sasagot)
Ano bang pakialam mo?
(Ibababa ang bag at magtatanggal ng sapatos)

(Papasok sa eksena si HAZZEL na may dalang ipad at hihiga sa sofa kung saan nakaupo si ANNE kaya papalipatin niya ang ate sa kabilang upuan)
(Papasok si DANIEL na may dalang notebook at lalapit sa ate ANNE niya para magpatulong; patuloy na nag-aayos ng sarili si LYKA)

DANIEL
Ate! Patulong ulit sa assignment ko.

ANNE
(aayos ng upo at isasantabi ang binabasa)
Sige ano ‘yun? Tungkol saan?

DANIEL
About sa Big Bang Theory. Pinapaexplain sa’min based on our own understanding – whether we believe the theory or not…

LYKA
(Pupunta sa hapag na nasa kabilang bahagi ng entablado, dadaanan sina ANNE at DANIEL at bubulong)
Pabida na naman. Tssss.

(Maririnig ni ANNE pero isasawalang-bahala niya lamang ito)

DANIEL
…pero gusto ko munang marinig explanation mo para magkaroon ako ng idea.

LYKA
(kukuha ng plato para kumain, bubuksan ang mga takip)
Nasaan ang ulam?

ANNE
(maririnig ang tanong ng kapatid, titingin)
Nandiyan. Natatakluban ng kulay green.

(Titingnan ni LYKA ang turan ng ate; uupo at magsisimulang kumain)

IKATLONG EKSENA
(Mag-uusap ang magkakapatid na sina ELENA, ERIKA, at GILLIAN)

ELENA
(magpipigil umiyak)
Anong gagawin ko? Ayaw na akong pagtrabahuhin ng asawa ko. Tinanggal na rin ni Ronaldo si Jona.

ERIKA
(lalapit lalo sa tabi ng ni ELENA)
Eh bakit tinanggalan kayo ng katulong, hindi ba mas kailangan niyo ng kasambahay sa kalagayan niyo ngayon?

ELENA
Baka hindi na namin kayanin paswelduhin si Jona, lalo na’t gusto akong patigilin sa pagtrabaho ng asawa ko, Erika. Pinag-iisipan ko pa, pero kung ako ang masusunod, magtatrabaho pa rin ako.

ERIKA
(mauunawan ang katwiran)
Ah ganun ba. Makinig ka nalang sa asawa mo. Kung ‘di mo kaya, kahit makinig ka nalang sa sinabi ng doctor mo, ate.

GILLIAN
(bahagyang inis sa kalagayan ni ELENA)
Pakiusap Ate! Huwag mong alalahanin ang pera. Ano pa’t nandito kaming mga kapatid mo. Pati malalaki na yang mga anak mo, hindi na nila kailangan ng katulong.

ERIKA
(titingin kay GILLIAN at ibabalik ang tingin kay Elena)
Kilala ka namin Ate. Hayaan mo nang si Ronaldo ang magtrabaho para sa pamilya niyo. Alam kong hindi niya kayo papabayaan.

(Magpupunas ng luha si ELENA, tila gagaan ang loob dahil sa mga sinabi ng mga kapatid.)

GILLIAN
(kay Elena)
Magtiwala ka sa asawa mo. Alagaan mo ang sarili mo para sa pamilya mo. Kahit anong mangyari, nandito kami ni Erika para sayo.

ELENA
Salamat Gil, Erika.

(lalabas ang tatlo sa eksena)

IKAAPAT NA EKSENA
(Sa eskwelahan, mag-uusap ang magkakaibigan na sina DANIEL, LEVI, VINCE)

VINCE
(kay DANIEL)
Kumusta si Tita Elena?

DANIEL
(balisa)
Ayun…nagresign na sa trabaho. Nasa bahay na siya.

LEVI
Ano bang diagnostic ng doctor?

DANIEL
Ang sabi eh…Chronic Kidney failure daw.  Napabayaan ni Mama yung kalusugan niya sa kakatrabaho. Paliwanag ng doctor, overuse sa gamot ang cause kaya naapektuhan yung function ng bato niya. ‘Tong si Mama naman kasi eh, naging dependent sa ibuprofen at paracetamol sa tuwing nagkakaroon siya ng migraine o kaya sa tuwing may dalaw. Wala nang time magpacheck-up kakatrabaho, kaya nag seself-medicate.  

LEVI
Ah oo, hindi nga maganda yung panay gamot. Instead na gumaling, lalong magkakasakit. Pero pare, kaya yun ni Tita! ‘Wag kang mag-alala. Basta nandito kami para sayo.

DANIEL
(Hindi mapakali, susubukan pakalmahin ang sarili)
Salamat…
(…)
VINCE
(kay DANIEL)
Pare… may problema pa ba? Ba’t parang di ka mapakali? Anong nangyayari sayo?

DANIEL
(balisang-balisa)
Ah…eh…ano kasi…

VINCE
Ha?

DANIEL
(halos hindi makaimik)
Pare...ah…kasi ano…

VINCE/LEVI
(overlapping)
Ano?!

DANIEL
Pare nakabuntis ako pare.
(yuyuko nang bahagya)

(Nagtinginan sina LEVI at VINCE na kapwa nabigla)

VINCE
(magbibiro para mang-asar)
Masarap ba?

SEAN
(sisitahin si VINCE)
Gago!

VINCE
(hihinto sa pang-aasar)
Hindi nga pre, seryoso?

(papasok sa eksena si WALTER, mapapadaan sa gilid nina DANIEL)

DANIEL
(problemado)
Hindi ko alam gagawin ko. Paano ko sasabihin kina Mama? Ngayon na ganito ang sitwasyon naming pamilya, makakadagdag lang ako sa problema namin. ‘Di ko na alam.

SEAN
(mag-iisip)
Sigurado ka bang buntis?

(Maririnig ni WALTER ang usapan nang ‘di sinasadya)

DANIEL
Eh ang sabi niya, isang buwan na raw siyang walang dalaw. Nagpanic siya, nagpanic din ako.
Sabi ko siguraduhin niya muna, pinabili ko ng pregnancy test, hanggang ngayon wala pa akong balita.

VINCE
Pare, syempre alam mo sa sarili mo yung ganun bagay.

DANIEL
(aamin)
Oo pre, may nangyari sa’min. Alam ko sa sarili ko na possible, kakabahan ba ako ngayon kung hindi di’ba?

VINCE
Tanga mo eh.

(Papasok sa eksena si HAZZEL, lalapitan si WALTER na nag-iintay sa kanya kanina pa at yayakap.)

SEAN
(kay VINCE)
‘di ka nakakatulong Vince!

(Makikita ni DANIEL ang ate niya, magugulat)

HAZZEL
(kay Daniel)
Oh Daniel, ba’t parang nakakita ka ng multo?

(mababagabag si WALTER sa sitwasyon dahil sa nalaman)

DANIEL
(mauutal)
Ah wa…wala. (BEAT) Nakalimutan ko lang yung assignment ko. Sige!
(Kay SEAN at VINCE) Tara na.

(Lalabas sa eksena sina DANIEL, SEAN, at VINCE; maiiwan sa entablado si WALTER at HAZZEL)

WALTER
(susubukang umimik)
Kumusta si Tita?

HAZZEL
(biglang malulungkot)
Hindi ko alam. Narinig ko, sakit sa bato ata. Ayaw na siyang patatrabuhin ni Papa. Di ko alam kung susunod si Mama.
(tutungo lang si WALTER)
Hay. Kailan kaya ako magkakaroon ng bagong iPhone?
 (Mapapatingin si WALTER kay HAZZEL; mapapatingin din si HAZZEL kay WALTER.)
 Oh bakit?

WALTER
(balisa)
Si Daniel.

HAZZEL
Oh anong meron kay Daniel?

WALTER
Nakabuntis.

HAZZEL
(manlalaki ang mata)
Ha?!

WALTER
(iiwas ng tingin)
Narinig ko kanina sa usapan nila habang iniintay kita. Di ko sinasadya.

HAZZEL
(mapapatayo, haharap kay WALTER, mababagabag)
Seryoso ka ba?

WALTER
(tatayo rin, haharap kay HAZZEL)
I’m sorry babe. I’m sorry I had to tell you.

HAZZEL
(bahagyang tatalikod kay WALTER)
No, no, it’s fine. I imagine how it had bothered you finding something like that yourself. I’m sorry for that. Thank you for telling me, let’s go.

(Lalabas sa eksena si HAZZEL, maiiwan nang sandali si WALTER at lalabas din)

IKALIMANG EKSENA
(Mag-uusap sina LYKA at MADEL sa cafeteria)           

LYKA
(Yuyuko sa lamesa)
Be, pagod na ako.

MADEL
(papagaanin ang loob ng kaibigan)
Ano ba be, kaya pa yan! May finals pa tayo next week. Walang susuko.

LYKA
(tutungo, haharapin si MADEL)
Sige ipaalala mo pa! Istress na istress na nga ako sa acads, tapos pag-uwi pa, istress pa rin.

MADEL
Bakit naman?

LYKA
(malulungkot)
Si Mama kasi, palala nang palala yung sakit sa bato niya. Nahihirapan din siyang makatulog, walang ganang kumain, tapos nung isang araw nagpacheck-up, pakiramdam niya tumaas ang presyon niya. Ang sakit, bes, makita na ganun yung Mama mo.

MADEL
(malulungkot sa nalaman)
Uhhh… grabe naman be, malalagpasan niyo rin yan. Magpray ka lang ha. Kaya natin ‘to!

LYKA
(may maaalala)
Tapos ‘tong si Papa, lagi nalang pinapaboran si ate. Ewan ko ba kung ano ang nagawa kong kasalan sa kanya na kahit anong galing ko kay ate, kay ate lang siya proud. Lalo na kay Daniel, parang silang dalawa lang ang anak ni papa!

MADEL
(magtataka)
Ba’t naman ganun? E’ kumusta naman si Hazzel?

LYKA
(matutuwa)
Ayun! Siya lang kakampi ko sa bahay. Kami lang ang nagkakasundo. Kahit ganun pakikitungo nila sa’kin, nagsisikap pa rin akong mag-aral. Nagbabakasakaling isang araw, maging proud sila sa’kin.
(Biglang tutunog ang cellphone ni LYKA, kukunin niya ito sa bulsa at sasagutin)
/…/
(nabigla sa narinig sa kabilang linya)
Ha?! Sige papunta na ako!

MADEL
(kapwa nabigla sa reaksyon ng kaibigan)
Bes, bakit? Anong nangyari?!

LYKA
(balisa)
Si Mama sinugod sa hospital.

(lalabas sa eksena sina LYKA at MADEL)

IKAANIM NA EKSENA
(Sa hospital, dadating si IZA para damayan ang kaibigan na si ANNE)

ANNE
(maiiyak)
Salamat, Iza!

IZA
(mag-aalala)
Anong nangyari kay tita? Si tito, nasaan?

ANNE
(pillit na papakalmahin ang sarili)
Nasa loob si Papa. Nagcollapse si Mama, naging anemic. Ang baba ng RBC count, damaged na raw left kidney.

IZA
(hahagkan si ANNE)
Magiging matatag ka, Anne. Kapit ka lang, gagaling din si Tita.
(magtataka)
Nasaan pala mga kapatid mo?

ANNE
(titingin sa paligid)
Tinawagan ko na si Lyka, papunta na raw siya. Sina Hazzel at Daniel, nasa school. Huwag ko na raw abalahin sabi ni Papa.

(Lalabas si RONALD mula sa kwarto at babatiin ni IZA)

IZA
(kay RONALD)
Hello po, tito!

(biglang dadating si LYKA; tatayo si ANNE mula sa pagkakaupo para salubungin ang kapatid subalit lalagpasan lang ito ni LYKA. Sasamahan ni RONALD si LYKA sa loob para bisitahin ang ina.)
(Uupo muli si ANNE sa tabi ni IZA, mag-iintay; lalabas muli si RONALD)

RONALD
(may dalang susi)
Sunduin ko lang sina Daniel, paawas na sila.

(Tatango lang si ANNE at IZA; lalabas sa eksena si RONALD)

IZA
Magkaaway na naman ba kayo ng kapatid mo?

ANNE
Napagsabihan ko na naman nung isang gabi.

IZA
Hayaan mo nalang kasi. Pakiramdam ko kasi nahihirapan siya na sundan yung mga yapak mo. To the point na nagiging insecure siya sayo at ikaw sa kanya.

ANNE
Gusto ko lang naman kung ano ang makakabuti sa kanya, pero ‘di niya ako maintindihan.

IZA
Magtiwala ka nalang na alam niya ang makakabuti sa kanya. Matalino si Lyka, tulad mo. Huwag ka nang masyadong mag-alala.

IKAPITONG EKSENA
(Magtatalo sina HAZZEL at WALTER) 

HAZZEL
(sisigawan si WALTER)
Don’t you ever turn your back on me!

WALTER
(haharap kay HAZZEL)
Anong karapatan mong sabihin yan? Ilang beses mo akong tinalikuran, may narinig ka ba sa’kin? (BEAT) ‘di ba wala? Pagod na ako, Hazzel. I’m sorry.

HAZZEL
(maiinis)
I’m sorry? Huh? No! I’m sorry! (BEAT) I’m sorry you had to deal with someone like me, someone with a fucked up family. I’m sorry if I demand more than what you can give. I’m sorry that I have ever loved you!

WALTER
(magagalit)
What?! Come on! What are you trying to say huh? I did what I could to be there for you; but no matter what I do, it is never enough for you, Hazzel.
(Hindi iimik si HAZZEL)
I’m sorry, but when is enough enough for you? 

HAZZEL
(susubukang magsalita)
Walter…

WALTER
I’m sorry, but I got tired loving you. Let me end it here now.  

(lalabas sa eksena si WALTER)
(Maiiwan si HAZZEL, biglang dadating si DANIEL; yayakapin ni HAZZEL ang kapatid)

DANIEL
(mag-aalala)
Oh ate, anong nangyari?

HAZZEL
(magpupunas ng luha, haharap kay DANIEL)
Walter broke up with me.

DANIEL
(magagalit)
Huh?! Gago yun ah! Nasaan siya?!

HAZZEL
(pipigilan si DANIEL)
‘Wag na! Uwi nalang tayo.

(Lalabas sa eksena sina HAZZEL at DANIEL)

IKAWALONG EKSENA

(Magkakakitaan sina ELENA at JAKE)

JAKE
Elena?

ELENA
Jake?

JAKE
Sinong kasama mo?

ELENA
Ah, wala. Ako lang mag-isa, may bibilhin lang.

JAKE
(matutuwa pero mag-aalala)
Ha? Ba’t wala kang kasama? Si pareng Ronald?

ELENA
(magtataka)
Kayo ko pa naman, ano ba. Si Ronald? (BEAT) Hindi ba kayong dalawa ang magkasama?

JAKE
(kapwa magtataka)
Hindi. Walang trabaho ngayon. Kasama ko misis ko mamalengke ngayon.

ELENA
(mag-iisip)
Ah ganun ba. (BEAT) Siya sige, tuloy na ako. Pakamusta kay kumare ha.

JAKE
Sige sige, sigurado na kaya mo?
(tatango si Elena)
Pagaling ka, Elena. Mag-iingat ka.

ELENA
(magbibigay ng matipid na ngiti)
Paalam Jake. Salamat.

(lalabas sina ELENA at JAKE sa eksena, magkabilaan na labasan)

IKASIYAM NA EKSENA
(Sa isang mall, makikita ni ANNE na may kasamang ibang babae, BETH, ang kanyang ama)
IZA
(magtataka)
Anne, hindi ba papa mo yun? Tingnan mo dali.

ANNE
(titingin sa paligid – hindi makakapagsalita sa nakita - mapapatulala)

IZA
(mag-aalala)
Anne, ano. Tuloy pa ba tayo?

ANNE
(matatauhan)
Ah, ano. Hindi. Punta muna tayo sa boutique. Tara.

(Lalabas sa eksena si ANNE at IZA)

(Makakalabas sa entablado sina ANNE bago makita ni RONALD; lalabas din sa eksena sina RONALD at BETH matapos ng ilang sandal.)
(Papasok muli sa eksena sina ANNE at IZA – dala ang mga pinamili)

IZA
(mag-aalala)
Uy, Anne – okay ka lang ba?

ANNE
(magsisinungaling)
Ah oo. Wala yun. May nakalimutan ba tayong bilhin pa?

IZA
(titingnan ang mga supot)
Mukang wala na naman.

ANNE
Good. Salamat Iza, tara na.

(lalabas sa eksena sina ANNE at IZA)

IKASAMPUNG EKSENA
(Sa tahanan ng pamilya Reyes – naggagawa si LYKA ng reviewer, kakauwi lang ni ANNE)


ANNE
(Kay LYKA)
Nasaan si Mama?
(Hindi sasagot si LYKA)
Lyka, nasaan si Mama?

LYKA
(pabalang na sasagot nang hindi titingin)
Ayaw mong gamitin yang mata mo?

ANNE
(maiinis)
Ikaw ang nandito sa bahay diba? Tinatanong kita kung nasaan si Mama.

LYKA
(titigil sa pagsusulat, titingnan si ANNE)
Eh ano ngayon? Pwede mo namang hanapin siguro diba.

ANNE
Ba’t ba ayaw mo nalang sagutin yung tanong ko kung nasaan si Mama?
(Babalik sa pagsusulat si LYKA at hindi muli sasagot)
Ano bang problema mo sa’kin?!
(lalapitan si LYKA sa ‘di pagsagot  - hahawakan ang balikat)
Kinakausap kita! Sumagot ka!

LYKA
(tataas ang boses)
Bitawan mo ako!
(ililigpit ang mga notes)

ANNE
(magtataka)
Ba’t ba ganyan ka sa’kin? Ano bang nagawa ko? May nagawa ba akong mali?
(patuloy na mag-aayos ng gamit si LYKA)
Lyka…

LYKA
(‘di na makapagpipigil)
Wala! Wala kang nagawang mali, ate! Wala kang ginawang mali. Palagi ka nalang tama.
(ilalagay ang huling gamit sa bag at dadamputin ito)

ANNE
(maguguluhan)
Huh? Hindi ko maintindihan. Anong mali…? Lyka, anong problema?

LYKA
(maiinis, ibabato ang bag kay ANNE)
Hindi mo talaga maiintinidhan, ate!
(matutumba si ANNE sa pagkakabato ng bag ni LYKA – sabay dadating ang ama nila, si RONALD)

RONALD
(sisitahin si LYKA, tutulungang makabangon si ANNE)
Lyka!
(akmang lalabas ng eksena si LYKA subalit pipigilan siya ng ama)
Huwag kang aalis!

ANNE
(tatayo)
Ayos lang ako, Pa. Okay lang ako.

RONALD
Hindi. (Kay LYKA) Ba’t mo binato ang ate mo?

LYKA
Siya ang nauna, Pa –

RONALD
Kahit pa!

LYKA
(mabibigla)
Oh sige! (BEAT) Ako na ‘tong may mali. Ako na naman ‘tong masama. Ako naman palagi ang may kasalanan diba. Never naging si Ate!
(papasok sa eksena sina HAZZEL at DANIEL – mapapatigil sa sitwasyon)
Akala mo ‘di ko napapasin, Pa? Kung gaano mo paboran si ate kaysa sa’kin?

RONALD
(magtataka)
Ano yang sinasabi mo?

HAZZEL
(sasabat)
Ate…
(lalapit si HAZZEL kay LYKA at yayakap – iiyak)

ANNE
(lalapit kina LYKA at HAZZEL – iiwas si LYKA)
Anong nangyari, Hazzel? Bakit ka naiyak?

HAZZEL
(hindi sasagot)

DANIEL
(sasabat)
Nakipagbreak sa kanya yung boyfriend niya.

ANNE
(magagalit kay HAZZEL)
Ha? ‘Yan na yung sinasabi ko eh! Pinagsabihan na kita diba dati?  

LYKA
(yakap-yakap si HAZZEL)
Ba’t ka ba nagagalit? 

ANNE
Alangan namang matuwa ako? Nasaktan yung kapatid natin diba!
(tatalikod sa inis)

LYKA
Palibhasa hindi mo naranasan magkanobyo!

ANNE
(haharap muli)
Hindi mo alam ang sinasabi mo!

LYKA
(aalis sa pagkakayakap ni HAZZEL)
Bakit? Totoo naman diba! Panay pag-aaral ka. Ikaw ‘tong perpekto, palaging nasunod kina Mama at Papa kaya ikaw ‘tong palaging napapansin. Wala kang ginawang mali para sa kanila –

DANIEL
(sasabat)
Ate, ano ba! Tama na, nakakasakit na yang mga sinasabi mo ha.

LYKA
(kay DANIEL)
Ayan! Ipagtanggol mo. Kayong dalawa lang naman ni Ate ang magaling kay Papa –
(kay RONALD) diba Pa? Kami ni Hazzel ang palaging hindi kasama sa eksena.

(Agad na lalapit si RONALD at aakmang sasampalin si LYKA; haharang si DANIEL para pumagitan)

DANIEL
Pa, ‘wag!

HAZZEL
(biglang sisigaw)
Nakabuntis yang si Daniel!

(Ang sampal ay naging suntok kay DANIEL na nagpatumba sa kanya; agad na inawat nina ANNE, LYKA, at HAZZEL ang amang si RONALD na magtatangka pang suntukin muli si DANIEL.)

DANIEL
(aatras)
Pa…

RONALD
(mapupuno ng galit)
Totoo ba?!
(Patuloy na pipigilan ng magkakapatid ang ama na makalapit kay DANIEL)

DANIEL
(maiiyak)
Pa…Sorry Pa.

(Pilit na papakalmahin ni RONALD ang sarili, papaupuin ni HAZZEL ang ama, kukuha ng isang basong tubig si LYKA, tutulungang makabangon ni ANNE si DANIEL – makakaupo ang lahat)
(Papasok sa eksena si ELENA)

ELENA
(magtataka)
Anong nangyayari?
(Lahat ay pawang nakayuko, balisa, hindi makaimik)
Anong nangyayari!
(dadampot ng pigurin sa lamesa at ibabato)
Hindi niyo ba ako sasagutin!?
(mabibigla ang lahat)

ANNE-LYKA/RONALD
(overlapping – lalapit sa ina)
Ma! /Elena.

RONALD
Nakabuntis si Daniel. Nakipaghiwalay ang nobyo ni Hazzel.

 (hindi mawawari ni ELENA ang mararamdaman – bahagyang sisikip ang dibdib)

ANNE
(uutusan si LYKA)
Lyka, ikuha mo ng maiinom si Mama.
(tatayo si LYKA upang kumuha)

LYKA
(iaabot sa ina, ELENA at uupo – magiging balisa)
Ma… Pa… may…may bagsak ako.

RONALD
(madidismaya)
Ano ba naman Lyka!

ANNE
(magtataka)
Paano naman nangyari ‘yun? Ilan ang bagsak mo huh?

LYKA
(magdadalawang-isip)
Dalwa…Ano kasi…nahirapan talaga ako. Lalo na nung nalaman natin na nagkasakit si Mama, hindi ko alam kung anong nangyari sa acads ko. (kay ELENA) Sorry Ma, babawi talaga ako next sem.

ANNE
(iinit ang ulo)
Dapat lang! Dagdag matrikula na naman yung uulitin mong units – alam mo naman na hindi tayo nakakaluwag sa pera ngayon diba? Magpapadialysis si Mama, yung graduation fee pa ni Hazzel –

LYKA
(maiinis din - mapapatayo)
Ba’t ka ba ganyan, Ate?! Hindi ko ba alam ha? (BEAT) Sorry ha! Hindi ako tulad mo. Hindi ako kasing talino mo! Hindi ako kasing galing mo!

ANNE
(magagalit – tatayo rin)
Aba! Ikaw pa ‘tong galit? Ikaw na nga ‘tong bumagsak, ako pa yata ang sinisisi mo. Sabihin mo nga sa’kin ang totoo, Lyka! Ano ba ng problema mo sa’kin?

LYKA
(tataas ang boses)
Gusto mo malaman ang totoo, ate? Ha? Galit na galit ako kasi kahit anong galing ko, mas magaling ka pa rin. Nasasaktan ako kasi kahit anong gawin kong tama, hindi pa rin ako maacknowledge nina Mama at Papa. Alam mo ba, inggit na inggit ako. Sa tuwing kailangan mo ng pera, bigay agad ni Papa. Kapag ako ang may kailangan, pakiramdam ko walang nagtitiwala sa’kin sa pamilyang ‘to.

RONALD
(pipigilan)
Lyka…

HAZZEL
(sasabat)
Hindi Pa, totoo naman eh. Si Ate Anne at Daniel palagi ang bida.


ANNE
(Kay HAZZEL) Huwag kang makisali dito Hazzel!

HAZZEL
(tataas ang boses)
Oh diba! Ayaw niyo akong pagsalitain. Tama ako diba? Wala akong boses sa pamilyang to!
(magwa-walkout si HAZZEL; lalabas sa eksena)

ELENA
(sisigaw)
Oh sige, mag-away kayo! Mag-away kayo sa harap ko!
(Biglang maninikip ang dibdib ni ELENA, mawawalan ng malay, mag-aalala ang mag-anak.)

RONALD
(magmamadali)
(Kay Daniel) Daniel, kunin mo ang susi ng sasakyan bilis!
(Kay Lyka) Lyka, kunin mo mga gamit ng Mama mo!
(Kay Anne) Anne, tulungan mo akong buhatin ang mama mo.  
(Agad na tatalima sina DANIEL, LYKA, at ANNE; bubuhatin ni RONALD si ELENA; lahat ay lalabas sa eksena)

(sfx – Batang Bata Ka Pa by APO Hiking Society; audio lamang)

DANIEL
(mag-aalala)
Pa! Hindi ko makita si Ate Hazzel.

RONALD
Maiwan ka dito sa bahay, hanapin mo ang ate. Baka naglayas iyon. Balitaan mo kami, saka ka sumunod sa hospital.

DANIEL
Sige po Pa! Mag-iingat kayo!

IKALABING-ISANG EKSENA
(May bitbit na isang maleta at bag si HAZZEL, makikituloy sa tiya GILLIAN niya)


CEDRICK
(tatawag)
Gillian, nandito ang pamangkin mo!

GILLIAN
(offstage)
Sino?

CEDRICK
Si Hazzel. Dalian mo mukang naglayas sa kanila!
(papasok sa eksena si GILLIAN, lalapitan agad si HAZZEL)

GILLIAN
(magtataka)
Oh Hazzel, anong ginagawa mo dito? Anong nangyari?

HAZZEL
(malulungkot)
Ah tita, pwedeng dito muna ako matulog…magulo lang po sa bahay.

GILLIAN
Ah nako ha, sige. (kay Cedrick) Cedrick! Pakuha naman nitong mga bag.
(Kukunin ni Cedrick ang mga bag at lalabas sa eksena; papaupuin ni GILLIAN si HAZZEL – biglang tutunog ang cellphone ni GILLIAN; babasahin ang text message)
/…/
(May pag-aalala) Nako, Hazzel, sinugod daw sa hospital ang Mama mo.
(tatawagan) Cedrick, pakihanda ang kotse!

(lalabas sa eksena sina GILLIAN at HAZZEL)

IKALABINDALAWANG EKSENA
(Sa hospital, magkakayakap ang mag-anak: RONALD, ANNE, LYKA, DANIEL – biglang dadating si HAZZEL)


HAZZEL
(malulungkot)
Pa...?

DANIEL
(mangiyak-ngiyak)
Ooperahan si Mama, ate. Tatanggalin na yung kaliwang bato niya bago lalong lumala.
(Mapapayakap din si HAZZEL sa kanyang pamilya)
/…/

AUDIO
Paging Mr. Reyes. Please proceed to the emergency room. Mr. Reyes, please proceed to the emergency room.

(lalabas sa eksena si RONALD at maiiwan sa entablado ang magkakapatid: ANNE, LYKA, HAZZEL, DANIEL)

ANNE
(maglalakas-loob)
Lyka, Hazzel…gusto ko sanang humingi ng tawad. I’m sorry kung ganoon na pala ang nararamdaman niyo. Hindi ko alam. I’m very sorry.

LYKA
Hindi, ate. I’m sorry. Ako dapat ang humingi ng tawad sa’yo. Hindi mo deserve na masabihan ng mga bagay na sinabi ko. I’m sorry kung nasaktan kita.

HAZZEL
Ako din, ate. I’m sorry. Alam ko naman na masyado na akong spoiled – selfish na rin kasi sarili ko lang iniisip ko madalas. I’m very sorry. (Kay Daniel) Daniel, I’m sorry, sana mapatawad mo ako.

DANIEL
Wala ‘yun ate. Dapat pa nga ako magpasalamat kasi nasabi mo, hindi ko kasi alam kung saan kukuha ng lakas ng loob para sabihin kina Mama at Papa. Ako ang dapat humingi ng tawad sa inyong lahat. I’m sorry sa nagawa ko mga Ate!
(maiiyak)

ANNE
Ano ba… tanggap ka pa rin namin. Halika nga!
(Lalapit si DANIEL kay ANNE, aabutin ni ANNE sina HAZZEL at LYKA para mahagkan.)
/…/

LYKA
Ate, ipagdasal natin si Mama at Papa sa prayer room.

(Lalabas ang magkakapatid sa eksena.)

IKALABINTATLONG EKSENA
(Maiiwan sa Prayer room si ANNE, dadating si RONALD)


RONALD
(hahanap ng magandang tyempo)
Anak.

ANNE
Bakit pa?

RONALD
May kasalanan ako.

ANNE
(mapapaisip)
Alam ko, Pa. Pinagdasal ka rin namin.

RONALD
(mabibigla)
Ha? Paano mo nalaman anak?

ANNE
Nakita kita sa mall, Pa. Kasama mo yung katrabaho mo. Nang sasabihin ko sana kay Mama, nalaman ko na may alam na rin pala si Mama. Umiyak siya sa’kin; umiyak ako sa kanya. Pero alam mo ang sabi niya sa’kin, napatawad ka na niya at turuan ko raw ang sarili ko na patawarin ka – na naiintindihan niya raw kasi (maiiyak) kasi baka ‘di rin magtaggal ang buhay ni Mama.

RONALD
(maiiyak)
Sorry, ‘nak. Sorry talaga. Hindi ko kayang mawala ang Mama mo. Sana mapatawad niyo ako.

ANNE
Napatawad na kita, Pa. Ipagdasal na natin si Mama.

RONALD
(magagalak)
Salamat anak.

EPILOGO
(sfx – Tuloy pa rin by Neocolors)
Sa tahanan ng pamilya Reyes – maghahanda ng pagkain sina ANNE, LYKA, at HAZZEL. Dadating si RONALD na may bitbit na mga bag, dadating si ELENA na inaalalayan ni DANIEL na kakagaling lang sa hospital. Magsasalo sa pagkain ang pamilya REYES.

`WAKAS~

Comments

Popular posts from this blog

Pagkain ng Pinoy Pagyamanin, Malnutrisyon Ating Sugpuin, Kalamidad Sama-samang Harapin

Pabula: Ang Dalawang Magkaibigang Daga

The Historical Origin and Cultural Implications of Bañamos Festival of Los Baños, Laguna

Pagpapayaman sa Kultura at Wikang Filipino

Analysis: Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa

Pagsulat sa Filipino - Lakbay-Sanaysay

Direk!

Pagsulat sa Filipino - Repleksibong Sanaysay

Bar Boys (2017): A Movie Review

FILM ANALYSIS: The Founder (2016)