Pagsulat sa Filipino - Repleksibong Sanaysay
Nasagot ko na noon ang tanong na: Ano ang pinakamahalagang pangyayari sa iyong buhay? Nasagot ko na rin kung ano ang pinakamahirap na naranasan ko. Sa pagdaan ng panahon, sa paglipas ng mga taon, at sa pagdating ng kasalukuyan, hindi pa rin nababago ang aking sagot.
Image by Quang Nguyen vinh from Pixabay |
Ang pagiging bahagi nila sa buhay ko ay naging pinakamahalaga dahil nabago at binago nila ako. Gustuhin ko man o hindi, nagkaroon ng pagbabago ang aking buhay. Subalit nang lumipas ang taon o dalawa, sa hindi inaasahang pagkakataon, pinili ko silang iwanan. Hindi naging madali, ako’y nabagabag, nag-isip, at nahirapan. Bakit ko sila kailangang iwanan? Ang malaking pagkakaiba sa aming mga personalidad ang isa sa mga rason kung bakit ko piniling lumayo. Iyon ang pinakamahirap na pangyayari sa buhay ko. Sa totoo lang, hindi ko nais na iwan ang mga matalik kong kaibigan subalit nakaramdam ako ng pangangailangan na lumihis ng landas. Dito ko nalaman na may lakas ako ng loob upang magdesisyon para sa aking sarili. Sino ang makapagsasabi? Kaya ko pala!
Ang epekto ng aking paglisan ay hindi ko rin inaasahan. Sadyang hindi nauubusan ang buhay ng mga pagsubok. Nakaramdaman ako ng matinding lungkot hanggang sa ako ay nalumbay. Napagtanto ko na may kulang, na hindi ako buo kapag wala sila. Naging pagsubok ang pinili kong desisyon. Oo, mayroon akong pagsisisi pero nagpapasalamat ako dahil nalagpasan ko ang isang yugto ng aking buhay.
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larangan, August 2017
Comments
Post a Comment