MAIKLING KWENTO: Dugo at Tubig

“Walang kikilos! Raid ‘to!” 
sigaw ng pulis pagkapasok ng silid, subalit napahinto ito sa nakita. Binaba niya nang bahagya ang kanyang nakatutok na baril upang lalong matunghayan ang isa sa mga lalaking nakaupo. Nanigas ang pulis sa kanyang posisyon hanggang sa tinapik siya ng kanyang kasamahan. Hudyat ito ng pag-aresto sa mga nahuli sa aktong gumagamit ng droga. Lumapit si Indigo sa lalaki at kanyang pinosasan ang mga kamay, ganon din ang ginawa ng ibang pulis sa ibang nahuli na pawang walang bahid ng anuman kadungisan.


Humanay ang limang naaresto at pinahakbang palabas ng bahay nang biglang nanlaban at nang-agaw ng baril ang isa sa kanila. Nagdulot ito ng kaguluhan sa operasyon. Nasawi ang pulis na nakuhanan ng baril; agad din namang nabaril ang lalaking nang-agaw. Sa kasamaang palad, nagawang makatakas ang dalawa sa mga suspek. Agad na hinabol ng mga pulis ang mga nakatakas at isa rito ay ang lalaking pinosasan ni Indigo. Para sa kanya, responsable siya sa pagkawala ng kanyang dinakip.

Madilim ang bahayan – siguro nagsipatayan sila ng ilaw nang makarining ng putok ng baril. Naghiwa-hiwalay ang mga pulis na tumutugis sa mga nakatakas. Tinahak ni Indigo ang isang bakuran at dito niya natunton ang lalaki.

“Christian!” pigil ng pulis.


“Indigo!” usal ng lalaki. Tinutok ni Indigo ang kanyang baril at nagsenyas na lumuhod.

“Kailan pa? Ano ‘to! Bakit mo ‘to nagawa?" Tila maraming tanong ang nais masagot ng may hawak ng baril subalit walang imik ang taong tinututukan nito. “Anong gagawin ko ngayon, huh?!” balisa na tanong ng pulis sa lalaki.

Tumingin ang lalaking nakaluhod at nangusap ang mata, “Patawad, huwag mo akong isuplong sa mga pulis. Hindi na ako gagamit. Hindi na ito mauulit.”

Natigilan ang pulis. Hindi tiyak kung ano ang tamang gawin. Hindi tiyak kung ano ang dapat na gawin. Hindi tiyak kung ano ang kailangan niyang gawin.

Biglang may tumunog na aparato sa kanyang bewang.

“Anong balita dyan, officer? Do you copy?” wika ng boses sa kabilang linya.

Kinuha ni Indigo ang radyo mula sa kanyang sinturon. Tiningnan niya ang lalaking nasa harapan bago niya nilapit ang hawak na aparato sa kanyang bibig at saka pinindot.

“Negative, officer. Over,” sagot niya sa kabilang linya.

“Halughugin ang natitirang bahayan.”

“Roger,” ani ni Indigo at binalik ang radyo sa kanyang bewang.

Nabunutan ng tinik ang nakananikluhod na lalaki. Binato ni Indigo ang susi at agad pinulot ni Christian para tanggalin ang posas sa sarili. “Salamat,” ani nito.

Tinabi ng pulis ang baril sa kuluban. Humakbang ito, nakailang ikot sa pwesto, nababagabag, hindi alam ang gagawin.

“Anong gagawin ko sayo ngayon ha?!” nababahalang tanong niya.

Kinuha muli ni Indigo ang baril at tinapat sa lalaki – sa sarili. Siya ay naguguluhan sa nangyayari.

“Huwag mo akong barilin, pakiusap. Hindi ka mapapatawad ng Diyos,” wika ni Christian.

Nagpanting ang tainga ni Indigo, “At sa tingin mo mapapatawad ka niya!?”

“Hihingi ako ng kapatawaran sapagkat ako’y nagkasala. Ikaw, kahit humingi ka pa ng kapatawaran, dala-dala mo habambuhay ang dugo sa kamay mo sa pagpaslang sa’kin.”

Naging agresibo ang pulis at sinuntok ang lalaki na naging dahilan na pagkatumba nito. Tumigil ang pulis at pilit na pinapakalma ang sarili.

“Isa kang pastor, Christian. Bakit mo ito nagawa?” desperadong tanong ni Indigo.

“Hindi ako Diyos…tao lang ako…nagkakasala…hindi ako perpekto…” paputol na putol na sagot ng lalaki habang inaayos ang sarili mula sa pagkakatumba.

“Hipokrito! Isa kang hipokrito! Nangangaral ka ng salita ng Diyos subalit taliwas ang pagkatao mo. Isa kang huwad! Isa kang kriminal!” bulalas ni Indigo.

“Hindi krimen ang droga…” wika ng pastor nang hindi nag-iisip. Mukhang nagsisimulang umepekto sa dugo ni Christian ang pinagbabawal na gamot.

Tinutukan ni Indigo ng baril ang lalaki sa ulo. “Wala kang awa sa pamilya mo, Christian! Hindi mo naisip kung paano lalaki ng walang ama ang mga anak mo! Hindi mo man lang naisip ang magiging tingin ng tao sa simbahan kapag nalaman na ang isang tulad mo ay sangkot sa droga! Hindi lang buhay mo ang sinisira mo dito – buhay rin ng asawa mo, ng mga anak mo, pati buhay ko ang sisirain mo! Paano mo ito nagawa…” hindi napigilan ng pulis na maging emosyonal.

Binaba niya ang baril at tinalikuran ang lalaki.

“Patayin mo nalang ako,” bulong ni Christian.

Humarap ulit si Indigo at tinangkang suntukin muli ang pastor subalit hindi niya tinuloy.

“Ano ang nangyari sa’yo?” tanong ng pulis na may halong awa at pagtataka habang pilit na pinapakalma ang sarili

Walang imik ang lalaki. Nakayuko pa rin ito at tuliro. Maya-maya pa, ito ay humalhalhal.

Lumuhod si Christian at nagsalita sa hangin, “Patawad Panginoon bagkus ako ay nagkasala! Patawarin mo rin nawa ang pulis na ito sa mga kanyang kasalanan na nagawa!”

Napahinto si Indigo sa paghakbang nang pabalik-balik. Tinabi niya muli ang hawak na baril sa baywang at dinampot ang lalaki mula sa pagkakaluhod nito sabay kinuwelyuhan.

“Ikaw ang naglagay sa’kin sa ganitong sitwasyon! Ginagawa ko lang ang aking trabaho. Hindi ko akalain na may baho kang tinatago. Hindi ko masikmura na yung taong pilit na pinapangaralan ako ng mga salita ng Diyos ay ang taong magiging dahilan kung bakit hindi dapat ako maniwala sa Diyos. Hindi totoo ang Diyos mo, Christian! Walang saysay ang salita niya. Tingnan mo ang kinahinatnan mo ngayon!” puno ng emosyon na banggit ni Indigo.

“Mahina ang pananampalataya mo, Indigo! Wala kang Diyos kaya ka mahina! Ni hindi mo nga magawa ang trabaho mo. Bakit hindi mo ako isinuplong? Bakit hindi mo ako binaril agad nang makita mo ako rito?” kontra ng lalaki sa pulis.

Agad na kinuha ni Indigo ang baril at kinasa ito, sabay tuon sa dibdib ni Christian. Tila sinusubukan ng lalaki na galitin ang pulis gamit ang mga mapaglarong salita.

“Mas mabuti nang walang diyos kaysa maging tulad mo! Nakiusap ka sa’kin at doon ako nasira. Doon ako nagkamali. Doon ako nagsisisi! Mali ‘to. Hindi ko dapat hinayaan ang emosyon ko….” Sabay baba ng kalabitan ng baril ni Indigo.

“Ayoko pang mamatay… Takot akong mamamatay. Pakiusap Indigo,” tila nagbago muli ang persona ni Christian. Naging emosyonal siya sa halip na matakot sa pagbaba ng kalabitan ng baril ng Pulis. Mukhang namiminsala na ang droga sa katauhan ng pastor.

“Hindi ka takot mamatay, Christian.” Pagtatama ni Indigo sa winika ng lalaki. “Hindi mo sana nilabag ang batas, hindi ka sana sumuway sa mga aral ng simbahan. Hindi ka takot mamamatay, Christian – takot kang mabuhay!” paglilinaw ng pulis na pilit na dinidikdik ang baril sa dibdib ng pastor. 
Tungkulin ko ang maglingkod sa tao; tungkulin mong ikalat ang salita ng Diyos. Tungkulin kong bawasan ang masasama; tungkulin mong gawing mabuti ang masama. Para sayo, walang saysay ang buhay kapag hindi kasama ang Diyos. Mali ka, Christian! Mali ka…dahil tingnan mo ang buhay mo – may saysay ba!?
Biglang inagaw ni Christian ang baril na naging sanhi ng pagputok nito sa ere. Nanginginig na hawak ng lalaki ang baril at pilit itong tinutok sa pulis.

“Sige, barilin mo ako. Patunayan mo na tama ako. Patunayan mo na walang saysay ang Diyos mo! Sige! Ikasa mo yan,” ani ni Indigo na nawalan ng armas. “Hindi ako takot mamatay, Christian. Handa akong magbuwis ng buhay magampanan lang ang aking layunin. Hindi tulad mo!” bulalas ng pulis nang may pagkasuklam. “Ikaw na may Diyos, takot mamatay. Ako ‘tong wala – na handang mag-alay. Sino sa’tin ang may saysay ang buhay?”

“Tumahimik ka Indi…”

Agad na sinalakay ni Indigo si Christian na nagpatumba sa kanilang dalawa. Pumutok muli ang baril nang hindi sinasadya. Sinubukang kunin ng pulis ang baril mula sa lalaki. Nagpakawala ng mga suntok si Indigo na pilit sinasalag ni Christian – nabitawan tuloy ang baril at agad itong binato palayo ni Indigo mula sa kanila upang hindi na makuha muli ng pastor. Pumaibabaw si Christian at nagpakawala ng ilang suntok. Nagkaroon siya ng pagkakataaon na makatayo nang biglang may nagpaputok ng baril mula sa paligid na nagpahinto sa kanya.

Ginapang ni Indigo ang bakuran upang makuha ang baril. Tumunog ang radyo niya sa baywang – alam niyang narinig ng kanyang mga kasamahang pulis ang dalawang putok ng baril at hudyat ito ng kanilang pagkakatunton.

Nahawakan na muli ng pulis ang kanyang baril subalit sa kanyang pagtayo ay ang pagtakbo palayo ni Christian sa mga nagsisidatingan na pulis.

“Sandali!” sigaw ni Indigo.

Subalit hindi natinag ang mga bagong dating na pulis sa pagpapaulan ng bala sa nagtatangkang tumakas na suspek
Kuyaaaaa!!!
Ito ang tanging narinig bago humandusay ang katawan ng pinagbabaril.

Sa halip na sa direksyon ni Christian niya itutok ang baril, tinuon ni Indigo ito sa mga pulis na kumitil sa buhay ng kanyang kapatid.

---
Enero 24, 2018



Malikhaing Pagsulat

Comments

Popular posts from this blog

The Historical Origin and Cultural Implications of Bañamos Festival of Los Baños, Laguna

Breaking the Gold: The Golden Years of Philippine Cinema

Pabula: Ang Dalawang Magkaibigang Daga

Pagkain ng Pinoy Pagyamanin, Malnutrisyon Ating Sugpuin, Kalamidad Sama-samang Harapin

Emerging Filipino Indie Genre in the Philippine National Cinema

Pagsulat sa Filipino - Lakbay-Sanaysay

Analysis: Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa

Pagpapayaman sa Kultura at Wikang Filipino

Pagsulat sa Filipino - Repleksibong Sanaysay

FILM ANALYSIS: The Founder (2016)