Kalamidad Paghandaan; Gutom at Malnutrisyon Agapan

Kalamidad paghandaan: Gutom at Malnutrisyon Agapan, paksang tinatalakay ngayon, isyung kinakaharap ng bayan, at problemang hindi pa rin masolusyunan. Isang magandang adhikain ito para sa bansa natin. Isang mabuting misyon ito para sa ating kababayan at isang magandang tungkulin para sa ating mamamayan. Alam natin na ang lokasyon ng ating bansa ay madalas daanan ng mga bagyo, at ito ay isa sa mga matitinding kalamidad na kinakaharap natin taon-taon. Sa kabilang dako, ang gutom at malnutrisyon ay sanhi ng kahirapan at ang kahirapan ay laganap sa iba’t ibang lipunan ng bansa. Marapat lang nating paghandaan ang mga kalamidad at maagapan ang gutom at malnutrisyon.

Ang pag-iwas ay mas mabuti kaysa paglutas. Masasabi natin na ang pag-iwas sa mga sakuna ay mas mabuti sa paglutas ng mga problema, subalit hindi natin maiiwasan ang kalamidad. Hindi natin mababago ang klima at panahon dito sa ating bansa. Hindi natin hawak ang kalamidad at delubyo na maaaring mangyari. Hindi rin natin kayang pigilan ang mga ito subalit mayroon pa tayong magagawa – ang paghandaan ang mga ito. Ang pagiging handa ay pagiging maingat. Ang pagiging maingat ay makababawas, kung hindi man ikawawala, ng mga posibleng sakuna. Marapating kalamidad paghandaan upang sakuna ay mabawasan.

Mapahanggang sa ngayon, malaking problema pa rin ng ating bansa ang kagutuman at malnutrisyon lalo na ng mga kabataan. Ang kahirapan ay nagsansanhi ng kagutuman; ang kagutuman ay ang nagbubunga ng malnutrisyon. Ang malnutrisyon ay ang kakulangan sa tama at sapat na pagkain. Bakit nga ba napakaraming Pilipino ang nagugutom? Sadya bang laganap pa rin ang kahirapan? Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nalulutas? Sinubukan na ba ng ating pamahalaan na solusyunan ito? May nakita ba tayong pagbabago? Siguro may mga naging hakbang ang ating pamahalaan sa isyung ito subalit batay sa aking nakikita, hindi ito sapat. Ang mga programa tulad ng feeding programs ay hindi pangmatagalan. Dapat tutukan ng awtoridad ang kabuhayan ng mga mahihirap at nangangailang. Sa madaling salita, “sa iyong pagtulong, huwag ka lamang magbigay ng isda kundi turuan mo silang mangisda.” Sa ganoong paraan, matututo silang mamuhay, matututo silang maghanapbuhay para sa kanilang mga sarili, at higit sa lahat, hindi na sila aasa sa tulong ng iba.

Maging alerto, maging maagap, maging matulungin, at maging maingat. Ito ang mga paraan upang magtagumpay ang adhikaing ito. Makisa, sumuporta, at sumunod upang misyon ay may kahitnatan. Marapating kalamidad ay paghandaan upang sakuna’y mabawasan at marapating kahirapan ay solusyonan upang gutom at malnutrisyon ay maagapan.

-TBWS
---
Sanaysay noong Nutrition Month 2014 na may temang "Kalamidad paghandaan; Gutom at Malnutrisyon Agapan"



Comments

Popular posts from this blog

Breaking the Gold: The Golden Years of Philippine Cinema

The Historical Origin and Cultural Implications of Bañamos Festival of Los Baños, Laguna

Pabula: Ang Dalawang Magkaibigang Daga

Buhay Estudyante

FILM ANALYSIS: The Founder (2016)

Tiwala

Analysis: Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa

Emerging Filipino Indie Genre in the Philippine National Cinema

Pagsulat sa Filipino - Lakbay-Sanaysay

Pagsulat sa Filipino - Repleksibong Sanaysay