Filipino sa Piling Larangan: 2017
JOY IN LEARNING SCHOOL, INC.
12052 Mayondon, Los Baños, Laguna
12052 Mayondon, Los Baños, Laguna
Isang Portfolio para sa
Sulating Akademik
Bilang pagtupad sa isa sa mga kinakailangan sa
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larangan
Ni
BALBAREZ, Ace Meelan M.
Grade 12- GAS (Unang Semester)
Ipinasa kay:
Bb. Cresandra A. Reyes
Oktubre 2017
Bionote
Sa gawaing ito, kami ay naatasan na gumawa ng isang makatotohanang Bionote na maaari naming gamitin sa papasuking trabaho. Hindi siya naging madali dahil kami ay mag-aaral pa lamang sa kasalukuyan at kinailangan namin na paunlarin ang pananaw tungkol sa hinaharap. Ito ang unang beses ko na gumawa ng isang Bionote. Isa itong maikling paglalarawan ng manunulat gamit ang ikatlong panauhan. Dito ko natuklasan ang maaari kong ilagay kung sakaling kailanganin ko na magsumite sa hinaharap at mga bagay ni hindi dapat ilagay. Bago ito sa’kin at naglaan talaga ako ng oras upang makamit ang mga katangian ng isang mahusay na Bionote. Natutunan ko na dapat maging tapat sa mga impormasyon at ilagay lamang ang mga mahahalagang bagay tulad ng personal na impormasyon (pinagmulan, edad, buhay kabataan-kasalukyan), kaligirang pang-edukasyon (paaralan, degree, at karangalan), at ambag sa larangang kinabibilangan (kontribusyon at adbokasiya).
Repleksibong Sanaysay
Hindi na bago sa akin ang gumawa ng repleksibong sanaysay. Sa pagkakataong ito, nagbigay ang aming guro ng isang katanungan na dapat naming pagnilayan: Ano ang pinakamahalagang pangyayari at pinakamahirap na naranasan mo sa buhay? Hindi na rin bago ang tanong marahil ay naitatanong ko rin yan sa aking sarili noon pa man. Tulad ng ibang repleksibong sanaysay na aking nagawa, nagbalik-tanaw ako upang suriin ang personal na realisasyon sa paksa. Sa pagsusulat ng gawaing ito, tila naramdaman ko ulit yung pakiramdam ko noong panahon na nagaganap ang mga pangyayari sa aking buhay– masakit at malungkot. Napagtanto ko na dapat akong magpasalamat sa kaganapan sa aking buhay dahil kung hindi iyon nangyari, hindi ako matututo at hindi mahuhubog ang pagkatao ko ngayon. Siguro ito ang layunin ng repleksibong sanaysay – ang lalong makilala ang sarili sa pamamagitan ng pagsusulat na makatutulong upang lumago ang kaalaman, karanasan, at saloobin ng manunulat.
Talumpati
Kami ay naatasan na magtalumpati na may temang – Pagpapayaman sa Kultura at Wikang Filipino. Sa totoo lang, ako ay nagalak nang magkaroon ako ng ideya na kami ay gagawa ng talumpati. Hindi ko napigilang matuwa dahil matagal-tagal na rin akong hindi nakakapagsulat ng talumpati at nakakapagpahayag nito. Bilang isang manunulat, sinubukan kong ipahayag ang aking kaisipan, pananaw, at saloobin tungkol sa paksa. Nagbahagi ako ng isang maikling personal na kwento kung saan may nagtanong na dayuhan tungkol sa aking bansa at kultura nito. Naging isang magandang pagkakataon ang sulatin upang mailahad ko ang kaalaman ko sa mayaman na kultura ng aking sariling bansa. Tunay na nakakagalak at dapat ipagmalaki ang sariling kultura at wika. Ang naging pagsubok muli sa akin ay ang pagpapahayag sa harap ng madla – sa pagkakataong ito ay aking mga kaklase. Gayunpaman, masaya ako sa kinalabasan ng aking performance sa araw ng aking talumpati.
Posisyong Papel
Tungkol sa Death Penalty ang dapat namin gawan ng posisyong papel. Isang seryosong paksa na dapat namin bigyan ng panig. Sang-ayon o tutol ba ako sa parusang bitay sa ating bansa? Ako ay may disposisyon na sumasang-ayon sa ganitong paraan ng pagpaparusa sa mga nagkasala. Tunay na hindi madaling patatagin ang paninindigan sa pamamagitan ng opinyon, saloobin, at pananaw lamang. Kailangan ng mahahalagang kasangkapan upang mapagyaman ang posisyon mo sa paksa tulad ng “komprehensibong pagsasalansan ng mga impormasyon, datos, at patunay; paglalatag ng mga posibilidad ukol sa panig na paninindigan; pagpapakita ng sanhi at bunga ng mga panig upang makita ang maaaring kahinatnan ng ibinibigay na posisyon; at pagtitimbang ng iba’t ibang perspektiba upang ang ipinapahayag na paninindigan ay makaimpluwensiya at katigan ng ibang mambabasa o mamamayan.” At sa tingin ko naman ay nasunod ko ang mga gabay upang magkaroon ng sapat na posisyon tungkol sa paksa, subalit sa tingin ko rin ay kaya ko pang patatagin at patibayin lalo ang mga kaisipan na aking inilahad sa posisyong papel na ito.
Lakbay Sanaysay
Ang pagsusulat ng lakbay-sanaysay ay bago rin para sa’kin. Ito ang unang beses na makapagsusulat ako ng ganitong sulatin at hindi ako nabigo. Sa lahat ng aking napuntahan, pinili ko ang field trip namin sa Baguio City. Inilahad ko sa sanaysay ang mga lugar na aming pinasyalan, mga bagay na pumukaw ng aking atensyon, at mga bagay na hindi ko malilimutan. Nagsalaysay rin ako ng aking karanasan kaugnay sa lugar na aking pinuntahan. Natuklasan ko na kasabik-sabik ang pagsusulat ng lakbay-sanaysay dahil nagbabalik-tanaw ka sa lugar na iyong binisita. Tila naglakbay ulit ako nang isinusulat ko ang sanaysay na ito.
Photo Essay
Hindi ito madali, hindi rin naman ganun kahirap. Kailangan lang paglaanan ng panahon upang makabuo ng isang makabuluhang photo essay. Sa pagkakataong ito, kami ay malaya na mamili ng aming sariling paksa na nais gawan ng isang pictorial essay. Noon ibinigay ang gawain na ito, isa lang ang pumasok sa isip ko at ito ay tungkol sa suicide. Hindi na ako nag-isip pa ng iba dahil nakaramdam ako ng pangangailangan na “dapat ko siyang magawa.” Hindi ko maipaliwanag subalit ito na talaga ang aking napili na gawan ng photo essay. Nais ko sanang lapatan ng diskurso subalit sinubukan ko ang aking sarili kung kaya ko bang ipahayag ang mensahe na nais kong ipabatid sa pamamagitan ng mga larawan lamang. Isa itong patunay na ang isang larawan ay katumbas ng sanlibong salita, o mas akmang sabihin na ang sanlibong salita ay katumbas ng isang larawan?
Abstrak
Ang huling sulating akademik na pinagawa sa amin ay ang Abstrak. Ito ay maikling lagom ng isang pananaliksik o tesis na makakatulong sa mga mambabasa upang madaling matukoy ang layunin at tuon ng pag-aaral. Kami ay naatasan na gumawa ng deskriptibong abstrak para sa aming pananaliksik. Para sa akin, mas madaling gumawa ng Abstrak sa wikang Pilipino kumpara sa pagsususlat ng Abstract sa wikang Ingles. Dahil siguro sariling wika ang gamit kaya ko ito nasabi. Sa Abstrak na aking isinulat, nailalahad ang tuon ng pananaliksik kung saan nakasaad ang suliranin, sakop, at layunin. Hindi kasama ang metodolohiya, resulta, at konklusyon dahil ito ay isang deskriptibong abstrak lamang at hindi impormatibo kung saan kabilang ang mga ito.
Comments
Post a Comment