Sino Ako?

Sino ako? Ito ang madalas kong itanong sa sarili ko. Ito rin ang tanong ng ibang tao. Sino ba talaga ako? Katawa-tawang isipin na mismong sarili ko hindi ko lubos na kilala, subalit sigurado ako na mas kilala ko ang sarili ko kaysa sa ibang tao. Mahirap, komplikado, at walang tamang salita ang maisasagot sa tanong na –Sino ako? Kahit ganunpaman, susubukan kong kilalanin ang sarili ko at nawa’y may maisulat ako sa pahinang ito. 

Isang karaniwan na lalaki na binigyan ng pangalan ng kanyang mga magulang na –Ace, mayroong dalawang kapatid at buo ang pamilya –buo na maituturing. Nagkamali pala ako; hindi ako karaniwan na tulad ng karamihan. Bakit? Utal ako. Simula nung bata pa ako, utal ako – utal, paulit-ulit at patigil-tigil. Ganito ang kondisyon ko: mahirap at nakakapagod. Buong buhay ko, nandiyan ang tukso at pangungutya mula sa ibang tao. Pati pamilya ko, masasabi kong tinawanan na rin ako. Noong bata pa ako, sabi nila normal lang ito dahil hindi pa ako ganoon natututong magsalita. Ngayong malaki na ako, walang pinagbago at dala-dala ko hanggang ngayon. Utal pa rin ako. Malala ang aking kondisyon. Apektado halos bawat desisyon na gagawin ko. Nagkakaroon ako ng abnormalidad sa ekspresyon sa mukha sa tuwing nahihirapan akong magsalita. Katawa-tawa ito sa karamihan, lalo na sa mga taong unang beses makakita ng ganitong kalagayan –hindi normal at kahihiyan para sa iba. Masakit tanggapin na hindi ka tanggap dahil sa kondisyon na hindi mo ginusto at sa diperensya na kailanman hindi mo hiniling. Bihira ang nakakaintindi at hindi ganoon kadami ang kaibigan ko na nakakaunawa. Masasabi kong iba ang buhay ko sa normal. Hindi ito karaniwan kahit gustuhin ko at hindi kailanman ito magiging pangkaraniwan. 

Dahil sa pagkautal ko at sa mga karanasan na naidulot nito, nagsumikap at napursige ako sa pag-aaral. Hindi ako matalino, nagsipag lang. Hindi ako matalino, nag-aral lang nang mabuti. Hindi ako matalino pero pinilit kong maging. Ginawa ko ang mga kahinaan ko bilang aking lakas at inspirasyon sa pagpupursige. Sa aking pagtatagumpay, nabawasan ang diskriminasyon na nararansan ko – nabawasan subalit hindi nawala. Napagtanto ko na hindi ito lubos na makakapagbago ng pakikitungo sayo ng ibang tao kahit anong lamang mo sa kanila. Huhusgahan at huhusgahan ka nila. Kahit ganunpaman, sinubukan ko ang lahat huwag lang mapansin at maapektuhan ng mga bagay na makaksakit sa’kin. Sa ngayon, patuloy kong nilalabanan at paulit-ulit na bumabangon sa tuwing nabagsak. 

Sino ako? Nasagot ko na baa ng tanong? Ako ay isang total na patuloy na lumalaban upang malagpasan ang pagsubok sa aking buhay. Iyon lang ba? Ayun lang baa ng pagkakakilala ko sa sarili ko? Alam kong hindi ito sapat upang sagutin ang tanong na –Sino ako? Simple at madali kung sasagutin ko ito ng literal at walang halong retorika. 

Ako si Ace Meelan M. Balbarez, ipinanganak noong Pebrero 7, 2000 at kasalukuyang labinlimang gulang. Nasa ika-sampung baitang sa isang pribadong paaralan. Isang normal na estudyante kung titingan subalit hindi ako pangkaraniwan kung pakikinggan.

Sino ako? Mapaghanggang sa ngayon, hindi ko alam ang mga tamang salita upang bigyan kahulugan ang susunod na isusulat ko. Hindi ko alam kung nakaabot na ito sa isang libong salita o lalagpas. Gayunpaman, sana matapos koi to at mabigyang kahulugan ang nais kong ipahiwatig. 

Sa labinlimang taon na nabubuhay ako, alam kong marami pa akong matutuklasan. Hindi titigil sa paghahanap ng kasagutan at walang humpay na kukuha ng bagong kaalaman. Isantabi muna natin ang aking kahinaan at ituturing ko ang aking sarili bilang isang normal na indibidwal. 

Alam kong kulang na kulang pa ako sa mga karanasan at marami-rami pa ang aking pagdadaanan. Hindi pa buo ang aking ideya kung ano talaga ang “buhay” at ang “silbi” ni. Isa lang rin akong pangkaraniwan na nilalang na naghahanap ng kasagutan. Isang mag-aaral na patuloy na nagsusumikap upang makamit ang inaasam. Isang menor de edad na marami pang nais na masubukan. Isang indibidwal na pilit inaalam ang moralidad sa pagkatao, etikal na pagkilos, at anomalya sa sariling pangungulila. Tulad ng iba, matataas ang aking mga pangarap at siguradong mahirap abutin. Tulad nila, may mga nais akong gawin at maranasan na hindi ganoon kasimple at kadali upang agad na matugunan. At tulad lang rin ng lahat, may mg problema rin akong dinadala. 



Ibalik natin ang tunay na ako. Ako na hindi isinilang na matalino pero pinipilit maging isa. Ako na ginawa ang lahat upang makamit ang nais ng iba. Ako na nagtanim subalit iba ang umani. Ako na naging deboto sa pagtulong kahit walang natatanggap na kapalit. Ako na isang tanga at walang pakialam sa sarili. 

Sabi nila, matalino ako. Oo, matalino ako sa mga asignatura –kung ayun ang depenisyon ng isang matalino. Para sa akin hindi, hindi ako matalino. Siguro ginawa ko lang ang mga bagay na sa tingin ko ay dapat at tama hindi lang sa paningin ko kundi na rin sa mata ng madla. Mahirap makamit ang nais mo sa sarili pero mas mahirap patunayan ang nais at paniniwala ng kapwa mo sa iyo. 

Nawala ang pakialam ko sa sarili at ibinigay ang makakaya upang makisama at makitungo sa iba. 

Tumulong ka subalit umabuso.

Nagdamot ka kaya nagtampo. 

Nagbigay ka subalit kulang. 

Ginawa mo ang lahat kaso hindi naging sapat. 

Sadyang komplikado ang buhay at mabuhay. Mahirap at nakakatakot man ito, kailangan mo ito upang maging matibay at matatag. Tulad ng karamihan, nasasaktan at nakakaramdam din ako, at tulad din ng iba, may kasiyahan at kalungkutan rin ako. Ako ay tao lang naman na tulad niyo. 



---
June 2015








Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

Analysis: Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa

Pelikula at Bansa: Ang Pagbuo ng National Cinema

Emerging Filipino Indie Genre in the Philippine National Cinema

Pelikula at Bansa: Mga Potensyal at Hadlang Para sa Kaunlaran

Pabula: Ang Dalawang Magkaibigang Daga

Pagpapayaman sa Kultura at Wikang Filipino

Breaking the Gold: The Golden Years of Philippine Cinema

Pagsulat sa Filipino - Lakbay-Sanaysay

Bar Boys (2017): A Movie Review

The Historical Origin and Cultural Implications of Bañamos Festival of Los Baños, Laguna